Magsasaka

Pagbuhay sa expired na CARP, kinuwestiyon ng mga magsasaka


Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagpasa sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa Senado, at sinabing desperadong hakbang ito para muling buhayin ang matagal nang patay na reporma sa lupa. Noong Miyerkules, ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 2278 ni Sen. Gregorio Honasan. Papayagan ng […]

Macky Macaspac
Macky Macaspac

Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagpasa sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa Senado, at sinabing desperadong hakbang ito para muling buhayin ang matagal nang patay na reporma sa lupa.

Noong Miyerkules, ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 2278 ni Sen. Gregorio Honasan. Papayagan ng panukalang batas na tapusin ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamamahagi umano sa mga lupang may notice of coverage.

Pero sabi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, matagal nang patay ang CARP at walang pagbabatayang batas ang panukalang ekstensiyon ng reporma sa lupa. “Legally, morally, and politically questionable ito dahil expired na ang CARP noon pang June 30, 2014,” pahayag ni Mariano.

Isa sa mga urgent bill ni Pangulong Aquino ang pagpapalawig sa CARP, pero bago pa maipasa ang ekstensiyon ng Carper (CARP Extension with Reforms) noong Hunyo, napaso na ang nasabing batas.

Pero ayon kay Honasan, umiiral pa ang batas. “The law does not, in effect, expire. It is a continuing process until the acquisition and distribution is terminated,” pahayag ng senador.

Giit naman ni Mariano, pinapalawig ng Senado ang isang batas na hindi na umiiral. Nais lang daw na bigyang katwiran ng Senado ang P6.3 Bilyong alokasyon ng naturang batas para sa susunod na taon.

Sabi naman ng Unyon ng ng mga Manggagawang Bukid sa Agrikultura (UMA) na nililinlang lamang ng Senado ang sarili nito sa pagpasa sa panukalang batas. Ayon sa UMA, mismong ang DAR na ang nagsabi na walang kaseguruhan na maipamamahagi ang lupa kahit pa ito’y saklaw ng notice of coverage.

“The issuance of an NOC does not contemplate the actual taking of property for the purposes of the land acquisition, and distribution process under the Comprehensive Agrarian Reform Program,” pahayag umano ng DAR sa pagtanggi nito sa petisyon para sa cease and desist order ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (Ambala) noong May 22, 2014.

Dagdag ng grupo, hindi lamang tinanggihan ng DAR ang petisyon ng Ambala, iginawad pa nito ang kahilingan ng Tarlac Development Corporation (Tadeco) na magkaroon ng special hearing para pakinggan ang protesta ng kompanya sa pagpapalabas ng NOC sa pinag-aagawang 358-ektaryang lupang agrikultural sa Barangay Cutcut at Balete sa loob ng Hacienda Luisita.

Nakatakda ang nasabing pagdinig sa Oktubre 28 hanggang 30.

“ Ang masama, ang mga magsasaka pa ngayon ang kailangang magpatunay sa DAR na kailangang ipamahagi ang lupa sa mga manggagawang-bukid. Samantalang sila (DAR) ang nag-isyu ng notice of coverage,” pahayag ng UMA.

Posible umano na ibasura ng DAR ang NOC ng mga lupang pinag-aagawan dahil sa planong ideklara ng pamilyang Coquangco na bahagi ito ng Luisita Industrial Park.

“Malinaw ang ipinapakita nito. Nais ng rehimeng Aquino na pahabain ang kontrol at monopolyo ng mga panginoong maylupa tulad niya sa malalawak na lupain, gayundin ang makapagdambong ng bilyun-bilyong pondo sa pamamagitan ng CARP,” pahayag ni Mariano.