Main Story

SPEECHES | Presentation of facts on President Aquino’s impeachment


Here are the speeches of members of the Makabayan bloc who endorsed the impeachment of President Aquino for approving and implementing the Disbursement Acceleration Program (for the first two impeachment complaints) and signing the PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement.   Bayan Muna Rep. Neri Colmenares Mga kasamahan ko sa Kongreso at mga kababayan, Noong Hulyo […]

Here are the speeches of members of the Makabayan bloc who endorsed the impeachment of President Aquino for approving and implementing the Disbursement Acceleration Program (for the first two impeachment complaints) and signing the PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Mga miyembro ng Makabayan bloc na nanguna sa pag-endorso sa tatlong impeachment complaints. Mula kaliwa: Anakpawis Rep. Fernando Hicap, Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Terry Ridon, Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. <strong>Charlotte Job Despuez</strong>
Mga miyembro ng Makabayan bloc na nanguna sa pag-endorso sa tatlong impeachment complaints. Mula kaliwa: Anakpawis Rep. Fernando Hicap, Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Terry Ridon, Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Charlotte Job Despuez

 

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares <strong>Darius Galang</strong>
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares Darius Galang

Mga kasamahan ko sa Kongreso at mga kababayan,

Noong Hulyo 21, inindorso namin ang impeachment complaint nina Renato Reyes, Jr at ng marami pang iba laban kay Pangulong Benigno S. Aquino sa isyu ng Disbursement Acceleration Program.

We are here to present to you that the said complaint is sufficient in substance. We will recite the facts that constitute the impeachable grounds of culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust and determinative of the jurisdiction of this Committee.

Hayaan nyong ilahad ko sa loob ng mga 10 minuto ang ultimate facts na naisaad at dinitalye ng inindorso naming impeachment complaint.

Unahin po natin ang culpable violations of the Constitution:

Ipapakita namin na ang mga pangyayari, acts at practices kaugnay ng DAP ay nangangahulugan ng culpable o sinasadyang paglabag ni Aquino sa Konstitusyon particular ang: Section 25 (5), Artikulo 6; Section 29 (1), Artikulo 6; at Section 17, Article 7 ng 1987 Constitution.

Ang culpable violation ay nangangahulugan ng willful and deliberate violation o sinasadyang paglabag. Kung alam ng pangulong labag sa Saligang batas, pero ginawa niya pa rin, iyon po ay willful ant deliberate violation, kaya culpable o sinasadyang paglabag. Balikan po natin ang deliberasyon ng ConCom kaugnay nito.

MR. DE LOS REYES: Madam President, may I ask one question of Commissioner Davide.

THE PRESIDENT: Commissioner de los Reyes is recognized.

MR. DE LOS REYES: Suppose the President, despite a law that does not grant extension, anyway grants extension to the general, does she commit culpable violation of the Constitution which is a ground for impeachment?

MR. DAVIDE: It relates to officers other than the Chief of Staff under which he may be allowed extension. Then that would be a violation of the Constitution.

MR. DE LOS REYES: Culpable?

MR. DAVIDE: It can be classified as culpable and, therefore, a ground for impeachment.

MR. DE LOS REYES: Thank you.

Sa ilalim ng DAP, inagaw ni Aquino ang bilyun-bilyong pondong aabot sa higit P157 Bilyon mula sa mga programa, aktibidad at proyekto na pinaglaanan ng Kongreso at ng General Appropriations Act. Sa taong 2011, P83.5 B; 2012, P58.7B at 2013, P13.5B. Napagkaitan dahil dito ng benepisyo ang daan-daang libong kawani ng pamahalaan, ang mga pampublikong ospital at paaralan at iba pang mahalagang serbisyo.

Sa ilalim ng DAP, pinagsama-sama ang naturang pondo at inilipat sa ibang pagkakagastusan, lihis o taliwas sa inaprubahan ng Kongreso at ng GAA. Aabot sa P144B ang pondong DAP na ginastos ni Aquino na siya lang ang nagpasya at labag sa pasya ng Kongreso at ng Batas.

Sinadyang nilabag ni Aquino ang Saligang Batas na nagbabawal ng transfer of appropriations at nagtatadhana ng paggamit ng savings ayon sa itinakda ng batas.

Iniutos ni Aquino sa pamamagitan ng National Budget Circular blg. 541 at iba pang memorandum na iwithdraw ang mga unobligated allotments sa kalagitnaan ng taon at idineklara ito kasama ng unreleased funds bilang savings. Ginamit ang iligal na savings sa ibang proyekto o programa.

Ang susing tanong: savings ba ayon sa batas ang unobligated allotments sa kalagitnaan taon? Ang sagot: Hindi! Hindi savings ang unobligated funds sa kalagitnaan ng taon! Wala sa definition ng savings ang unobligated funds sa GAA nooong 2011, 2012 at 2013.

Ano ba ang unobligated funds? Ito yung pondo para isang proyekto na hindi pa na-bid at nagkaroon ng kontrata o obligasyon. Walang karapatan si Aquino na hugutin ang unobligated funds bago matapos ang taunang badyet.

Hindi maipagkakaila at alam ni Pres. Aquino na ang ginawa niyang savings ay wala sa definition ng batas. Sa katunayan, gustong pagtakpan ni Aquino ang paglabag na ginawa niya sa panukalang idagdag ang unobligated funds as of June 30, 2015 sa definition ng savings sa 2015 proposed national budget.

Mawawalang saysay ang poder ng Kongreso na magpatibay ng taunang batas sa badyet kung tatanggapin ang pinalawig na depinisyon na savings. Bakit? Dahil kalagitnaan ng taon maaari nang baguhin at ilipat-lipat ni Aquino ang appropriations ng mga unobligated funds gamit ang maskara ng savings.

Malinaw na sinasabi sa Saligang Batas “no law shall be pass allowing transfer of appropriations”; ang tanging exception ay ang pag-augment ng items sa respective offices mula sa savings na itinakda ng batas.

Hindi savings ang unobligated funds sa kalagitnaan ng taon, ito ay appropriations na may kalahati pang taon na nalalabi para isakatuparan, bawal itong ilipat ng gamit. Kung bawal sa Konstitusyon na magpasa ng batas sa transfer of appropriation lalung bawal na ang presidente maglabas ng utos sa transfer of appropriations.

Thus we charge Aquino of knowingly, intentionally and deliberately violated Section 25 (5) of the Constitution;

Sadyang nilabag ni Aquino ang Saligang Batas na nagbabawal ng cross border transfer

Sadyang nilabag ni Aquino ang sinasabi ng Saligang Batas, bawal ang transfer ng appropriation, kung may savings pwede lang itong ipandagdag sa budget item ng respective offices (respective offices!) sa ilalim ng upisina ng Presidente. Hindi pwede, kung gayon, ang cross border augmentation dahil mapapahina nito ang independence ng Kongreso, ng COA at ng iba pang constitutional body.

Inilipat ni Aquino ang mga unobligated at unreleased funds o di umano’y savings para dagdagan ng P250 M ang badyet ng Kongreso. Inilipat din ni Aquino ang mga diumano’y savings para dagdagan ng P143.7 Milyon ang badyet ng COA. Kaya compromised pati ang COA.

Hindi pwedeng magmaang-maangan ang Presidente na hindi niya alam na bawal ang cross border augmentation dahil malinaw na nakatitik ito sa Saligang Batas. Hindi pwedeng labagin ang Saligang Batas ng kahit anumang batas, administrative code, GAA at laluna ng DAP na hindi naman batas.

Sadyang nilabag ni Aquino ang Saligang Batas nang gumastos ito sa mga PAP na walang appropriation sa ilalim ng GAAs.

Malinaw ang sinasabi ng Section 29, paragraph 1 ng Artikulo 6 ng Konstitusyon, “No money shall be paid out of the Treasury except in pursuance of an appropriation made by law”.

Wala sa budget ang P20B na ibinigay sa Bangko Sentral; ang P8.6B na ARMM peace and development program; ang P6.5 B augmentation of LGU internal revenue; ang P 5.4B landowners’ compensation; ang P 700 Million assistance to Quezon Province; ang P 1.8 B sa CPLA at P700 M sa MNLF at ang P70 M stem cell research.

Mabibigat at seryoso ang paglabag ni Aquino. Nalalaman at sinadya ni Aquino ang paglabag sa pagbabawal sa transfer of appropriation, sa pakahulugan ng savings ayon sa batas, sa cross border augmentation at paggastos na hindi cover ng budget. Sa loob ng tatlong taon, paulit-ulit na ginawa ni Aquino ang paglabag na bilyun-bilyong pondo ang sangkot.

These facts are more than enough to pass the test of sufficiency in substance and asked Aquino to answer the impeachment complaint.

Sa yugtong ito, nais kong talakayin ng maiksi ang ikalawang grounds, ang betrayal of public trust.

Inaakusahan namin si Aquino na pinagtaksilan ang tiwala ng publiko sa isyu ng DAP.

Ipinipilit ni Presidente Aquino na tama ang DAP, “Tama ang intensyon, tama ang implementasyon, tama ang resulta.”

Kabaliktaran po ang totoo. Mali ang intensyon ni Aquino. Nilayon ni Aquino na agawin sa pamamagitan ng DAP ang daan-daang bilyong pondo para lang gawing higanteng pork barrel niya at ipamahagi ito sa pinapaburan niyang pulitiko at upisyal.

Mali rin ang implementasyon. Inagaw ni Aquino ang kapangyarihan ng Kongreso at lansankang nilabag ni Aquino ang Saligang Batas, ang General Appropriations Acts at iba pang batas.

At lalong mali ang resulta. Naging pork barrel ni Aquino ang P144 Bilyong pondong DAP at ginamit sa mga proyektong kwestyunable o hindi naman nagpasigla ng ekonomya o nakatulong sa mahihirap. Bilyun-bilyon ang napunta sa pangungurap at dagdag na pork barrel ng Kongreso. May sinasabi pang P450 milyon na nauwi sa mga pekeng NGOs ni Janet Napoles.

Sa pamamagitan ng DAP, pinasahol pa ni Aquino ang korap na sistemang pork barrel sa bansa, salungat sa pangako niya “daang matuwid.”

Pinagtaksilan ni Aquino, kung gayon, ang tiwala ng publiko nang:

Pinalawig at pinalubha ni Aquino ang padrino at korap na sistema ng pork barrel. Nilikha niya ang higit na malaking pork barrel na kontrolado na pangulo.

Iligal na inagaw ang pondo sa pinaglalaanan ng batas at ibinaling ang P144B sa kanyang pet projects at pinapaburang mga upisyal at pulitiko. Dinagdagan ni Aquino ang PDAF o pork barrel ng mga mambabatas at mga lokal na upisyal sa ilalim ng “Various Local Projects” na umabot sa P17.3 B.

Inabuso ni Aquino ang kanyang poder nang agawin niya ang kapangyarihan ng Kongreso sa paggawa ng badyet.

Inagaw ni Aquino ang poder ng Kongreso sa utos niyang bawiin ang mga unobligated allotments, iligal na mag-ipon ng saving na aabot sa P157 Bilyon at ibaling ang pondong P144 Bilyon sa ibang pagkakagastusan na hindi ipinasya ng Kongreso.

Nilabag ni Aquino ang kanyang sinumpaang tungkulin na matapat at masusing ipagtanggol ang Konstitusyon, ipatupad ang mga batas at bigyang ng hustisya ang bawat tao.

Nilabag ni Aquino ang tatlong nabanggit na prubisyon ng Saligang Batas, ang General Appropriations Act ng 2011, 2012 at 2013, ang batas laban sa technical malversation at iba pang batas.

Isinagawa ni Aquino ang 116 ulit na teknikal na pagwaldas ng napakalaking pondong publiko, P144 Bilyon, labag sa anti-graft and corrupt practices act.

Hindi maliit na halaga, hindi libu-libo o milyun-milyon, bilyun-bilyon ang technical malversation ni Aquino at hindi ito ginawa minsan o makalawa kundi 116 ulit.

Tinangka ni Aquino na ikorap ang mga halal na upisyal sa pag-apruba at paglabas ng mga dagdag na pondo para sa pork barrel ng mga senator judges sa panahon at matapos ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Ang mga ibinulgar ni Atty. Roy, Senador Estrada at Revilla ay nagpapakita sa tangka ni Aquino at mga tauhan niya na ikorap ang mga senator judges.

Thus, we charge President Aquino of betraying public on the five aforementioned causes of actions of the impeachment complaint.

Mga kasama, pagtibayin na natin na may sufficiency in substance ang impeachment complaint para magbigyan natin ng pagkakataon si President na sagutin ang reklamo at ipaliwanag kung saan niya hinugot at saan niya dinala ang bilyun-bilyong pondo ng taumbayan.


On the second impeachment complaint:

Kabataan Rep. Terry Ridon

Kabataan Rep. Terry Ridon <strong>Pher Pasion</strong>
Kabataan Rep. Terry Ridon Pher Pasion

Sa mga kasapi ng Committee on Justice, sa ating mga kasamahan sa Kamara, at sa sambayanang Pilipino, magandang araw.

Nahaharap ngayon ang ating Pangulo hindi sa isang simpleng kaso o kontrobersya lamang. Kinakaharap ni Pangulong Aquino ngayon ang mabibigat na sakdal ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at graft and corruption, mga paglabag na pinapatawan ng parusang pagkakatanggal sa posisyon sa ilalim ng ating Saligang Batas. Ang tatlong nabanggit na paglabag ng Pangulo ay bunsod ng kanyang paglikha at pagpapatupad sa Disbursement Acceleration Program o DAP, na idineklara ng Korte Suprema bilang labag sa Konstitusyon nito lamang nakaraang buwan.

Humaharap ako sa inyo ngayon upang ilatag ang substance – ang diwa, esensya at halaga ng impeachment complaint na ito na inihain ng mga lider-kabataan at estudyante.

There are three salient points to explain:

FIRST: The president has committed culpable violation of the Constitution.

Inihayag ng impeachment complaint na ito sa Paragraphs 7 to 10 ang masalimuot na pinagmulan at kasaysayan ng DAP. It explains in detail how on October 12, 2011, Secretary Florencio Abad first sought the approval of the President in implementing DAP. The impeachment complaint clearly cites the various memoranda approved and signed by no less than the president himself to pool public funds without any legal basis.

Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng DAP, sadya at paulit-ulit na nilabag at binalewala ng Pangulo ang mga probisyon ng Saligang Batas, partikular na ang Section 25, paragraph 5, Article VI ng 1987 Constitution. Naglipat-lipat siya ng pondo mula sa isang sangay ng gobyerno tungo sa ibang sangay, gayong alam naman niyang ipinagbabawal ito. The president used the DAP mechanism to transfer some Php143.7 million to the Commission on Audit, and Php250 million to the House of Representatives.

Sadya ring inikot-ikot ng Pangulo at ng kanyang gabinete ang proseso ng pagtatamo at paggamit ng savings sa ilalim ng DAP. Ang pondong inilaan na ng Kamara para sa isang partikular na proyekto, kukunin ng Palasyo at ilalagay sa DAP. Higit pa rito, inililipat ang mga tinurang savings sa mga proyektong wala naman sa batas ng pambansang badyet. Tingnan po natin ang nabanggit sa Paragraph 34 ng impeachment complaint, ang Php1.6 bilyong pondo para sa DOST Disaster Risk, Exposure, Assessment and Mitigation o DREAM Project. Wala po ito sa budget ng taong 2011.

Korte Suprema na po ang nagsabi: labag sa Konstitusyon ang DAP at iligal ang marami sa mga aktong ginawa ng Pangulo sa ilalim nito. Ngunit hindi nakinig ang Pangulo. Sa halip, kinastigo niya ang Korte Suprema at ipinilit ang sa kanya’y tama.

On July 14, 2014, the President arrogantly and brazenly announced his defiance of the Supreme Court’s ruling on DAP. While millions of Filipinos watched, he issued thinly-veiled threats to the Judiciary, a move interpreted by many as a declaration of war against the High Court. The president, in his hubris and grandstanding, set aside the constitutional role of the SC as ultimate arbiter and interpreter of the Constitution. Sa madaling salita, nagsimula siyang mag-asal diktador.

Let me proceed to the SECOND point: The president betrayed the public trust.

Bagaman sinumpaang tungkulin ng Pangulo na sundin at pangalagaan ang Konstitusyon, pinili pa rin niyang suwayin hindi lamang ang mga probisyon nito, kundi pati ang mga batas na nakaangkla dito, kabilang na ang General Appropriations Act. Sa paglagda ng Pangulo sa mga memorandum hinggil sa DAP, inagaw niya ang power of the purse ng Kongreso. Sa pag-apruba sa mga proyekto sa ilalim ng DAP, nagpamalas siya ng tyrannical abuse of power at gross exercise of discretionary powers. Pinagkatiwalaan siya ng sambayanang Pilipino na tupdin ang kanyang sinumpaang tungkulin, ngunit malinaw ang kanyang pagtataksil sa pamamagitan ng DAP.

THIRD: The president committed graft and corruption.

Nabanggit sa impeachment complaint na ito ang pagsiwalat ni Senador Jinggoy Estrada sa tangkang panunuhol ni Pangulong Aquino sa mga senador ng tig-limampung milyong piso gamit ang DAP upang masiguro ang boto nila sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona. Put simply, President Aquino attempted to corrupt public officials, an act punishable under Article 212, in relation to the second paragraph of Article 210, of the Revised Penal Code.

Hindi naman po nakapagtatakang umabot sa puntong tinangka ng Pangulong manuhol ng mga Senador – gayon na lamang ang panggigigil niyang matanggal sa pwesto si Corona noon, lalo pa’t sa ilalim ng termino ng natanggal na Punong Mahistrado ay nagdesisyon ang Korte Suprema na ipamahagi ang lupain ng pamilya Cojuangco-Aquino, ang Hacienda Luisita.

Bukod sa attempted corruption of public officials, nabanggit din sa Paragraph 59 to 60 ng impeachment complaint ang salang technical malversation o maling paggamit ng pondo ng Pangulo. By “realigning” at least One Hundred Forty Four point Four Billion Pesos (Php144.4B) in funds to at least one hundred and sixteen (116) programs, activities, and projects under the DAP, the President has committed no less than one hundred and sixteen (116) counts of technical malversation.

Hindi biro ang kasong ito. Sa dami ng ulit na ginamit ng Pangulo ang pondo ng bayan para sa mga proyektong hindi naman bahagi ng taunang badyet, papatak sa halos animnapung (60) taong pagkakakulong ang maaari niyang kaharapin. Kung sapat ang sakdal na ito upang makulong siya nang halos habambuhay, lalong sapat ito upang siya ay matanggal sa puwesto.

Mr. Chairman, dear colleagues, laging sinasabing ang impeachment ay isang pulitikal na proseso. Ngunit hindi ito absolutong tama. We must point out that the impeachment process is not purely political – for it follows and conforms to certain judicial principles that shape due process. And we must follow such principles and due process.

Pangunahin na dito ang jurisprudence ng Kamara hinggil sa pagdetermina ng sufficiency in substance. Just as what this chamber has adopted during the impeachment proceeding of Ombudsman Merceditas Gutierrez, the requirement of sufficiency in substance is met if there is a recital of facts constituting the offense charged and determinative of the jurisdiction of the committee. Let us apply these simple and succinct tests on substance now, and declare this complaint sufficient.

Ngayong araw, muling susulat ng kasaysayan ang komiteng ito. Ngunit sana’y isulat ito nang may dahan. Sana’y isulat ito nang may karangalan. Sana’y isulat ito ng may katarungan.

Inasmuch as we cannot have a country run by a thief, we likewise cannot have a country run by a fiscal dictator. If we are to continue the exaction of accountability from high government officials, as we had done so in the recent incarceration of the three senators, we must thus persevere on, even if it comes knocking on the doorsteps of Malacanang.

We submit, Mr Chairman, dear colleagues.


On the third impeachment complaint:

ACT Teachers Rep. Antonio Tinio

ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. <strong>PW File Photo</strong>

Inaakusahan ng taumbayan si Presidente Benigno Aquino III ng sadyang paglabag sa Saligang Batas o culpable violation of the Constitution nang pinasok niya ang kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), isang kasunduang magbabalik sa mga base militar sa Estados Unidos sa ating bansa.

Una, sa kabila ng malinaw na tinatakda ng Konstitusyon, sa pamamagitan ng EDCA, ipinamigay ni Pangulong Aquino sa pwersang militar ng US ang soberanya o kapangyarihan sa sarili nating lupain, kinompromiso agn integridad ng ating teritoryo, at isinuko ang pag-iral ng batas ng Pilipinas at kapangyarihan ng mga korteng Pilipino.

Iniaatas ng Artikulo II, Seksyon 7, ng Konstitusyon:

Dapat sundin ng Estado ang isang malayang patakarang panlabas.

“Sa mga pakikipag-ugnay nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang-alang ang ganap na kapangyarihang pambansa, integridad na teritoryal, kapakanang pambansa, at ang karapatan sa sariling pagpapasya.”

Subalit sa Article III.2 ng EDCA, isinuko ni Presidente Aquino sa dayuhang militar ng US ang karapatang manatili sa alinmang lugar sa Pilipinas. Alinmang lugar, saan man sa Pilipinas. Kahit pa ang lupa o lugar ay pag-aari ng gubyernong pambansa o lokal o pribadong pagmamay-ari, obligado ang gubyernong ipagamit ito sa mga Amerikano basta’t hilingin nila ito kung gaano man katagal nila naisin. Kung gusto nilang maghimpil ng platoon sa parking lot ng Batasan, ibibigay ito ng gubyerno. Kung gusto nilang magparada ng tanke sa bakuran ng aking tahanan, titiyakin ng aking gubyerno na mangyari ito. Ganyan katindi ang isinukong kapangyarihan ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng EDCA.

Sa pamamagitan ng mga “Agreed Locations,” (Article II.2, Article II.4 ng EDCA) binigyan ni Pangulong Aquino ang mga tropang militar ng Amerika, pati na ang mga kontratista ng US ng layang maka-access at makagamit ng mga pasilidad at lugar saanman sa Pilipinas kasama na ang mga daan, paliparan, at pantalan. Wala ring limitasyon kung ilang tropang militar ng Amerikano ang pwedeng pumasok at gumamit sa mga “Agreed Locations” na ito. Unlimited bases and facilities, unlimited number of troops and weaponry, unlimited military activities, for an unlimited duration. Yan ang EDCA.

Sa Artikulo II, Seksyon 3 ng Konstitusyon, nakasaad:

Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at ang integridad ng pambansang teritoryo.

Subalit, sa bisa ng EDCA, ang mga pwersang militar ng Amerika, hindi ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang siyang may kontrol sa awtoridad kung ano ang kanilang gagawin, ano ang kanilang itatayong pasilidad, gaano katagal silang mananatili at kung ano ang kanilang ilalagak na mga kagamitang pandigma.

Sa Artikulo VIII, Seksyon 1, ng Konstitusyon, nasasaad:

Dapat masalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataastaasang Hukkuman at sa mga nakakababang hukuman na maaaring itatag ng batas.

Sa pamamagitan ng Article XI ng EDCA, tinanggal ni Pang. Aquino ang kapangyarihan ng ating mga kortena dinigin at hatulan ang anumang kaso o dispute—kriminal man, sibil, o administratibo, kaugnay ng EDCA. Dahil sa kasunduang ito, kung magkaroon ng mga pagpapaslang, panggagahasa, o anumang krimen o paglabag sa batas ng mga pwersa ng Amerika, hindi man lang mahahawakan ng ating mga awtoridad ang mga nagkasala at hindi makadudulog sa sarili nating korte ang mga mamamayang Pilipino para sa hustisya.

Pangalawa. Sa pamamagitan ng EDCA, tahasang nilabag din ni Pang. Aquino ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa mga dayuhang base militar, nagtatakwil sa giyera at nagbabawal sa sandatang nukleyar.

Itinatadhana ng Artikulo XVIII, Seksyon 25 ng Konstitusyon na hindi maaaring magkaroon ng mga dayuhang base militar, mga tropa o mga pasilidad maliban kung ito ay sa ilalim ng isang tratadong sinang-ayunan ng Senado at pinahintulutan ng mga mamamayan sa isang plebisito, kung hingin ng Kongreso.

Niloloko ni Pang. Aquino ang sambayanang Pilipino. Bagong military bases agreement ang EDCA, kahit ilang beses man ito itanggi ng Malakanyang. Agreed Locations lang daw, hindi military bases, sabi ni Presidente.

Ngunit ayon sa batas ng Estados Unidos, ang tanging kondisyon upang maituring na base militar ang isang lubar o pasilidad ay kung nasa kamay ng isang US military commander ang “operational control” ng lugar o pasilidad na ito. Yan mismo ang ibinibigay ni Pang. Aquino sa Article II.4 at Article VII.3 ng EDCA.

Sa madaling sabi, anuman ang itawag ni Presidente Aquino sa mga lugar na binibigay ng EDCA sa mga Amerikano, base military ang mga ito.

Dagdag pa, napakalinaw sa Article III ng EDCA na ang itinakdang gamit ng “Agreed Locations” ng EDCA ay mismong mga gawain sa isang base militar tulad ng pagkakaroon ng mga kabahayan at barracks para sa mga tropang militar, pagkakaroon ng mga imbakan ng mga armas, arsenal at mga silos; mga bantay-saradong mga gusali para sa mga “prepositioned supplies” at “war materiel”, mga pasilidad para sa refueling, bunkering at pagpapagawa ng mga barko, eroplano at iba pang kagamitang pandigma; pagkakaroon ng sariling perimeter wall para hadlangan ang mga hindi awtorisadong pagpasok; sariling telecommunications systems and communications center; at higit sa lahat, bilang lunsaran ng mga tropa at kagamitan para sa mga operasyong military, kasama na ang digmaan.

Kung kaya malinaw na nilalabag din ni Pangulong Aquino ang probisyon sa ating Saligang Batas na nagtatakwil sa digmaan bilang isang pambansang polisiya (Artikulo II, Seksyon 2) dahil maaaring gamitin ng US ang mga Agreed Locations bilang lunsaran ng mga gera nito laban sa kanyang mga kaaway.

Nilalabag din ni Pang. Aquino ang Article II, Seksyon 8 ng Konstitusyon na nagbabawal sa armas nukleyar. Walang probisyon sa EDCA na nagbabawal na ipasok sa ating bansa ang sandatang nukleyar; ipinagbabaqwal lamang nito ang prepositioning ng nuclear materiel.

Pangatlo. Nilabag ni Pangulong Aquino ang Konstitusyon nang hindi niya isinumite ang EDCA, na isang military bases agreement, sa Senado para sa ratipikasyon bilang tratado, at sa Kongreso upang pagpasyahan nito kung kailangan pa ang pag-sang-ayon ng mamamayan sa pamamagitan ng plebisito. Yan ang hinihingi ng Artikulo XVIII, Seksyon 25 ng Konstitusyon.

Pinakamasahol, tagibang, di-pantay ang kasunduang EDCA sa kasaysayan ng relasyon ng Pilipinas at US mula 1946. Isinuko ni Pangulong Aquino ang kapangyarihan ng mamamayang Pilipino sa sarili nating lupain at ang pag-iral ng ating batas sa sarili nating bansa. Tahasan at sadyang nilabag niya ang Konstitusyon. Dapat siyang ma-impeach.


Gabriela Rep. Emmi de Jesus

 

Gabriela Rep. Emmi de Jesus <strong>Pher Pasion</strong>
Gabriela Rep. Emmi de Jesus Pher Pasion

President AQUINO committed BETRAYAL OF PUBLIC TRUST, when he entered into the EDCA which is prejudicial to the national interest and grossly lopsided in favor of the United States of America.

 Ang EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) ay isang nakasulat na ebidensya ng pagtataksil sa tiwala ng bayan o betrayal of public trust. Dahil dito, mariin ang aming paninindigan na kailangang ma-impeach ang ating Pangulo.

Sa ilalim ng EDCA ang ganito ay maaaring magisnan: US Forces ang eksklusibong gumagamit at nagpapatakbo ng malaking parte ng Kampo Crame, Kampo Aguinaldo at ng kung ano pa mang kampo militar na alam ninyo. Mga Amerkano rin ang nagpapatakbo ng Ninoy Aquino International Airport, ng Mactan International Airport at bahagi ng kung ano pa mang airport sa bansa; maaring pati ng Luneta, ng Quezon City Memorial Circle, ng parke sa Davao; ng pantalan sa Batanes, sa Romblon at sa Jolo, pati na ng subdibisyon o komunidad na inuuwian ninyo. Sa isang kumpas ng Secretary ng National Defense, kahit anong lugar sa Pilipinas ay maaaring maipaloob sa Agreed Locations na mapapasailalim sa kontrol at operasyon ng US Forces. At isa pa lamang ito sa nakakatakot na maaaring mangyari sa ilalim ng EDCA.

Upang lubos na maunawaan at makasiguro na ang nabanggit ay hindi kathang isip o produkto lamang ng pag-iisip ng mga kilalang kritiko ng Pangulo, hinihikayat ko ang aking mga kababayan na kung hindi pa ninyo nababasa ang sampung pahinang kasunduang EDCA, basahin po ninyo ito. Nang sa ganun, kayo na rin po mismo ang makapaghuhusga na ito ay tuwirang pagtalikod ng pangulo sa kanyang sinumpaan. Nakasisiguro ako na kagaya ko at sampu ng aking mga kasamahan sa Gabriela Women’s Party sa ilalim ng Makabayan block dito sa Kongreso, halong pagkadismaya at galit ang inyong mararamdaman.

Galit dahil sa malinaw na mga probisyong pagtataksil sa pambansang interes, pambansang kasarinlang, kapayapaan, at seguridad. At labis na pagkadismaya:halos hindi inabot ng aking pag-iisip na darating pa pala ang panahong ito – na may isang pangulong masisikmura ang ganitong klaseng kasunduan.

Sa pamamagitan ng EDCA, gagawing malaking base militar ang ating bansa at lunsaran ng pakikidigma – na rent-free at tax-free pa.

Ang EDCA ay isang kasunduang walang kapakinabangan ang Pilipinas. Bagkus, malinaw na ito ay maglilingkod sa Amerika na nagtutulak ng kanyang imperyalistang interes sa ilalim ng programang  Asia Pivot na idineklara nito.

May malalaking investments at utang ang Amerika sa China kaya kahit kailan ay hindi ito nagsabi na makikipag-giyera ito para sa Pilipinas laban sa China. Katunayan, sa isang pahayag mismo ng Pang Obama noong April 29, ‘We are not here to counter China.’

Kaya walang pasubaling inindorso ng inyong lingkod ang reklamong ito. Malinaw at simple lamang ang alegasyon ng mga nagrireklamo – ang pagpasok ni Pangulong Aquino sa kasunduang EDCA ay isang malinaw na pagtataksil sa tiwala ng bayan o betrayal of public trust, ground para ma-impeach o matanggal sa pwesto si Pangulong Aquino.

Sa Article VII ng EDCA isinuko rin ng ating gobyerno ang kapangyarihang magpataw ng buwis sa US Forces sa kanilang paggamit ng ating public utilities gaya ng tubig, kuryente, radio spectrum atbp.

Walang renta, walang buwis, walang bayad  sa paggamit ng ating pampublikong utilidad.

Paanong hindi matatawag na pagtataksil sa tiwala ng bayan ang mga nabanggit?

Paanong matatawag na naaayon sa pambansang interest ang hayaan na ang US Forces at mga contractors nito ang magpasasa sa paggamit ng mga nasabing lugar at utilidad?

At paano naging katanggap-tanggap sa Pangulo ang kasunduang ito?

Nauunawaan po ba kaya ng Pangulo kung ano ang posibleng mangyari nang dahil sa EDCA?

Magiging isang kabalintunaan ang kanyang sinumpaan noong Hunyo 30, 2010,  na “tutuparin ng buong katapatan at sigasig” ang kanyang mga tungkulin bilang Pangulo ng Pilipinas. May katapatan at sigasig ba sa paggampan ng tungkulin bilang Pangulo ang pagpapahintulot sa isang kasunduang magsisilbing written consent para okupahan ng dayuhan ang mga teritoryong ating nasasakupan?

Nakakatakot isipin na sa mga susunod na mga taon, kahit wala na sa pwesto si Pangulong Aquino, tayong mga Pilipino at ang bayan ay patuloy na manganganib at mangangamba ng dahil sa EDCA. Sa katunayan ay isang magneto sa gera ang magkaroon ng kasunduang ganito sa U.S. dahil sa dami ng mga kaaway nito sa mundo. Dapat na tayong matuto sa kasaysayan kung saan ang mga pwersang Amerikano ay nagamit ang ating kalupaan, karagatan at kalawakan sa pagpasok nito sa mga gera.

Halos walang katapusan ang EDCA dahil pagkatapos ng sampung taong bisa nito, may automatic renewal ring nakasaad dito.Kung nagawa ng Pangulo na itago ang nilalaman ng EDCA at inilabas lamang ito nang dumating ang boss nitong si Obama, kami ay umaasa na sa pamamagitan ng impeachment proceedings na ito, malalantad sa publiko ang EDCA. Kung gayon, dapat lamang na ang Konggresong ito ang hindi kasabwat sa isang tunguhing maglalagay sa mamamayan sa panganib.

Sa panghuli, nais kong ibahagi sa inyo ang paghahambing na ito: Ang EDCA ay mas malala pa sa pagkakaroon sa sariling tahanan na may  dayuhang bisitang hindi nagbabayad ng renta; mga dayuhang hindi alam kung kailan lilisan; hindi alam kung anong mapaminsalang kagamitan ang tangan; hindi nagpapaawat sa paghahanap ng gigyerahing kalaban; walang alam kundi sariling kapakanan; walang bigay na tulong na walang kapalit na pag-uusapan. Kagaya nyo ako ay mamumuhi sa kung sinumang nagpahintulot nito sa aming tahanan; sa pagsasawalang-bahala sa aming kagalingan at pagtataksil sa aming kanyang pamilyang naturingan. At kagaya nyo rin, kami ay magagalit, kami sa impeachment ay maninindigan!

Maraming salamat po.