Main Story Migrante

Dahil sa sistemang Kafala: Pang-aabuso sa mga migranteng Pilipino sa UAE, laganap


“Nabili ko na kayo.” Ito ang madalas na sinasabi diumano ng mga employer ng mga domestic helper na nagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE) sa ilalim ng sistemang kafala, o visa sponsorship system. Sa pag-aaral ng pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao na Human Rights Watch (HRW), inihayag ng migrant workers na tulad ng mga Pilipinang sina […]

Pilipinang si Marina Sarno, isa sa maraming migrant workers sa UAE na diumano'y inabuso ng kanilang mga employer sa ilalim ng sistemang kafala. <strong>Raymund Villanueva</strong>
Pilipinang si Marina Sarno, isa sa maraming migrant workers sa UAE na diumano’y inabuso ng kanilang mga employer sa ilalim ng sistemang kafala. Raymund Villanueva
Pabalat ng ulat ng Human Rights Watch
Pabalat ng ulat ng Human Rights Watch

Nabili ko na kayo.”

Ito ang madalas na sinasabi diumano ng mga employer ng mga domestic helper na nagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE) sa ilalim ng sistemang kafala, o visa sponsorship system.

Sa pag-aaral ng pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao na Human Rights Watch (HRW), inihayag ng migrant workers na tulad ng mga Pilipinang sina Marelie Brua at Marina Sarno ang mga abuso na naranasan nila sa kamay ng mga employer.

Patungong UAE si Marelie nang ragasain ng bagyong Yolanda ang kanyang bayan sa Timog Leyte noong Nobyembre 2013. “Kasama ang bahay namin sa nasira. Yung mga magulang ko wala nang trabaho, tapos na-Yolanda pa,” aniya. Pero sa UAE, pang-aabuso ang naabutan niya.

“Hindi ako binibigyan ng pagkain. May pagkain pero may molds. Bawal kumuha ng pagkain sa mga bata,” sabi ni Marelie. “Hindi kami tinatrato na tao. Kung hindi ako nagpakita na lalaban ako, siguro sinaktan na ako.”

Nagkasakit si Marelie, pero sinabi ng kanyang employer na “wala siyang pakialam.” Kung kaya nagdesisyon na si Marelie na lumayas.

Ganun din ang sinapit ni Marina, na kinulong pa ng employer at matagal na walang kontak sa pamilya. Kinailangan pang makialam ng ng grupong Migrante International para maibsan ang pagmamalupit ng employer sa kanya.

Kabilang sa pang-aabusong naranasan ng migrant workers sa mga employer sa ilalim ng kafala ang pisikal at sikolohikal na abuso, sobrang pagpapatrabaho, pagkukulong sa bahay, pagkait ng suweldo at iba pa.

Kapag gusto nang umalis ng domestic helper dahil sa mga abuso o anumang dahilan, pinupuwersa pa umano silang pagbayarin ng halagang naipundar ng employer sa kafala.

Bulnerable sa abuso

Puntirya ang sistemang kafala ng ulat ng HRW na pinamagatang “I Already Bought You: Abuse and exploitation of Female Migrant Domestic Workers in the United Arab Emirates” na inilunsad sa Quezon City nitong Oktubre 23.

Kafala ang sistema sa mga bansang Arabo na nagsasabing kailangan ng unskilled laborers tulad ng domestic workers ng lokal na isponsor bago payagang makapagtrabaho sa kanilang bansa. Matagal nang binabatikos ng mga grupong pangkarapatang pantao ang sistemang ito dahil nagiging bulnerable umano sa abuso ng mga employer ang mga migranteng manggagawa.

Rothna Begum, Middle East women’s rights researcher ng HRW <strong>Raymund Villanueva</strong>
Rothna Begum, Middle East women’s rights researcher ng HRW Raymund Villanueva

Sa UAE, nagbabayad ang mga employer ng 10,000-15,000 Dirhams ($2,500 hanggang $4,000) para sa lahat ng gastos ng pagrerekluta (recruitment costs).

Binuo ng HRW ang kanilang ulat mula sa mga panayam sa 99 migranteng manggagawa sa UAE. Nakapanayam din nila ang ilang kinatawan ng recruitment agencies.

Pinatotohanan ni Rothna Begum, Middle East women’s rights researcher ng HRW, ang obserbasyong bulnerable sa abuso ang migranteng mga manggagawa sa ilalim ng kafala. “With no labor law protections for domestic workers, employers can—and many do—overwork, underpay, and abuse these women,” sabi niya.

Dagdag pa ni Begum na nagpapadalang mga bansa—kabilang ang Pilipinas, na may malaking porsiyento ng domestic workers sa UAE—ay walang binibigay na sapat na tulong sa kanilang mga kababayang inaabuso ng mga employer at nililinlang ng recruitment agencies.

Sinabi ni Carlos Conde, researcher para sa HRW, na plano nilang gamitin ang ulat na ito para itulak ang UAE na repasuhin ang sistemang kafala at tiyakin na mapangalagaan ang karapatan ng migranteng mga manggagawa.

Bilang reaksiyon sa ulat, sinabi ni Sarah Katrina Maramag ng Migrante International na kailangang igiit ang pagpapanagot sa mga gobyernong naghihikayat sa mga mamamayan nila na mangibang-bansa.

Kasama rito ang administrasyong Aquino, na nagpatuloy sa polisiya ng pag-aangkat ng lakas-paggawa (labor export policy) pero walang sapat na ayudang ibinibigay para sa mga inaabusong Pilipino sa ibang bansa, ani Maramag.

Bidyong ulat ng HRW: