Migrante

Paniningil ng terminal fee, tinutulan ng mga OFW


Ipinoprotesta ng grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang awtomatikong paniningil ng P550 terminal fee sa airline tickets. Nabuo ang bagong patakaran sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ng Manila International Airport Authority o MIAA at mga airline carrier, at agarang ipapatupad sa Oktubre 1. Ngunit sa ilalim ng Republic Act 10022 o Migrant […]

Tinututulan ng mga OFW ang awtomatikong paniningil ng mga terminal fee sa airline tiket simula Oktubre 1. Dapat exempted ang mga OFW sa nasabing buwis.
Tinututulan ng mga OFW ang awtomatikong paniningil ng terminal fee sa airline ticket simula Oktubre 1. Dapat exempted ang mga OFW sa nasabing buwis.  Larawan ng lumang resibo para sa terminal fee mula sa philippineairspace.blogspot.com 

Ipinoprotesta ng grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang awtomatikong paniningil ng P550 terminal fee sa airline tickets.

Nabuo ang bagong patakaran sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ng Manila International Airport Authority o MIAA at mga airline carrier, at agarang ipapatupad sa Oktubre 1.

Ngunit sa ilalim ng Republic Act 10022 o Migrant Workers’ Act, exempted ang mga OFW sa pagbabayad ng terminal fee. Kailangan lamang na ipakita nila ang kanilang mga Overseas Employment Certificate (OEC) para mapatunayan ang kanilang OFW status.

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, ang paniningil ng terminal fee sa tiket ay isa na namang iskema ng pangongotong sa mga OFW. Bagaman maaaring i-refund ng mga OFW ang bayarin, tinataya na maraming OFW ang posibleng hindi makakapag-refund ng terminal fee dahil sa perwisyong dulot nito.

“Dapat hindi na sila inaabala pa sa dagdag na bayarin na ito…Ang dami na nilang hirap para makakuha ng mga rekisitos, para makakuha ng kanilang OEC, tapos ngayon ito pa?” ayon kay Martinez.

Karugtong na usapin ng terminal fee ang OEC, na para sa grupo ay dapat na ring buwagin. Isang rekisito ang OEC para sa mga OFW para makalabas ng bansa at magtrabaho.

Idiniin na Martinez na kasangkapan lamang ng gobyerno ang OEC upang makapaningil sa mga OFW. “Hindi na rin tinatanggap ng service providers ang dokumentong ito. Hindi na ito epektibo upang makaseguro ang pangangalaga ng kagalingan ng mga OFW,” aniya.

Sa pag-aaral ng Migrante International, aabot sa tinatayang P31,000 kada OFW ang bayarin sa iba’t ibang rekisitos tulad ng Philhealth premium, NBI clearance fees, e-passport fees, barangay clearance fees, at mga mandatoryong kontribusyon sa Pag-Ibig, OWWA, at iba pa.

Ayon pa sa Migrante, nakakakolekta ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng P26,267 kada OFW na ipinoproseso nito mula noong 2010 o simula ng administrasyong Aquino. Mas mataas ito sa average na Php18,000 kada OFW na sinisingil ng POEA bago ang 2010.

Panawagan ni Martinez sa mga OFW, tanggihan ang pagbabayad ng terminal fee sa pagbili nila ng mga airline ticket. “Huwag po tayong pumayag na maisahan tayo sa bagong iskemang pangongotong na ito. Nakasaad sa batas na exempted dapat tayo sa paniningil ng terminal fee,” aniya.