Magsasaka Main Story

Lakbayan ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo

Hindi alintana ng libu-libong magsasaka ang bagsik ng sikat ng araw sa Kamaynilaan.  Naglakbay ang mga magsasaka mula sa iba’-t ibang rehiyon; ilang daang kilometro kalsada ang kanilang tinahak para ipanawagan ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, sa araw ng pagtatapos ng pekeng Comprehensive Agrarian Reform Program  (CARP).  Ipinanawagan din ng mga magsasaka […]

Dahil sa kabiguang maipatupad ang tunay na reporma sa lupa,nanawagan ang mga magsasaka sa pagpapatalsik kay Pangulong Aquino. Macky Macaspac
Dahil sa kabiguang maipatupad ang tunay na reporma sa lupa,nanawagan ang mga magsasaka sa pagpapatalsik kay Pangulong Aquino. Macky Macaspac

Hindi alintana ng libu-libong magsasaka ang bagsik ng sikat ng araw sa Kamaynilaan.  Naglakbay ang mga magsasaka mula sa iba’-t ibang rehiyon; ilang daang kilometro kalsada ang kanilang tinahak para ipanawagan ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, sa araw ng pagtatapos ng pekeng Comprehensive Agrarian Reform Program  (CARP).  Ipinanawagan din ng mga magsasaka ang pagpapatalsik kay Pangulong Aquino na tinagurian nilang “hacienderong pangulo”.

“Higit kailanman, ngayo’y kinakailangan ng batas sa repormang agraryo na magpapalaya sa uring magsasaka sa lahat ng anyo ng pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal,” ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa panayam ng Pinoy Weekly.

Hindi raw ipinagluluksa ng uring magsasaka ang pagtatapos ng implementasyon ng huwad na CARP  na pinalawig pa ng CARP Extension with Reforms (Carper) Law; hindi naman daw ito kailanman nagkaroon ng layunin na lutasin ang pundamental na problema ng milyun-milyong magsasaka dulot ng kawalan ng lupang sinasaka.

Ayon pa kay Mariano, walang maaasahan ang uring magsasaka na tunay na reporma sa lupa hangga’t nakaupo ang hacienderong pangulo na si Pangulong Aquino.

“Sa araw na ito, tapos na ang pagpapatupad ng huwad na CARP. Kailangang irehistro ng mga magsasaka ‘yung matibay na determinasyon na paigtingin pa ang anti-piyudal na kampanya para sa tunay na reporma sa lupa,” ayon kay Mariano.

Pahirap na CARP at Carper

Mula noong panahon pa ni dating Pang. Corazon Aquino, tinutulan na ng mga magsasaka ang CARP dahil nilikha umano ang naturang batas para panatilihin ang lupa sa kamay ng mga panginoong maylupa.

“Nilinang namin at pinaunlad ang mga nakatiwangwang na lupa. Pero hanggang ngayon, hindi namin maangkin ang sinasakang lupa,” sabi ni Anastacio Abugadi, magsasaka ng San Mateo, Isabela.

Kuwento niya, taong 1940 pa noong simulan nilang linangin ang lupang saklaw ng Villamar Estate. Sa kabila nito, hindi naipaloob sa PD 27 ng diktadurang Marcos ang lupang kanilang sinasaka. Hanggang sa ipatupad ang CARP noong 1988, hindi  rin nasaklaw ang mahigit 100 ektaryang Villamar Estate. Tumindi pa nga raw ang panggigipit ng mga panginoong maylupa sa kanila.

“Marami ang hindi makabayad ng upa sa lupa, kaya kinakasuhan kami at pinapalayas sa lupang matagal na naming sinasaka,” ani Abugadi. Kung tutuusin, maliit ang lupang sangkot sa kuwento ni Abugadi. Pero kung pagsasamahin ang mga kasong kinasasangkutan ng mga magsasaka sa buong kapuluan, milyong ektarya ang sangkot.

Sinunog ng mga magsasaka ang effigy ni Pang. Aquino na tinagurian nilang hacienderong pangulo. Macky Macaspac,strong>
Sinunog ng mga magsasaka ang effigy ni Pang. Aquino na tinagurian nilang hacienderong pangulo. Macky Macaspac

Sa datos ng gobyerno noong 1988 Listasaka program, mayroong 8.9 milyong ektarya ng mga pribadong lupang agrikultural. Kung pagbabasehan na tama ang Department of Agrarian Reform na maipamahagi ang 2.6 milyong ektarya, mayroon pa ring nalalabing 6.3 milyong ektaryang lupa na pribado.

Sabi ng KMP, nasa kontrol ng mga malalaking panginoong maylupa at agro-corporations ang mga lupang ito.

Monopolyo sa lupa

Kabilang sa mga lupang kontrolado pa rin ng malalaking panginoong maylupa ang Hacienda Looc sa Batangas, Hacienda Araneta sa San Jose del Monte,Bulacan, Hacienda Dolores sa Pampanga, Hacienda Sta Isabel-San Antonio sa Isabela–malalawak na asyenda ng asukal sa Negros at mga plantasyon ng prutas sa isla ng Mindanao at iba pa.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng karamihan ang nagaganap sa loob ng Hacienda Luisita na pag-aari ng angkan ni Pangulong Aquino. Sa kabila ng kautusan ng Korte Suprema na ipamahagi ang mahigit apat na libong ektarya lupa sa mga magsasaka, nananatiling kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang  asyenda. Sari-saring iskema pa nga ang ginagawa para malusutan ang pamamahagi nito.

Nais ng mga magsasakang huwag nang buhayin pa ang CARP. Para lamang daw ito sa mga nagmamay-ari ng lupa. Malinaw umano kung sino ang pinagsisilbihan ng stock distribution option, na pinahihintulutan ng CARP  para makaiwas sa pisikal na distribusyon ng lupa, ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL).

“Hindi kailanman namin naramdam na naibsan man lang ang dinaranas naming kahirapan. Bagkus, lumalala pa sa kasalukuyan sa ilalim ng Carper. Tumitindi ang kawalan ng lupa sa aming magsasaka,” sabi ni Canlas.

Sa ilalim umano ng 26 na taong implementasyon ng CARP at sa nais pang palawigin na Carper, umiiral ang piyudal at mala-piyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka mula sa kawalan at kakulangan ng lupang sinasaka, mataas na upa sa lupa, at iba pa, sabi naman ni Anakpawis Rep. Fernando  Hicap.

“Pinanatili nito (Carper) ang monopolyong kontrol ng iilang panginoong maylupa at lokal at dayuhang korporasyon ang malalawak na lupa sa bansa. Patuloy na binubusabos nila ang mga magsasaka,” ayon kay Hicap.

Mga kababaihang magsasaka ng Amihan, sa Lakbayan. <strong>Pher Pasion</strong>
Mga kababaihang magsasaka ng Amihan, sa Lakbayan. Pher Pasion

Madugo

Maliban sa pinakamagastos, madugo rin ang programang CARP.  Ayon sa KMP, gumastos ang gobyerno ng halagang P192-B mula 1988 hanggang 2012, at  karagdagang P150-B mula 2009 hanggang 2014 sa implementasyon ng  Carper.  Ngunit kahit bilyong piso ang pondo inilaan para dito,walang napala ang mga magsasaka.  Bagkus, sila pa ang nawalan ng lupa, at marami ang nagbuwis ng buhay.

“Hindi kailanman mabibigay sa amin ang lupa, hangga’t ang mga panginoong maylupa tulad ni Aquino ang nasa poder. Kailangang ipaglaban namin ang aming karapatan, sukdulang isakripisyo namin ang aming buhay,” ani Joven de la Cruz, magsasaka sa Hacienda Luisita.

Kabilang ang pinsan ni De la Cruz si Jun David sa mga biktima ng masaker noong Nobyembre 10,2004. “Ito ang nagawa ni Aquino sa pagpapanatili pa rin ng kanyang pamilya sa Hacienda Luisita. Walang pakinabang dito ang mga mamamayan. Bagkus, gawa-gawang kaso ang kinakaharap ng mga benepisyaryo ng Hacienda Luisita sa desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ito,” sabi pa ni Hicap.

Ayon sa KMP, sa apat-na-taong panunungkulan ni Aquino, umabot sa 96 na magsasaka na ang napaslang at mahigit 500 ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang (extra-judicial killings) na may kaugnayan sa sigalot sa lupa.

Samantala, maraming magsasaka ang sinampahan ng iba’t ibang kaso. Sa Hacienda Luisita lamang, aabot sa 80 kasong kriminal ang isinampa ng pamilyang Cojuangco sa mga pinuno at miyembro ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita o Ambala.

“Ito ang nagawa ni Aquino sa pagpapanatili pa rin ng kanyang pamilya sa Hacienda Luisita. Walang pakinabang dito ang mga mamamayan. Bagkus, gawa-gawang kaso ang kinakaharap ng mga benepisyaryo ng Hacienda Luisita sa desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ito,” ayon kay Hicap.

Tunay na reporma sa lupa ang sigaw ng mga magsasaka at hindi ang pagpapalawig sa CARP Macky Macaspac
Tunay na reporma sa lupa ang sigaw ng mga magsasaka at hindi ang pagpapalawig sa CARP Macky Macaspac

Pagpapalayas sa hacienderong pangulo

Hindi  maipagkakaila, kung gayon, ang sukdulang galit ng mga magsasaka sa patuloy na pagsasawalang-bahala sa kanila ng gobyerno, nakalipas man at hanggang sa kasalukuyang administrasyong Aquino.

Ayon kay Hicap, matagal na nilang isinusulong sa Kongreso ang Genuine Agrarian Reform Bill o House Bill 252. Pero ang ginagawa ng administrasyon ay isulong ang ekstensiyon ng CARP na matagal nang napatunayang pabor sa mga panginoong maylupa.

Sa pagtatapos ng “huwad” na programang agraryo, mariin din nilang isinagaw na kailangan nang umalis sa puwesto ang tinagurian nilang hacienderong pangulo.

“Ang pagiging bulag at bingi ni Aquino doon sa mga hinaing at panawagan ng mga magsasaka para  sa tunay na reporma sa lupa. Pinatunayan mismo sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng pamilya ni Aquino na makatwiran ang panawagan ng mga magsasaka na patalsikin siya,” ayon kay Hicap.