Zero remittance: Protesta para sa OFWs, hindi para sa kriminal
Nanawagan ang mga migranteng tagasuporta ni Rodrigo Duterte ng “zero remittance week” para umano ng mapalaya ang berdugo. Pero ano nga ba ang kasaysayan ng kampanyang “zero remittance”?

Nanawagan ng “zero remittance week” ang ilang overseas Filipino worker (OFW) bilang protesta sa pagkaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Pero para sa grupong Migrante International, hindi dapat babuyin ang lehitimong porma ng protesta para sa karapatan ng mga OFW upang ipagtanggol ang isang kriminal at yumurak sa karapatang pantao.
Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Garry Martinez, kasalukuyang tagapangulo ng Migrante-Europe at matagal na naging tagapangulo ng Migrante International, para bigyang-linaw ang kasaysayan ng zero remittance day at kung bakit hindi ito dapat gamitin para kay Duterte.
Pinoy Weekly (PW): Ano ang kasaysayan ng “zero remittance day” bilang protesta. Anong mga pagkakataon o isyu ito naging tampok?
Garry Martinez (GM): Nagsimula ‘yong “zero remittance day” noong 2008. Bahagi ito ng protesta namin kay GMA [Gloria Macapagal-Arroyo), ‘yong pagtatransfer ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) funds sa PhilHealth, sa pag-ayon niya sa neoliberal policy para sa mga [migrante], pati yung paghost niya ng Global Forum of Migration Development. Sa panahon din ni Gloria ‘yong maraming mga kababayan natin sa ibayong dagat ang naabuso at nahatulan ng kamatayan.
Nanawagan din, o nag-warning kami kay [dating Pangulong] Noynoy [Aquino] tungkol sa balak niyang charter change. Winarningan namin na mananawagan kami ng “zero remittance day” dahil hindi papayag ang migranteng Pilipino sa Cha-cha. So umatras si Noynoy do’n. ‘Yong huli ay ‘yong 2015 na tungkol sa balikbayan box na ita-tax nila. Tingin nila, ang mga OFW ay smuggler. So nanawagan tayo ng “zero remittance day” sa isyu na ‘yan at umatras si Noynoy.
PW: Ano ang layunin ng ganitong porma ng protesta at ano ang epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas at pamilya ng mga OFW?
GM: Ang objective naman nito, para sa mga OFW ay mapagkaisa kami at ipakita ‘yong lakas na hindi pupuwedeng hindi pakinggan ng gobyerno. ‘Yong mga hinaing namin kasi no’ng mga panahon na ‘yan, parang pag nagrereklamo ‘yong OFW na may malalaking pang-aabuso parang papasok sa kanang tainga, lalabas sa kabilang tainga. So nag-culminate na ‘yong galit ng OFW kaya madali na silang nakumbinsi na sumali. Ang kaibahan kasi ng “zero remittance day” noon ay para sa kapakanan ng mas maraming Pilipino, ng mga migrante, kaya madali silang makumbinsi.
Mayroong malaking impact ‘to. Actually ‘yong zero remittance na isinagawa ng Migrante sa loob lang ng isang araw, mga P3.1 bilyon yung nawala sa ekonomiya ng Pilipinas. Kaya ito ay isang malaking political weapon ng mga OFW at mga Filipino overseas kasi kahit naman yung immigrant ay nakiisa dito.
PW: Bakit hindi sang-ayon ang Migrante sa panawagang zero remittance ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte?
GM: Hindi sang-ayon ‘yong malaking bilang ng mga OFW. Una, malaking isyu ‘to para sa kanila na gamitin ang “zero remittance day” sa ganitong uri ng panawagan. Dahil nagsimula lang ‘yong zero remittance week ng mga DDS sa kaisahan na hilingin sa gobyerno ng Pilipinas na pauwiin sa Pilipinas si Digong at malayong-malayo ito sa noble cause sa no’ng adhikain na ang “zero remittance day” ay isang pangmalawakan sa proteksiyon at kagalingan ng mga Pilipino.
Tingin namin, at tingin rin ng iba nating kababayan, insulto ito sa 30,000 Pilipino na pinaslang sa “war on drugs” at extrajudicial killings na isinagawa ni Digong no’ng siya ay nasa posisyon. Kaya ang akala ng mga DDS, siya ay malakas at magagawa nila ‘yong katulad na dineliver ng mga nauna pang zero remittance na isinagawa ng Migrante International.
PW: Ano ang panawagan ng Migrante sa mga OFWs at kanilang pamilya sa gitna ng panawagang pagpapanagot kay Duterte sa ICC?
GM: Dahil sa mas naniniwala ang mga DDS sa mga vloggers, mga content creators doon sa YouTube, sa TikTok, nabulag na sila nang tuluyan. ‘Yung ginagawa nilang zero remittance week ay walang kuwenta.
Una, hindi naman matatanggap sa ICC na kung marami ang hindi magpapadala ay mababago ang pananaw ng mga [judge]. Akala nila mababago ‘yong pananaw na sasabihin, marami ang mga hindi nagpadala kaya kailangang palabasin niyo na si Digong. Hindi ‘yan mangyayari sa kanilang mithiin.
Pangalawa, kailangan rin nilang timbangin na handa ba silang isakripisyo ‘yong pamilya nila, handa ba silang hindi magpadala ng pera sa usapin nung sa isakripisyo ‘yong pangangailangan sa hospitalization, education, ‘yong mga bills, mga due date kapag katapusan, pagpapaaral ng kanilang mga anak, graduation season sa Pilipinas?
Isasakripsyo ba nila ‘yon para lang proteksiyonan at mapalaya si Digong? Hindi ba nila naiisip habang gusto nilang protektahan si Digong na nag-order sa pagpatay sa 30,000 Pilipino ay isasakripsyo nila ang kapakanan ng kanilang pamilya? Dapat pag-isipan nilang mabuti ito.