Main Story Manggagawa

Laban ng Quezon City teachers para sa kanilang benepisyo

Sa 37 taong pagtuturo ni Luzviminda De Vera, pilit pa rin niyang pinagkakasya ang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Pero sa kabila ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin at bayarin para sa mga serbisyo, nakapako pa rin ang kanyang sahod at sinasabayan ngayon ng banta na matanggal pati ang kanyang natatanggap […]

Protesta ng mga guro sa harapan ng Quezon City Hall para ipaglaban ang kanilang lokal na alawans.Pher Pasion
Protesta ng mga guro sa harapan ng Quezon City Hall para ipaglaban ang kanilang lokal na alawans.Pher Pasion

Sa 37 taong pagtuturo ni Luzviminda De Vera, pilit pa rin niyang pinagkakasya ang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Pero sa kabila ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin at bayarin para sa mga serbisyo, nakapako pa rin ang kanyang sahod at sinasabayan ngayon ng banta na matanggal pati ang kanyang natatanggap na alawans.

Naglabas kasi ang Commission on Audit ng Circular No. 2013-003  na nagtatanggal sa mga benepisyo ng mga kawani sa gobyerno. Hindi umano naaayon sa batas kabilang sa mga guro bilang paghihigpit sa pondo ng gobyerno.

Pagharap sa banta

Dahil sa bantang ito, nagtungo ang nasa 2,000 guro sa Quezon City na miyembro ng Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA) at Alliance of Concerned Teachers para tutulan ang inilabas na circular ng COA at muling ipanawagan ang dagdag-sahod at alawans ng mga guro.

Quezon City Mayor Herbert Bautista sa kanyang pagharap sa mga guro.Pher Pasion
Quezon City Mayor Herbert Bautista sa kanyang pagharap sa mga guro.Pher Pasion

Hinarap naman sila ni Quezon City Mayor Herbert Bautista at pinapasok sa Quezon City Hall matapos matagal na naghintay nang harangin ng mga pulis at guwardiya.

Ipinaliwanag ni Bautista sa mga guro ang kalagayan ng Quezon City pagdating sa pagpopondo ng mga benepisyo ng mga guro. Kasamang ipinaliwanag ni Bautista ang ginawang hakbang ng lokal na gobyerno na magpasa ng ordinansa para maituloy pa rin ang alawans ng mga guro.

“Inaprubahan na sa Committee on Laws ang ordinansa… ang P1,500 per quarter (na alawans) ituloy pa rin yun. Itutuloy pa rin ang P1,500 per quarter,” ayon kay Bautista.

Ayon pa sa alkalde, kasalukuyang pinag-aaralan ng lokal na gobyerno ang kahilingan ng mga guro, partikular ang kanilang mga sahod at kakulangan pa sa mga eskuwelahan kagaya ng mga silid-aralan.

Dahil na rin sa K to 12 program ng administrasyong Aquino, hindi lamang umano pinoproblema ng lokal na gobyerno ang pagpapatayo ng karagdagang mga silid-aralan kundi maging ang pagbili mismo sa mga lupa ng mga paaralan.

Ayon kay Priscilla Ampuan, doktor at presidente ng QCPSTA, positibo naman ang naging tugon ng meyor sa kanilang kahilingan at naiintindihan nila ang kalagayan ng siyudad. Pero kailangang maikonsindera ng meyor ang kanilang kahilingan sa dagdag-sahod at benepisyo.

“Kaya ng city government sa badyet dahil lumalaki naman ang badyet. Ina-assert naman ni meyor ‘yung taxation and hopefully mai-consider ang teachers. Hindi naman puro mga construction dahil may (national) government naman para doon,” ayon kay Ampuan, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Tinitipid ng gobyerno

Para sa mga guro, di-dapat sila ang paghigpitan at pagtipiran ng gobyerno. Dapat pa nga umanong taasan ang kanilang mga sahod at mga benepisyo lalo na sa kasukuyang walang-tigil ang pagtaas ng mga bilihin at bayarin.

Pagtutol ng mga guro na tanggalin ang kanilang mga alawans.Pher Pasion
Pagtutol ng mga guro na tanggalin ang kanilang mga alawans.Pher Pasion

“Kaya nga may alawans, para may pandagdag sa gastos sa pang-araw-araw na bilihin. Bakit nila (ng gobyerno) tinitipid ang teachers? Sila nga dapat ang magtipid kasi sila ang nangungurakot, sila ang may unnecessary expenses. ‘Yang DAP (Disbursement Acceleration Program), saan napupunta yang perang yan?” tanong ni Mabelle Caboboy, bise-presidente ng QCPSTA.

Ayon kay De Vera, sadyang hirap na niyang mapagkasya ang kaniyang sahod sa pang-araw-araw na gastusin. Pagdating sa eskuwelahan, sila pa rin ang gumagastos sa mga kagamitang panturo para sa kanilang mga estudyante.

“Hindi puwedeng magturo ng visual aids. Imbes na gagastusin namin para sa pamilya sa klasrum pa namin ginagamit. Chalk allowance lang ang mayroon kami,” ayon kay De Vera.

Kabilang sa kanilang naging panawagan ang isabatas ang House Bill 254 na naglalayong itaas ang sahod ng mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon.

Paghahanda sa SONA

May naani mang tagumpay ang mga guro sa kanilang pakikipagharap sa Quezon City meyor, kailangan pa ring ipaglaban nila ang matagal nang panawagan sa administrasyong Aquino na dagdag-sahod.

Mula nang maupo si Aquino bilang pangulo, walang anumang natanggap na dagdag-sahod ang mga guro. Wala ring umanong nabanggit si Aquino sa lahat ng talumpati nito sa kanyang mga  State of the Nation Address patungkol sa mga sahod ng mga guro.

“Patikim pa lamang ito. Sa SONA ni Aquino, higit na magpapakita ang mga guro ng kanilang galit sa gobyernong ito sa ginagawa (ni Aquino) sa mga guro,” pagtatapos ni Caboboy.

Ilang larawan ng protesta ng mga guro sa Quezon City:

Nasa 2,000 guro ang kumilos para ipaglaban ang kanilang alawans at panawagan para sa dagdag na sahod at benepisyo.Pher Pasion
Nasa 2,000 guro ang kumilos para ipaglaban ang kanilang alawans at panawagan para sa dagdag-sahod at benepisyo. Pher Pasion
HInarangan ang mga guro sa kanilang pagpasok sa Quezon City Hall.Pher Pasion
HInarangan ang mga guro sa kanilang pagpasok sa Quezon City Hall. Pher Pasion
Panawagan ng mga guro na itaas pa ang kanilang alawans dahil kulang na umano ang kanilang natatanggap sa taas ng mga bilihin at gastusin.Pher Pasion
Panawagan ng mga guro na itaas pa ang kanilang alawans dahil kulang na umano ang kanilang natatanggap sa taas ng mga bilihin at gastusin. Pher Pasion
Tinututulan ng mga guro ang pagtanggal sa kanilang mga benepisyo.Pher Pasion
Tinututulan ng mga guro ang pagtanggal sa kanilang mga benepisyo. Pher Pasion
Para umano sa kanyang anak ang kanyang paglahok sa laban nilang mga guro.Pher Pasion
Para umano sa kanyang anak ang kanyang paglahok sa laban nilang mga guro.Pher Pasion