Pluma at Papel

Mga Amerikanistang Taksil sa Bayan


Matapos ideklara ni Hen. Emilio Aguinaldo ang sinasabing kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansiyon sa Kawit, Kabite — makaraang makalaya sa kolonyalismong Kastila — at nang luminaw ang gahamang layunin ng Amerikang sakupin at pagsamantalahan ang Pilipinas, marami agad ang bumalimbing sa uring ilustrado’t elitista, ipinagkanulo ang kapakanan ng […]

Mga "Amerikanistang taksil" (mula kaliwa): Emilio Aguinaldo, Felipe Buencamino, Jose Luzuriaga, Pedro Paterno, Victoriano Mapa at Florentino Torres.
Mga “Amerikanistang taksil” (mula kaliwa): Emilio Aguinaldo, Felipe Buencamino, Jose Luzuriaga, Pedro Paterno, Victoriano Mapa at Florentino Torres.

Matapos ideklara ni Hen. Emilio Aguinaldo ang sinasabing kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansiyon sa Kawit, Kabite — makaraang makalaya sa kolonyalismong Kastila — at nang luminaw ang gahamang layunin ng Amerikang sakupin at pagsamantalahan ang Pilipinas, marami agad ang bumalimbing sa uring ilustrado’t elitista, ipinagkanulo ang kapakanan ng masa, pinagtaksilan ang pambansang soberanya at naging garapalang Amerikanista.

Pinangalagaan ang oportunistang mga interes, humimod agad sa tumbong ng Amerika ang mga ilustradong nakapaligid at nang-uto kay Aguinaldo sa Kongreso ng Malolos, gaya nina Pedro Paterno, Benito Legarda, Pardo de Tavera, Jose Luzuriaga, Cayetano Arellano, Felipe Buencamino, Florentino Torres, Victorino Mapa, Macario Adriatico, at iba pang patuloy na itinuturing na mga “makabayan” at nakabalandra pa nga magpahanggang ngayon ang mga pangalan sa mga kalye, paaralan at pampublikong mga lugar.

Sa kanilang mga pahayag sa Schurman Commission sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, sinalaula nila’t ipinampunas ng paa at puwit ang dignidad ng mga Pilipino at walanghiyang ipinahayag ang labis na pamamanginoon agad sa dayuhang mananakop. Halimbawa, nang tanungin ng Schurman Commission si Arellano kung kaya na ng mga Pilipinong magsarili at pamahalaan ang bansa, tuwirang sinabi ng Kapampangang si Arellano:

“May bahagyang kakayahan ang ilan. Sa ilang lalawigan, halimbawa ang Pampanga, ang mga mamamayan ay may sapat na kaalamang magpalakad ng kanilang pamahalaan ngunit hanggang doon lamang; hindi sila maaaring magsarili.”

Bilang pagsisipsip agad sa mga Amerikano, sinabi naman ni Tavera: “Pagkatatag ng Kapayapaan, lahat ng ating pagpupunyagi ay dapat iukol sa ating pagiging maka-Amerikano; kinakailangang palawakin at gawing panlahat ang kaalaman sa salitang Ingles upang maangkin natin ang kanilang ugali at kabihasnan sapagkat ito lamang ang ating ganap na katubusan.”

Higit na nakasusuka ang sinabi ni Buencamino: “Ako’y isang Amerikano at lahat ng salapi ng Pilipinas sampu ng hangin, liwanag ng araw ay aking ipinalalagay na Amerikano.”

Hindi nasiyahan sa mga pahayag lamang, lubusan silang nakipagsabuwatan sa Pamahalaang Amerikano, nagtatag ng mga partidong lubos na kikilala sa kapangyarihan ng mga Amerikano at, kung maaari, gawin nang isa sa mga estado ng Estados Unidos ang Pilipinas. Ito ang Partido Federal, Partido Conservador at Asociacion de Paz na pinangunahan nina Pedro Paterno, Macario Adriatico, Gregorio Singian, Justo Lukban, Enrique Barredo, Leon Ma. Guerrero, Felipe Buencamino, Rafael Palma, Pascual Poblete, Nazario Constantino, Joaquin Lara at iba pang ilustradong nagsipagtaksil sa masa ngunit, sa kabilang banda, dinakila pa rin ng mga hindi mulat sa tunay na kasaysayan ng bansa bunga ng mga aklat pangkasaysayang sinulat ng mga historyador na nakukubabawan ng utak-kolonyal.

Minana ng sumunod na pambansang liderato ang pagiging Amerikanista. Sa panahon lamang nina Quezon, Osmena at Roxas, nagkasunud-sunod ang mapaminsalang mga tratadong pabor lamang sa mga Amerikano, gaya ng Parity Rights, Bell Trade Act, Kasunduang Laurel-Langley, at iba pa. Maging sa sumunod na mga rehimen mulang kay Quirino hanggang kina Marcos, Aquino at Ramos, hitik ang kasaysayan ng bansa sa pagtatraydor ng mga lider-pulitiko sa tunay na pambansang kapakanan. Sa rehimen ni Erap, isinalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang kontrobersiyal na VFA (Visiting Forces Agreement) na ginawang tuntungan ngayon ng mga pagsasanay-Balikatan dahil sa walang habas na suporta ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa bawat plataporma at teroristang pakana ni Presidente George W. Bush ng Amerika.

Lubusan mang mapinsala ang kapakanan ng bayan at ibenta man ang kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon, agad na ipinalulunok sa sambayanan ng pambansang lideratong nakaugaliang maging palagiang tagahimod ng tumbong ng Estados Unidos ang mapandambong at mapang-aliping globalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon, kontraktuwalisasyon, at iba pang maka-Amerikanong programang tuluyang lalamon sa pambansang ekonomiya at tuluyang maglulubog sa bansa sa malaganap na karalitaan.

Hindi na tuloy katakataka, at lohikal na isipin, na iaangkop lamang sa interes ng Amerika ang isinusulong na muling pagbabago sa Konstitusyon ng bansa o Cha-Cha. Malamang kaysa hindi, tuluyan nang ibenta ng mga Amerikanista ang pambansang soberanya at ipagahasang lubusan ang kabuhayang-bansa at, gaya nang iginigiit na noong panahon pa ni Erap, pahihintulutan ang kapitalistang mga Amerikano na makapagmay-ari dito ng mga lupain, makapagpatakbo ng mga serbisyo publiko gaya ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, at makapagmay-ari din ng media, mga kolehiyo at unibersidad. Sa maikling salita, buung-buong ipalalamon ng mga Amerikanista ang bansa sa mapambusabos na dayuhang interes.

Pero, sa aba naming palagay, hindi natutulog ang kasaysayan at patuloy na isusumpa ng mulat, makabayan at progresibong mga mamamayan ang mga Amerikanistang taksil sa bayan.