Main Story

Kasabay ng pagtatanggol sa Wikang Filipino, Nora Aunor pinarangalan ng mga guro


Muling pinaigting ng mga guro ang kanilang kampanya para ipaglaban ang pananatili ng pagtuturo ng Wikang Filipino sa kolehiyo, sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto. Ayon kay David Michael San Juan, tagapagsalita ng Tanggol Wika, na nangangampanya para rito, taong 2013 pa nang magsimulang tanggalin ng Wikang Filipino sa kolehiyo sa bisa ng […]

David Michael San Juan, tagapagsalita ng Tanggol Wika, habang ipinaliliwanag ang kahalagahan ng Wikang Filipino.Pher Pasion
Ipinaliwanag ni David Michael San Juan, tagapagsalita ng Tanggol Wika, ang kahalagahan ng Wikang Filipino sa isang pagtitipon ng mga guro. Pher Pasion

Muling pinaigting ng mga guro ang kanilang kampanya para ipaglaban ang pananatili ng pagtuturo ng Wikang Filipino sa kolehiyo, sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

Ayon kay David Michael San Juan, tagapagsalita ng Tanggol Wika, na nangangampanya para rito, taong 2013 pa nang magsimulang tanggalin ng Wikang Filipino sa kolehiyo sa bisa ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum No. 20. Mula noon, tinutulan na nila ito.

Muling pinaigting ngayong taon ang kampanya dahil sa inaasahang maglalabas na pinal na desisyon ang CHED kaugnay nito.

“Ang babaw ng usapan natin. Kasi hindi pa tayo nagkakaintindihan sa wika pa lang. Kaya hindi napag-uusapan ang repormang pang-edukasyon, reporma sa lupa, industriyalisasyon, ano ang makakapagpaunlad sa Pilipinas–kasi hanggang ngayon nasa isyu ng wika at pangkultura pa rin ang pinag-uusapan natin. Kaya napakahalaga na maresolba ito,” ayon kay San Juan.

ACT Teacher's Rep. Antonio Tinio at Bb. Nora Aunor.<strong>Pher Pasion</strong>
ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Nora Aunor. Pher Pasion

Dagdag pa ni San Juan, sinasabi ng CHED na inilipat lang tungo sa senior high school ang mga asignatura sa Filipino. Pero kung titignan daw nang mabuti ang kurikulum, ang mga asignatura sa Ingles na mayroon sa senior high school ay mayroon din sa kolehiyo. Pero wala pagdating sa Filipino, aniya.

Hindi rin wikang Filipino lang ang problema, kundi maging ang pagtuturo ng kasaysayan ay wala na rin sa bagong kurikulum. Wala na rin ang pagtuturo ng Konstitusyon, ayon kay San Juan.

Ayon naman sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), bunga ng programang K-to-12 (Kindergarten-to-12 years ) ang pagtatanggal sa wikang Filipino sa kolehiyo dahil sa bagong kurikulum. Nais kasing kasing palabnawin ng kurikulum ng K-to-12 ang pagiging makabayan ng mga mag-aaral at ‘yung mga asignatura na kakailanganin ng mga mag-aaral para maging “globally competitive” kuno ang binibigyan ng diin.

Taong 1996 lang opisyal na naisama ang wikang Filipino sa kolehiyo o wala pang 20-taon, pero tinatanggal na ito, ani ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. May mga unibersidad pa rin sa kasalukuyan ang nagkakaroon pa lang ng departamento para sa Filipino sa kasalukuyan.

“Hanggang huling bahagi ng 2014, nilalaban pa rin (ang pagbuo ng mga departamento sa Filipino). Kailangan pa ring ilaban ang puwesto ng Filipino sa ating sistemang edukasyon,” ayon kay Tinio.

Nora Aunor pinarangalan

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, pinarangalan ng mga guro si Nora Aunor bilang tunay na artista ng bayan para sa kontribusyon ng aktres sa pelikulang Pilipino.

Nora Aunor, sinuportahan ang laban ng mga guro para sa dagdag na sahod.<strong>Pher Pasion</strong>
Sinuportahan ni Nora Aunor ang laban ng mga guro para sa dagdag na sahod. Pher Pasion

Pinangunahan ng ACT ang pagbibigay ng parangal sa aktres na dinaluhan ng mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Kamaynilaan, gayundin ang mga tagahanga ni Nora, na ginanap sa Ramon Magsaysay Cubao High School.

Nagpasalamat ang aktres sa natanggap na parangal. Nakikiisa rin si Aunor sa paglaban ng mga guro para sa Wikang Filipino dahil sa hindi rin daw siya bihasa sa Ingles dahil sa antas ng pag-aaral na inabot. Gayundin, nakiisa ang aktres para sa laban ng mga guro sa dagdag na sahod.

“Kaya pagbinigyan ako ng karangalan katulad ngayon, para na rin akong katuntong ng hayskul dahil po sa mga guro na nagbigay ng karangalan para sa akin,” ayon kay Nora.

Nitong taon, tinanggal ni Pang. Benigno Aquino III ang pangalan ni Aunor sa listahan ng mga gagawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining. Kaya naman nag-inisyatiba ang iba’t ibang grupo na parangalan siya.