Main Story Pambansang Isyu

Mga biktima ng Yolanda, muling sumugod sa DSWD


Muling sinugod ng mga kaanak at mga taga-Eastern Visayas  ang punong tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para singilin sa pangako nitong tutugunan ang kanilang kahingian. Sinabi ni Nere Guerrero, acting chairperson ng Gabriela-Quezon City at isa sa mga convenor ng Tindog Network of Yolanda Victims, na walang naibigay sa mga kahilingan […]

Sa ikawalong buwan matapos manalasa ang bagyong Yolanda, muling sumugod sa DSWD ang mga kaanak at kababayan ng mga biktima para singilin ang gobyerno sa patuloy na kapabayaan  daw nito na mabigyan kaginhawaan ang mg biktima. Macky Macaspac
Sa ikawalong buwan matapos manalasa ang bagyong Yolanda, muling sumugod sa DSWD ang mga kaanak at kababayan ng mga biktima para singilin ang gobyerno sa patuloy na kapabayaan daw nito na mabigyan kaginhawaan ang mg biktima. Macky Macaspac

Muling sinugod ng mga kaanak at mga taga-Eastern Visayas  ang punong tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para singilin sa pangako nitong tutugunan ang kanilang kahingian.

Sinabi ni Nere Guerrero, acting chairperson ng Gabriela-Quezon City at isa sa mga convenor ng Tindog Network of Yolanda Victims, na walang naibigay sa mga kahilingan ng mg biktima tulad ng P40,000 immediate relief para sa mga biktima at subsidyo sa agrikultura. 

Sinisingil nila ang naturang ahensiya sa mga pangako nitong aayusin ang pag-aayuda sa mga biktima ng Yolanda matapos ang pakikipagnegosasyon at protesta ng mga grupong People Surge, Gabriela, Kalipunan ng Damayang Mahihirap, at iba pang grupo noong Marso ngayong taon.

Tanong ng mga biktima kung  nasaan ang pondo para sa rehabilitasyon, habang bumuhos ang ayuda  mula sa ibang bansa.

Sinisingil din nila ang DSWD at gobyerno sa pagkait ng mga ito ng tulong habang bilyong-bilyong piso ang inilagak sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklrang ilegal ng Korte Suprema kamakailan.

“Napakaraming pondong pumasok mula sa donors sa loob at labas ng bansa. Bilyun-bilyong pondo mula sa buwis ng mga mamamayan pa ang inilagay sa illegal na DAP. Tapos, sasabihin ni Aquino (na) walang pondo? Lokohin niya ang lelong niyang panot,” ani Guerrero.

Sinabi naman ni Assistant Sec. Vilma Cabrera ng DWSD na tuloy-tuloy daw ang tulong  at program na ibinibigay ng ahensiya sa mga biktima tulad ng relief goods. Ngunit hindi raw nila saklaw ang pamamahala sa mga temporary shelter o relokasyon ng mga biktima.

Para sa mga biktima, wala daw matinong  plano ang gobyerno para sa kanila.  “Hindi totoo ‘yang sinasabi ng DSWD, araw-araw akong nakikipag-ugnayan sa mga kamag-anak ko, mas lalong lumalala ang sitwasyon nila. Laluna na ngayong tag-ulan, karamihan sa kanila nasa tent pa rin, kulang ang pagkain at ilan na nga sa kanila ang nagkakasakit ng depresyon,” sabi ni Carlito Badion, pangkalahatang  kalihim ng Kadamay na taga Tanauan, Leyte.

Si Carlito Badion ng grupong Kadamay habang nkikipag-usap kay Asec. Vilma Cabrer ng DSWD. Macky Macaspac
Si Carlito Badion ng grupong Kadamay habang nakikipag-usap kay Asec. Vilma Cabrera ng DSWD. Macky Macaspac

Pondo sa DAP?

Kinuwestiyon din ng  grupo ang ipinagyayabang ng Malakanyang na napunta raw ang pondo ng DAP sa mga proyektong pinakinabangan ng mga mamamayan.

Anila, dapat daw na panagutin  ang mga sangkot sa paglustay sa pondo ng gobyerno kasama na sina Aquino at Secretary Florencio Abad ng Department of Budget and Management  (DBM).

“Kinalimutan ng gobyerno ang aming mga kamag-anak at kababayan sa Eastern Visayas. Parang pulubi silang halos mamalimos samantalang may pondo naman palang dapat sana’y puwede nang idiniretso sa tao, pero ilegal na inilagay sa kung anu-anong proyektong di naman naramdaman ng mga mamamayan,”  ani Guerrero.

Ayon naman sa Gabriela, kahit ano ang sabihin ni Aquino, katulad ng katwirang “in good faith” naman daw ang paggatos, pagnanakaw pa rin daw ito. “Dapat na direkta nang napunta sa mga nangangailangan ang pondo, gaya na lamang ng mga biktima ng Yolanda,” ani Misty Lorin, deputy secretary general ng Gabriela.

Binatikos din ni Lorin ang iskemang “Bottom Up Budgeting” (BUB) na kamakailan lamang inilantad ni dating DBM Sec. Benjamin Diokno. Sa iskemang ito, diumano’y ineengganyo ang partisipasyon sa ng non-goverment organizations (NGO) at civil society organizations (CSO) sa paggawa ng badyet sa antas ng lokal na gobyerno.

“Ang iskemang ito ay tokenismo lamang upang sabihing may partisipasyon ang mga mamamayan. Sa totoo lang, habang itinataguyod ng gobyerno ang neo-liberal na patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon, hinding hindi tunay na makikinabang ang mga mamamayan sa badyet na iyan. Katunayan, maaari pa itong gamitin para sa patronage politics bilang maagang paghahanda sa eleksiyon sa 2016 ng mga pulitiko, lalo na ng pulitikong nakaupo sa DILG (Department of Interior and Local Government), ” dagdag ni Lorin.

Busisiin ang mga donasyon

Muling nagpanawagan naman si Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na kailangang ma-audit ang mga pondong  nailaan sa relief and rehabilitation sa mga probinsiyang sinalanta ng bagyong Yolanda.  Sa kabila daw kasi ng pagbuhos ng ayuda para sa mg biktima, hindi nagbago  ng kalagayan ng mga biktima makalipas ang walong buwan.

Panawagan ng iba't-ibang grupo na panagutin ng Sandigan bayan ang lahat ng mga sangkot s korupsiyon kasama na si Png. Aquino. Macky Macaspac
Panawagan ng iba’t-ibang grupo na panagutin ng Sandigan bayan ang lahat ng mga sangkot s korupsiyon kasama na si Png. Aquino. Macky Macaspac

“Sa kabila nang sinasabi ng gobyerno na  naglaan sila ng P32 Bilyon para sa post-Yolanda aid as of May 2014, nananatiling kalunus-lunos ang kalagayan ng Tacloban at iba pang probinsiya inabot ni Yolanda.  Nasaan ang pondo?” tanong ni Ilagan.

Dagdag niya, hanggang sa kasalukuyan, walang maipakitang dokumento ang mga ahensiy ng gobyernno sa pinagkagastusan na para sa mg biktima.

No inventory or audit has been made public. Ang nakikita lang natin ay mga temporary at marupok na bunkhouses, mga sirang paaralan at pampublikong istruktura, gayundin ang malawakang kawalan ng hanapbuhy at depresyon,” sabi pa ni Ilagan.

Kasabay ng pagsugod sa DSWD , sumugod din ang Tindog Network  sa tanggapan ng DBM sa Manila.

Paghahanda sa SONA

Kasabay din ng paggunita sa ikawalong buwan nang pananalasa ng Yolanda, ikinasa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang  mga kilos-protesta mula ngayon  hanggang sa State of the Nation Address (SONA) ni Aquino.

Tampok dito ang martsa ng libu-libong biktima ng bagyong Yolanda na magmumula pa sa Tacloban at luluwas ng Maynila na tinaguriang “Lakbayan para sa Tunay na SONA”.

Magsisimula ang Lakbayan sa Tacloban, Leyte sa Hulyo 21 at pitong araw na tatahakin ng mga kalahok na magmumula sa Mindanao, Visayas ang mga probinsiya sa Kabikulan, Quezon, Laguna bago makarating sa Kamaynilaan.

Inaasahan ng Bayan na sasalubungin ng mga magsasaka at iba pang sektor ang mga biktima ng Yolanda sa mga naturang probinsiya at sasalubungin naman sila ng mga galing sa Central at Northern Luzon.