Kapirasong Kritika Main Story

Flame of Recca


Isa siyang magaan, masaya at maliwanag na presensya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Sa kanyang mga magulang, na dumulog at namanata kay Sto. Niño para sa kalusugan niya. Sa kanyang ate, na lubos ang suporta sa kanya mula pagiging aktibista hanggang pamumundok. Sa kanyang mga batchmates sa Manila Science High School, na noong pabiro […]

Isa siyang magaan, masaya at maliwanag na presensya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Sa kanyang mga magulang, na dumulog at namanata kay Sto. Niño para sa kalusugan niya. Sa kanyang ate, na lubos ang suporta sa kanya mula pagiging aktibista hanggang pamumundok. Sa kanyang mga batchmates sa Manila Science High School, na noong pabiro niyang sinabing “Hindi na ako aalis basta ibili ninyo ako ng franchise ng French Baker” ay sumang-ayon, pero nabigong pumigil sa kanya. Sa kanyang mga kapwa-aktibista sa kampus na giliw na giliw sa kanya, na ang ilan, kapanalig na’t lahat, ay pumigil rin sa kanyang umalis. “What about friendship?” tanong ng iba sa kanila.

Kakaiba siyang karakter, at napakarami ng alaala sa kanya ng mga napalapit. Nakilala siya ng isang kapwa-aktibista sa debut ng isang kaibigan nila pareho, sumasayaw ng “Miami” ni Will Smith at “Sweetheart” ni Mariah Carey. Masayahin siya, bungisngis, at malambing magsalita. Maganda siya, pero hindi iyung tawag-pansin, kundi iyung tumitining sa pagtagal. Maaliwalas ang mga ngiti at ngumingiti rin ang mga mata. Huwag kang magkamaling pindutin ang ilong dahil hahabulin ka niya at sasapakin nang paulit-ulit sa balikat, na ikinakatuwa ng marami niyang tagahanga. Parang lagi siyang may matamis na cologne. O iyung paligid lang ba iyun kapag dumadaan siya?

Mahilig siya sa musika at magaling kumanta. Nakikipag-usap siya sa isang kaibigan nang maghapon tungkol sa musika – na tipong “jologs” para sa iba. Paborito niya si Patti Austin, at isa sa unang hinanap niya sa Youtube ang “Through the Test of Time” sa isang dalaw. Kapag may videoke, nakikipag-duet siya ng “Especially for You” ni Kylie Minogue, at kapag wala, ng “I’m Real” nina Jennifer Lopez at Ja Rule. Romantik para sa kanya ang “Underneath the Stars” ni Mariah Carey at pinakamalungkot naman ang “The Day You Went Away” ni Wendy Matthews. Malinaw niyang nasabi sa isang kaibigan na gusto niyang mapatugtog ang “Breathless” ng The Corrs sa burol niya.

Kakatwa iyun, ang hilig niya at mga kaibigan niyang aktibista na pag-usapan ang kani-kanilang burol. Biruan nila ang pagkakaroon ng “parangal picture” kapag maganda ang isang larawan. Kung ano ang mga kantang papatugtugin at tema, pati kung sinu-sino ang dapat magsalita. Parang may unawaan na magandang parangal lang ang kagyat na maibibigay ng isa’t isa sa mamamatay, at ang bawat isa’y mamamatay nang kasimbigat ng Sierra Madre, wika nga. Pero may isa pa silang katuwaang pangarap: Sama-samang magretiro sa kung saang palayan, may maggagantsilyo, magpapakain ng manok. Sobrang mahal nila ang isa’t isa, gusto nilang makita ang isa’t isa na tumanda.

Kaya noong natanggap ng isa sa kanila ang tawag ng isa pa na umiiyak at nagsabing patay na si Recca, hindi agad makapaniwala ang tinawagan. Kahit noong sinabing pupunta na ang pamilya para kunin ang bangkay, umasa ang tinawagan na mistaken identity lang, hindi si Recca ang patay. Naisip pa niyang pagtatawanan nila ni Recca ang kwento sa hinaharap. Pero hindi nagtagal at bumuhos ang text, mensahe sa Facebook, at maging larawan. Sa dulo, napagtanto niyang hindi pala talaga niya naisip na mamamatay si Recca – na puno ng buhay, puno ng kapasyahan at lakas, at puno ng saya. Lagi niyang iniisip na magkikita pa sila ni Recca at magkakasama nang matagal.

Pero hindi man handa ang mga kaibigan niya, handa si Recca. May pagdadalawang-isip man siyang ipinakita, malinaw ang pagpapasya niya. Mula pa sa pagiging malambot ang puso at minsa’y mababaw ang luha pagdating sa mga maralita at nangangailangan. Sa pagiging masigasig na propagandista, organisador, at edukador sa kampus. Sa masaya at matalas na pakikipagpulong para sa pagsusulong ng pakikibaka. Sa walang takot na pangunguna sa mga protesta, kahit may banta ng dispersal at pag-aresto. Sa paglubog sa masang manggagawa at magsasaka. Sa pagsuong sa maraming sakripisyo at pagpapakumbaba. Sa pagtitiwala sa masa at optimismo sa pakikibaka.

Hanggang sa noong 2003, nagpasya si Recca na sumapi sa New People’s Army o NPA. Bisaya siya, pero ni hindi naging usapin na sa Kordilyera siya pupunta. Sa kanyang pana-panahong pagdalaw simula noon, ipinakita niya ang isang pagpapasya na lalong tumitibay. Naging matatas siya mag-Ilocano at natuto na rin ng tabako at nganga ng mga katutubo. Kaya niyang magreklamo nang todo sa hirap ng kalupaan – sa taas ng mga bundok, tarik ng mga palusong, at posibilidad ng kamatayan kapag nabagsakan ng puno – at maging sa tindi ng lamig. Hinarap niya kahit ang hirap ng pagiging ina, at kabiyak ng isang rebolusyonaryo. Pero sa lahat ng ito, wala siyang bahid ng pagsuko.

Ikinwento niya ang tindi ng kahirapan ng mga pambansang minorya at ang laki ng yaman ng kalikasan na ninanakaw sa kanila. Nahahabag man siya sa kalagayan nila, namamangha siya sa kasaysayan at kakayahan nilang lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga komunidad – kahit wala ang NPA pero lalo’t naroon. Pinatotohanan niyang napalayo man siya sa kanyang sariling pamilya ay niyakap siya ng maraming maraming pamilya. Kung may naibubulong man siyang kakulangan, iyan ay nasa larangan ng mga dapat at maaaring gawin para isulong at isulong pa ang mga gawain sa armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, at pagbubuo ng baseng masa.

Tiyak na marami pang lalabas na kwento kung paano si Recca bilang si Ka Tet ng NPA sa Kordilyera. Pero sa pauna pa lang, makikita nang kahit doon, naging kagiliw-giliw na presensya at pwersa siya sa mga kasama niya at sa masang katutubo. Nahalal siyang S-4 ng yunit, tagapag-ingat ng suplay, tulad din ni Erica Salang noon sa Bicol, nangangailangan ng paghawak sa patakaran at malasakit sa mga kasama. Nang hinarap niya ang pinakamatinding problema niya habang naroon, may panahong ayaw niyang kumain. Nang umabot sa masa ang balita, tinambakan nila si Recca ng paunti-unti ng masasarap na pagkaing kinakaya nila, bagay na tiyak na hindi niya inasahan.

Minahal ng marami si Recca, at sa pamamagitan niya, marami ang nagmahal sa kanyang pangarap at adhikain para sa bayan – ang matapos ang gutom at hirap sa bansa nating maraming yaman na ninanakaw ng iilan. Isang simpleng pangarap na nangangahulugan na mga maralita at ang sambayanan mismo ang humawak ng kapangyarihan, hindi ang iilang mayaman at makapangyarihan. Na maaaring tingnang paglubos sa prinsipyo ng demokrasya pero tiyak na pagbaklas sa hindi demokratikong kaayusang gumagamit sa demokrasya bilang ilusyon. At nangangahulugan ng paghawak ng armas, dahil hindi isusuko ang kapangyarihan ng mga nakikinabang.

Sa dulo, isa si Recca Noelle Monte (1981-2014) sa mga iskolar ng bayan na pumiling ialay ang talino at talento sa sambayanan, at hindi tumanggap ng yaman, pagkilala o kapangyarihan kapalit. Isa siya sa may maalwang buhay at maaaring mariwasang hinaharap na pumiling talikuran ang mga ito para sa isang hinaharap na walang mahirap. Isa siya sa pinakamamahal ng mga kaanak, kaibigan, at kasama sa kalunsuran na nagpasyang tumungo sa kanayunan dahil sa pagmamahal sa sambayanan. Tulad marahil ng panghalina ng mga mata at ngiti niya sa mga kakilala, ang buhay niya ay imbitasyon sa lahat na kilalanin at yakapin ang kanyang mga prinsipyo at pakikibaka.

Pinakamataas na pagpupugay!

12 Setyembre 2014