Kababaihan

AFP tutol sa hiling ng pamilyang Laude na makaharap si Pemberton


Tinutulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hiling ng pamilyang Laude na makaharap ang suspek na si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton. Ito’y matapos hindi muli sumipot ang sundalong Amerikano sa idalawang preliminary investigation ng kasong murder na isinampa ng kaanak ng transgender na si Jennifer Laude. Sabi ng AFP, hindi raw […]

Hindi na naman sumipot ang suspek na si PFC. Scot Pemberton sa ikalawang preliminary investigation sa Olongapo Hall of Justice.  Macky Macaspac
Hindi na naman sumipot ang suspek na si PFC. Scot Pemberton sa ikalawang preliminary investigation sa Olongapo Hall of Justice. Macky Macaspac

Tinutulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hiling ng pamilyang Laude na makaharap ang suspek na si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton. Ito’y matapos hindi muli sumipot ang sundalong Amerikano sa idalawang preliminary investigation ng kasong murder na isinampa ng kaanak ng transgender na si Jennifer Laude.

Sabi ng AFP, hindi raw maaaring pagbigyan ang hilinh ng pamilya batay sa probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nagsasabing nasa US pa rin ang kustodiya ni Pemberton. Dapat daw na sulatan ng pamilya ang embahada ng US at Department of Foreign Affairs ng Pilipinas.

Such is a matter beyond our control,” pahayag sa midya ni Lt. Col. Harold Cabunoc, public affairs chief ng AFP.

Sa ikalawang preliminary investigation, nabigo rin ang abogado ni Pemberton na magsumite ng counter-affidavit. Hiniling ni Rowena Flores, abogado ni Pemberton, sa nag-iimbestigang prosecutor na ibasura na ang reklamong murder dahil wala raw itong batayan. Kung umusad man ang kaso, dapat daw itong gawing homicide at hindi murder.

Pero sinagot ni State Prosecutor Emilie Fe delos Santos hindi dapat pangunahan ng kampo ni Pemberton ang imbestigasyon.

We will rule on probable cause after we complete the process. Don’t teach us what to do. The bottom line is we will go on with the preliminary investigation,” ani delos Santos.

Dismayado naman ang pamilyang Laude sa hindi pagsipot ni Pemberton sa imbestigasyon. Hindi naman daw nakakatiyak na nasa Kampo Aguinaldo pa ang suspek.

“Anong klaseng gobyerno mayroon tayo? Si Marc (Sueselbeck), kinasuhan nila (pinadedeklara ng AFP na “undesirable alien“) pero nandito, hinaharap ang kaso niya. Pero bakit si Pemberton hindi humaharap?” tanong ni Marilou Laude, kapatid ni Jennifer.

Kinastigo din ng pamilya ang administrasyong Aquino dahil sa kawalang interes sa kaso ng kanilang kaanak.

“Hindi ba’t ang sabi mo kaming maliliit ang boss mo? Nasaan ang tuwid mong daan? Hanggang salita ka lang,” ani Julita Laude, ina ni Jennifer patungkol kay Pangulong Aquino.

Sinabi din ni Harry Roque, tumatayong abogado ng pamilya, na hindi katulad sa kasong panggagahasa kay ‘Nicole’ noong 2005 na nagsumite ng kontra-salaysay at nagpakuha ng larawan ang mga akusado, hanggang sa kasalukuya’y wala pa ring salaysay at larawan ang suspek na si Pemberton.

“Tulad ng sinabi ko noon, hindi nila ipapakita si Pemberton,” sabi ni Roque.

Giit pa rin ng grupong Gabriela na ibasura ang VFA na ginagawang kanlungan ng mga umaabusong sundalong Amerikano, paglabag din daw ito sa sobereniya ng Pilipinas. Macky Macaspac
Giit pa rin ng Gabriela na ibasura ang VFA na ginagawang kanlungan ng mga umaabusong sundalong Amerikano. Paglabag din daw ito sa soberanya ng Pilipinas. Macky Macaspac

Paniwala ni Roque na pinoproteksiyunan ng VFA ang suspek na isang sundalong Amerikano. Dahil kahit ang mosyon nina Roque na makuhanan ng DNA sample at fingerprints si Pemberton, tinutulan ng abogado nito.

Para naman sa grupong pangkababaihan na Gabriela na muling nagprotesta malapit sa Justice Hall sa Olongapo City, “pogi points” lang ang pagdedeklara na “undesirable alien” si Pemberton.

“Walang kuwenta ang deklarasyon na ito sa ilalim ng VFA na nagpapahintulot na maglabas-pasok sa bansa ang mga sundalong Amerikano kahit walang visa o kahit anong dokumentasyon,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Duda ng grupo, walang paraan ang opisina ng immigration ng Pilipinas para subaybayan ang mga sundalong Amerikano na lumalahok sa military exercises.