10 kasinungalingang binitawan ni Noynoy Aquino

July 28, 2014

Malamang na hindi lang sampu ang kasinungalingang binitawan ng taong ito. <strong>Malacanang Photo</strong>

Malamang na hindi lang sampu ang kasinungalingang binitawan ng taong ito. Malacanang Photo

"Sinungaling" ang husga ng marami kay Aquino. <strong>PW File Photo</strong>

“Sinungaling” ang husga ng marami kay Aquino. PW File Photo

Impeaching an honest president is wishful thinking.”

Ito ang sambit umano ng alyado ni Pangulong Aquino sa Kamara, si Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali, bilang reaksiyon sa mga isinampang impeachment complaint sa Kamara. Pero gaano katapat ang Pangulo?

Ang pakay ng listang ito, sa ibaba, ay ilista ang 10 pahayag ni Pangulong Aquino, labas ng State of the Nation Address (na madalas namang inuurirat ng midya), na napasubalian o pinasisinungalingan – ng aktuwal na datos man o ng iba pang tao.

Kilala natin ang mainstream na pulitika sa bansa. Tiyak, mas marami pa rito ang aktuwal na kasinungalingang binitawan ng isang pangulo na tulad ni Aquino. Pero hayaan ninyong simulan natin sa 10 ang pagbaybay sa padron ng sistemikong pagsisinungaling ng pangulong nahaharap ngayon sa tatlong impeachment complaint.

1. Bago ang bagyong Yolanda: “Fully mission capable (ang gobyerno) upang rumesponde sa nangangailangan”

Sa talumpati ni Pangulong Aquino sa telebisyon noong Nobyembre 7, 2013, bago mag-landfall ang bagyong Yolanda, sinabi niyang handa na ang tatlong C-130 planes, 32 eroplano at helikopter ng Air Force at 20 barko ng Navy. Nakapuwesto na rin daw ang relief goods sa mga lugar malapit sa maaapektuhan ng bagyo. Sabi pa niya: “[S]a mga hindi pa po naaabot dahil pinagbawalan nang pumalaot ang mga barko dahil sa peligro, umasa po kayong darating agad ang tulong paghupa ng bagyo.”

Alam na natin ang nangyari sa aktuwal.

Isang linggo matapos humupa ang bagyo, wala pa ring makitang aktuwal na tulong mula sa gobyerno sa mga lugar na pinaka-nasalanta ng bagyo. Sa Tacloban City, na halos mabura sa mapa dahil sa taas at lakas ng storm surge, agad na lumaganap ang gutom sa mga nakaligtas. Sa isang linggong ito, hindi nila mailibing ang mga namatay, hindi pa makita ang libu-libong nawawala, walang batayang serbisyo, walang pagkain, walang seguridad, walang gobyerno.

Isang malinaw na kasinungalingan ang sinabi ni Aquino na handa ang gobyerno sa pagdating ni Yolanda, na nakahanda ang mga sasakyan, at “nakapuwesto ang relief goods”. Alam din ng Pangulo kung gaano kalakas ang bagyo na paparating, at hindi pupuwedeng sabihing di niya inasahan ang tindi ng bagyong darating. Sinabi niyang handa ang kanyang gobyerno, pero nakita ng buong mundo ang kainutilan ng gobyernong ito na harapin ang epekto ng bagyo.

May kaunting pagkilala si Aquino sa kasinungalingang kanyang binitawan—nang, sa isang forum ng mga estudyante ng Hope Christian High School, humingi siya ng tawad sa mabagal na pagresponde sa mga nabiktima ni Yolanda. Pero may palusot pa rin siya: “Everything was down… cellphones, et cetera…. Even the equipment whether it’s heavy equipment, whether it’s trucks, whether it was police vehicles, what have you, were also hit.”
Mahigit apat na buwan matapos sabihing handa ang mga kagamitan ng gobyerno para sa pagdating ni Yolanda, sinasabi naman niya na tinamaan ng bagyo ang mga kagamitang ito kaya di agad na nakaresponde.

Pag-bulldoze ng mga pananim sa Hacienda Luisita -- at paglaban ng mga magsasaka rito. <strong>PW File Photo</strong>

Pag-bulldoze ng mga pananim sa Hacienda Luisita — at paglaban ng mga magsasaka rito. PW File Photo

2. ‘Ipapamahagi ko ang Hacienda Luisita sa Hunyo 2014’

Panahon pa lamang ng kampanya niya sa pagkapangulo noong eleksiyong 2010, naurat na si Aquino sa mga tanong hinggil sa Hacienda Luisita. Isa sa pangunahing isyu ito na inihaharap sa mga Aquino, lalo na’t nangunguna si Noynoy sa lahat ng sarbey.

Nakulitan na marahil si Aquino, kaya napilitan siyang magbitaw ng kategorikal na pahayag noong Pebrero 2010 na hihimukin niya ang kanyang pamilya, ang mga Cojuangco, na ipamahagi na sa mga bepenisyaryong magsasaka ang lupa ng mahigit 4,500 ektaryang asyenda—bago lumipas ang extension period ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa Hunyo 30, 2014.

Hulyo 28 na, wala pang aktuwal na pamamahagi.

Kabaliktaran pa ang nagaganap ngayon. Sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi na sa mga magsasaka ang Luisita (at sa kabila ng pagbigay na ng gobyerno ng kompensasyon sa mga Cojuangco, na kinuha mula sa Disbursement Acceleration Program), gumagawa pa ang pamilyang Cojuangco at Department of Agrarian Reform ng iba’t ibang iskema para maharang ang pamamahagi—mula sa di-libreng pamamahagi ng lupa, pagpapatupad ng kuwestiyonableng tambiolo system para sa distribusyon ng lupa, maanomalyang auditing process, hanggang sa land grabbing sa loob ng asyenda, pagpapalayas sa mga magsasaka na nagtatanim na sa asyenda, pagtatambak ng militar at armadong goons sa lugar, at maraming iba.

3. ‘Panahon na po upang i-abolish ang PDAF’

Noong Agosto 23, 2013, o tatlong araw bago ang makasaysayang Million People March na bumabatikos sa sistema ng pork barrel sa bansa, muling nagsalita sa telebisyon si Aquino. Tila pagsasalag sa mga batikos (maaalalang bago ang talumpating ito, todo-depensa pa si Aquino sa pork barrel at Priority Development Assistance Fund o PDAF) at pagpapahupa ng galit ng mga mamamayan, ang talumpating ito.

Dito, sinabi niyang maganda naman sana ang hangarin ng PDAF. Pero dahil tiwali ang nakaraang pangulo (sino pa ba, kundi si Gloria Arroyo), ginawang gatasan ng ilang indibidwal at mambabatas ang PDAF. Kung kaya, dinedeklara raw ni Aquino na wala nang PDAF sa susunod na pambansang badyet. Sabi pa niya, bawat proyektong nais pasimulan ng mga mambabatas ay “itatalaga…bilang line item” sa loob ng National Budget.

Ang hindi niya sinabi, mas malaki, mas sistematiko, at mas patagong klase ng pork barrel ang ginagawa na ng Department of Budget and Management (DBM): ang DAP. Ehekutibo (DBM, Pangulo, NEDA, etc.) mismo ang pumili ng proyekto, DBM ang maglalabas ng pondo. Hindi napapasailalim sa regular na auditing ng National Budget dahil wala naman dito ang mga proyektong pinopondohan ng DAP. Samantala, ayon kay Kabataan Rep. Teddy Ridon, tuloy pa rin ang pork barrel, sa uri ng Grassroots Participatory Budgeting.

4. ‘Wala tayong kapangyarihan para itigil ang power rate hike ng Meralco’

Isang buwan pa lamang matapos wasakin ng bagyong Yolanda ang Eastern Visayas, at habang naghahanda ang mga mamamayan sa “paghihigpit-ng-sinturon” sa nalalapit na Pasko noong Disyembre 2013 nang ianunsiyo ng Manila Electric Co. (Meralco) na magpapataw ito ng P4.15 kada kilowatt hour na taas-singil sa kuryente. Ito ang pinakamataas na isahang taas-singil sa kasaysayan ng Meralco. Natural, umani ito ng matinding batikos mula sa mga mamamayan na di pa nga makabangon mula sa bagyong Yolanda, tumataas na mga bilihin, at iba pang pasakit.

Sabi ni Aquino, sa pamamagitan ng kanyang Deputy Spokesperson na si Abigail Valte: Walang magagawa ang gobyerno sa taas-singil sa kuryente. “Wala tayong magic wand,” aniya, para mapigilan ang power rate hike ng Meralco. Siyempre, lalong tumindi ang batikos ng iba’t ibang sektor. Pati ang mga alyado ng Palasyo na sina Walden Bello ng Akbayan at Sen. Sonny Trillanes, napilitang magsalita (pero di direktang bumabatikos sa Pangulo, kundi sa Energy Regulatory Commission lang.)

Yumpala, may magagawa siya. Napilitan ang ERC na suriin ang power rate hike ng Meralco. Matagal nang natapos ang pag-aaral, hindi pa rin agad inilalabas. Nang ilabas, napag-alamang may players sa Wholesale Electricity Spot Market para tumaas ang singil sa kuryente. Di-nagtagal, noong Disyembre rin, umakto ang Korte Suprema sa petisyon ng Bayan Muna para itigil ang taas-singil: Naglabas ito ng temporary restraining order na tumagal nang 60 araw. Noong Pebrero, inekstend ito ng Korte Suprema. At Noong Abril 23, muling inekstend nang walang palugit ang TRO.

May magagawa pala si Aquino: Kung hindi pa pinresyur ng publiko, hindi iimbestigahan ng ERC ang Meralco. Kung hindi pa nagpetisyon ang Bayan Muna at progresibong mga party-list, hindi matitigil ng Korte Suprema ang power rate hike na tiyak na papasanin ng naghihirap nang mga mamamayan.

5. ‘Malaya ang senator-judges na pagpasyahan ang impeachment trial ni Corona’

Dating Chief Justice Renato Corono, noong kanyang impeachment trial sa Senado. <Strong>Pooled Photo</strong>

Dating Chief Justice Renato Corona, noong kanyang impeachment trial sa Senado. Pooled Photo

Hindi naman sinikreto ni Pangulong Aquino ang pagkamuhi niya kay dating Chief Justice Renato Corona. Mula nang magdesisyon siyang manumpa kay Associate Justice Conchita Carpio-Morales sa halip na sa Punong Mahistrado noong Hunyo 30, 2010, hanggang ngayon, di nagpapapigil si Aquino sa pagpahayag ng kanyang disgusto sa Chief Justice na tinalaga ng kanyang predecessor. Sa mga pahayag niya noong panahon ng impeachment trial ni Corona, halatang nanggigigil ang Pangulo na matanggal ang huli sa Kataas-taasang Hukuman.

Pero ang inilihim ni Aquino: Kung papaano niya inimpluwensiyahan ang impeachment court, na kinabibilangan ng senator-judges, para ideklarang maysala si Corona.

Kahit na regular na naglabas ng pahayag ang Pangulo hinggil sa tunay niyang palagay sa pag-uusig kay Corona, malinaw namang sinabi noon ni Deputy Spokesperson Abigail Valte na hindi nila iniimpluwensiyahan ang senator-judges. Sabi ng naturang tagapagsalita ng Pangulo: “We believe that the senator-judges are fairly independent for them to make their own assessment of the evidence that is brought before the Senate sitting as an impeachment court.Sinabi pa niyang hindi intensiyon ng Pangulo na galitin ang publiko laban kay Corona, kundi ipaalam lang daw sa kanila ang katotohanan. Samantala, isiniwalat ng Defense Team ni Corona na iniimpluwensiyahan umano ng Malakanyang, partikular si Executive Sec. Paquito Ochoa Jr., ang senator-judges.

Pero noong nakaraang taon, lumabas ito: Pagsisiwalat ni Sen. Jinggoy Estrada (na may sarili ring adyenda sa paggawa nito, dahil sangkot siya sa pork barrel scam) na naglaan ang Malakanyang ng P50-100 Milyong pondo para sa bawat senador na bumoto pabor sa impeachment ni Corona. (Sinabi rin ng Defense Team na nag-alok daw ng P100-M kada senador si Ochoa.) Kinumpirma ito ng maraming senador, na tumangging suhol umano ito sa pagboto nila sa impeachment. Pero ang ipinagtataka ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, sila nina Sen. Joker Arroyo at Sen. Ferdinand Marcos Jr. na di-pabor sa pagtanggal kay Corona ay di nilaanan ng naturang pondo. (Isiniwalat din ni Estrada na galing ang naturang pondo sa misteryosong Disbursement Acceleration Program o DAP.)

Nitong Enero lamang, isiniwalat ng nasusukol nang si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., sa kanyang privilege speech, ang pakikipag-usap umano ng Pangulo sa kanya bago ang paglabas ng verdict ng impeachment court. Sa naturang pulong na dinaluhan ni Aquino, DBM Sec. Butch Abad at noo’y Transportation and Communication Sec. (at ngayo’y Interior Sec.) Mar Roxas, pinresyur umano ni Aquino si Revilla na bumoto pabor sa guilty verdict. Pagkatapos nito, kinausap din ni Aquino ang iba pang senador—bagay na kinumpirma ng ibang senador.

Noong Enero rin, sinabi ng ilang eksperto na posibleng ma-impeach si Aquino dahil sa pag-iimpluwensiya niya noon sa >senator-judges.

6. ‘Hindi ko personal na kilala si Janet Lim-Napoles’

Inamin ng Malakanyang na "nagpakodak" sa kanya si Janet Lim-Napoles sa Cebu noong 2012.

Inamin ng Malakanyang na “nagpakodak” sa kanya si Janet Lim-Napoles sa Cebu noong 2012.

Noong Agosto 2013, sa mismong araw na ianunsiyo ng Malakanyang ang P10 Milyong bounty para sa nagtatagong pangunahing suspek sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles, sumuko ang huli sa Malakanyang. Matapos sunduin ng mismong si Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa Heritage Park sa Taguig, tinagpo si Napoles ng mismong si Aquino sa Malakanyang. Matapos makipag-usap si Napoles sa Pangulo at iba pang miyembro ng gabinete, ineskort ng mismong Pangulo si Napoles patungong Kampo Crame. (Samantala, sabi umano ng mga source sa Palasyo ni dating Sen. Kit Tatad, umaga pa lamang noong Agosto 28, nakipagkita na kay Aquino si Napoles.)

Paulit-ulit na itinatanggi ng Pangulo na kilala niya o nakauugnayan si Napoles noong kongresista o senador pa lamang siya, at kahit noong naging pangulo siya.

You know, when I saw her when she came to the Palace, I was trying to look at her and I don’t remember her,sabi ni Aquino noong Setyembre 2013, mahigit isang linggo matapos sumuko sa kanya si Napoles. Sinabi pa ng Pangulo na “hindi niya matandaan” kung nakita na niya si Napoles dati. Noong buwan ding iyon, lumantad ang larawan ni Aquino at ang anak ni Janet na si Jeane Napoles. Pagkatapos, inunahan na ng Malakanyang ang social media: Inilabas nito ang larawan ng Pangulo at pangunahing suspek sa pork barrel scam “sa isang okasyon sa Cebu” noong Nobyembre 2012. Pero ang sabi ng Palasyo, isa lamang si Napoles sa mga nagpakuha ng larawan sa Pangulo.

Nitong Hunyo 6, 2014, sa confirmation hearing para kay Justice Sec. Leila de Lima, inungkat ni Sen. Jinggoy Estrada ang hinggil sa isang liham ni Napoles kay Aquino noong Abril 17, 2013, na humihingi ng tulong sa panghaharas sa kanya diumano ng National Bureau of Investigation kaugnay ng dating aide na si Benhur Luy. Tinanong ni Estrada kung totoong sinulatan ni Aquino ang mismong liham ni Napoles para utusan si De Lima na agarang aksiyunan ang rekwes ni Napoles.

Hindi raw maalala ni De Lima kung may sulat ito ni Aquino o ng secretary lamang niya. Sinagot ni Aquino ang paratang ni Estrada. Kinumpirma niya ang mismong liham ni Napoles—pero itinidiin ang dating security aide ng ama ni Sen. Estrada na si Manila Mayor Joseph Estrada. Sa madaling salita, hindi niya itinanggi na may sulat sa kanya si Napoles, at pinaaksiyunan niya ito kay De Lima.

Tinanggihan pa rin ni Aquino ang pagrepaso sa VFA kahit na nasira na ng USS Guardian ang Tubbataha Reef.

Tinanggihan pa rin ni Aquino ang pagrepaso sa VFA kahit na nasira na ng USS Guardian ang Tubbataha Reef.

7. ‘Rerepasuhin natin ang Visiting Forces Agreement’

Sa ilang panayam sa kanya noong tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo, sinabi ni Aquino na sang-ayon siyang muling aralin ang kasunduang-militar ng Pilipinas at Amerika na Visiting Forces Agreement (VFA). Aniya, partikular na dapat suriin kung papaano mapapangalagaan ang interes ng Pilipinas. Nakita umano ito sa kaso ng Subic Rape Case noong 2005, nang gahasain ng ilang US Marines ang Pilipinang si “Nicole”.

Noong maging pangulo, inulit ni Aquino ang kanyang kagustuhang repasuhin ang VFA. Pero hindi na nasundan ang pangakong ito. Noong pumutok ang pagtapon ng toxic waste ng isang Amerikanong barko na inempleyo ng US Armed Forces sa Subic Bay noong Oktubre 2012, agad na binasura ng administrasyon ang mga panukalang repasuhin ang VFA. Gayundin nang “aksidenteng” masira ng USS Guardian ang Tubbataha Reef noong Enero 2013, sinabi ng Solicitor General na di maaaring isisi ito sa VFA at itinanggi ang mga mungkahing repasuhin ang naturang kasunduang-militar.

Noong Abril 28, 2014, nilagdaan ng administrasyong Aquino at gobyernong US ang Enchanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) – na sa esensiya’y nagpalawig sa implementasyon ng VFA. Hindi na lamang “visiting forces” ang mga sundalong Kano; mistulang may basing rights na sila sa buong Pilipinas.

8. ‘Bukas ang pinto ng gobyerno sa negosasyon sa NDFP’

Mag-asawang Tiamzon, pinahuli ni Aquino kahit na mahalagang konsultant sa usapang pangkapayapaan. <strong>PW File Photo</strong>

Mag-asawang Tiamzon, pinahuli ni Aquino kahit na mahalagang konsultant sa usapang pangkapayapaan. PW File Photo

Matapos mahuli ang dalawang itinuturong lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), ang mga konsultant pangkapayapaan na sina Benito at Wilma Tiamzon, noong Marso 2014, sinabi ni Aquino na bukas ang kanyang gobyerno sa pakikipagnegosasyon sa rebolusyonaryong kilusan.

Does it (pag-aresto sa mag-asawang Tiamzon) have an impact (sa usapang pakapayapaan)? I don’t think so. It really depends on their willingness to go back to the bargaining table,” sabi umano ni Aquino.

Pero lahat ng ikinikilos ng administrasyong Aquino ay nagtuturo sa reyalidad na di na ito interesado sa usapang pangkapayapaan. Hindi na nito kinikilala ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), at maging ang iba pang kasunduan ng dalawang panig. Hindi nito kinikilala ang mga konsultant pangkapayapaan na protektado dapat ng Jasig. At sabi mismo ng punong konsultant sa negosasyon ng NDFP na si Luis Jalandoni na kahit ang seryosong mga hakbang nito at ng third party facilitator na gobyerno ng Norway na matuloy ang usapan ay hindi seryosong hinaharap ng administrasyong Aquino.

9. ‘Hindi ako sang-ayon sa mga grupong paramilitar’

End Impunity-featured

Kampanyang “end impunity”: Di pinapansin ng Palasyo.

Noong tumatakbo sa pagkapango sa eleksiyong 2010, sinabi ni Pangulong Aquino na bubuwagin niya ang mga grupong paramilitar. Gagawin din daw niya ang lahat para mabasura ang Executive Order 546 ni dating Pangulong Arroyo, na nag-uutos ng pagpondo,deputization at pagbibigay-kapangyarihan sa mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Units o Cafgus at Civilian Volunteer Organizations o CVOs para maging multiplier force kontra sa insurhensiya.

Pero hindi niya ipinabasura hanggang ngayon ang EO 546. Sa kabila nito, “niyakap” pa umano ni Aquino ang iba’t ibang grupong paramilitar sa bansa, tulad halimbawa ng Cordillera People’s Liberation Army na tumutulong na sa giyerang kontra-insurhensiya ng gobyerno at sangkot din sa maraming abuso.

Nagpapatuloy din ang paggamit ng Armed Forces of the Philippines ng Cafgu, CVOs at iba’t ibang klase ng mga grupong paramilitar sa iba’t ibang lugar sa bansa. Bukod sa malaganap na rekord ng pang-aabuso ng naturang mga grupo, sinabi ng mga grupong pangkarapatang pantao na ito rin ang nagiging balon ng lokal na mga pulitiko para sa kanilang private armies, tulad ng pamilyang Ampatuan—marami sa mga suspek sa masaker sa Ampatuan noong 2009 ay inarmasan ng gobyerno bilang bahagi ng counter-insurgency campaign

Samantala, itinatanggi rin ng Malakanyang ang obserbasyon ng maraming human rights groups at maging ng mga grupo ng midya na laganap pa rin ang impunity, o kawalan ng pananagutan sa malalang mga krimen, sa bansa. Pinaratangan ng pooled editorial ng ilang organisasyong midya (kasama ang Pinoy Weekly) na “Impunity King” si Aquino. Itinanggi ito, siyempre, ni Presidential Communications Operations Office Sec. Sonny Coloma

10. “Nagkakaigihan kami (ng isang artista)”

 

Kumalat kamakailan sa social media ang bidyo ng talumpati ni Pangulong Aquino sa anibersaryo ng Department of Budget and Management (DBM) noong pang Abril 25, 2011. Dito, isiniwalat ni Aquino ang munting kuwento niya at ni Budget Sec. Butch Abad.

Noong tumatakbo pa lang daw sa pagkasenador si Aquino, at campaign manager niya si Abad, minsan nang ginawan ni Abad siya ng kuwento na nagli-link sa kaya sa isang “artistang mang-aawit”. Ito ang salaysay mismo ng Pangulo:

So noong araw noong tayo’y nasa oposisyon at walang pera, nagisip siya ng paraan, paano ba ako ipakikilala sa taumbayan? So ang ginawa po niya, mayroon pong isang sikat na artistang mangangawit, at awa ng Diyos po ay naging laman kami ng mga ilang tabloid at diyaryo na hindi bababa ng walong buwan. Ako po’y nagtataka, dahil minsan ko lang ho nakilala sa buong buhay ko itong itinutukoy na singer, ay kinalabasan lahat raw ho ng concert pinanood ko, parang nagkakaigihan kami.”

Nagtaka umano si Aquino kung papaano “pinahaba (ni Abad) ang istorya na walang laman”. Kinalaunan, aniya, natuklasan din niya kung papaano hinokus-pokus ni Abad ang tsismis na walang katotohanan para pag-usapan ng tao:

“‘Di umano’y, at wala po akong kinalaman doon, nagpapadala ng bulaklak ang mga … kaibigan na lang … ni Secretary Abad doon sa babaeng kinaukulan. At tinanggap naman po. At kada bigay niya ng bulaklak, dagdag nanaman ng istorya doon sa aming pag-uugnayan na hindi naman po nangyari talaga.”

Noong matuklasan kung papaano pinakalat ang kasinungalingan, ang sabi daw ni Aquino, kay Abad: “Butch, ang galing mo gumawa ng fiction, dapat naging manunulat ka na lang.”

Sa simpleng kuwentong ito, sa mismong bibig ni Aquino: Inamin niyang dati nang nagsisinungaling si Abad—at siya, dahil sinakyan naman niya ang gawa-gawang kuwento—sa publiko, sa ating mga mamamayan.