Kababaihan

National Women’s Day of Protest | ‘Tuta ng Kano’ na si Aquino, itinakwil ng kababaihan


Isang presidenteng taksil sa bayan at sunud-sunuran sa gobyerno ng Estados Unidos (US). Ganito ilarawan ng grupong pangkababaihan na Gabriela si Pangulong Aquino sa kilos-protesta nito sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila bilang bahagi ng Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan nitong Oktubre 28. Ayon sa Gabriela, lalo lamang nalantad ang pagiging tuta sa US ng administrasyong Aquino sa […]

Harapan ng martsa ng kababaihan para dalhin sa paanan ng Malakanyang ang panawagang magbitiw si Pangulong Aquino dahil sa "pagpapakatuta" nito sa gobyernong US. <strong>Pher Pasion</strong>
Harapan ng martsa ng kababaihan para dalhin sa paanan ng Mendiola Bridge ang panawagang magbitiw si Pangulong Aquino dahil sa “pagpapakatuta” nito sa gobyernong US. Pher Pasion

Isang presidenteng taksil sa bayan at sunud-sunuran sa gobyerno ng Estados Unidos (US).

Ganito ilarawan ng grupong pangkababaihan na Gabriela si Pangulong Aquino sa kilos-protesta nito sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila bilang bahagi ng Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan nitong Oktubre 28.

Ayon sa Gabriela, lalo lamang nalantad ang pagiging tuta sa US ng administrasyong Aquino sa tinatakbo ng kaso ni Jennifer Laude, isang transgender na pinatay diumano ni US Marine PFC Joseph Scott Pemberton sa Olongapo Cty noong Oktubre 11.

“Ilang linggo pa lang mula nang paslangin si Jennifer. Sa bawat araw na tumatakbo ang kaso, lalong nagiging obvious na sunud-sunuran lang at bahag ang buntot ng gobyernong Aquino sa US,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Oktubre 28, laban sa ‘tutang gobyerno’

Unang ginanap ang Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan noong 1983 nang patayin ng pinaghihinalaang mga ahente ni dating diktador na si Ferdinand Marcos si Sen. Benigno Aquino Jr. Nagprotesta ang mahigit 10,000 kababaihan laban sa diktadura at ito ang nagtulak sa pagkakaluwal sa grupong Gabriela.

“Ilang dekada na ang nakakaraan, tinatanong tayo kung bakit patuloy tayo sa pagprotesta? Nagpapatuloy tayo dahil nagpapatuloy ang mga kasunduang makaisang panig. Nagpapatuloy ang korupsiyon. Nagpapatuloy pambibiktima sa ating kababaihan at mga mamamayan,” ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.

Hustisya para kay Jennifer Laude at pagbasura sa mga makaisang panig na kasunduan ang panawagan ng Gabriela.<strong>Pher Pasion</strong>
Hustisya para kay Jennifer Laude at pagbasura sa mga makaisang panig na kasunduan ang panawagan ng Gabriela. Pher Pasion

Tahasan nang tinatampalasan ng US ang ating soberanya sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA), wala pa ring ginagawa si Aquino kahit pa kababayan na natin ang pinatay, aniya.

“Isang Pilipino ang pinatay pero ang Pangulo ng Pilipinas ang pinapangalagaan ay ang sundalong Amerikano. Ni ha, ni ho, walang pagtutol na ginawa bagkus ay dinidepensahan pa ang US. Kahit ang pagdalaw sa burol ni Jennifer, di niya nagawa, marahil sa takot na hindi magustuhan ng US ang aksiyon at magreklamo,” ayon kay Salvador.

Ginamit din ang VFA para maging mahirap ang pagkakamit ng hustisya dahil sa makaisang panig ang nasabing kasunduan pabor sa US. Malinaw umano ang pakay ng US na panatilihin nito ang kontrol sa mga likas na yaman at pagkunan ng murang lakas paggawa sa Asya-Pasipiko, dagdag ni Salvador.

Dagdag pa, aniya, puspusan pang isinusulong ng administrasyong Aquino ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na magbibigay-daan sa pagbabalik ng mga base militar ng Kano at higit na pagdami ng mga sundalong Kano sa bansa.

Maliban dito, inilahad din ni Salvador ang aniya’y pagpapakatuta sa mga dayuhang negosyo kahit pa nahihirapan na ang mga mamamayan sa taas ng presyo ng bilihin, pamasahe, at batayang mga serbisyo.

“Patay na sa gutom ang mga mamamayan, wala pang iniisip ang Presidenteng ito kundi kung paano pa mas matutuwa sa kanya ang mga tunay na boss na US at mga dayuhang negosyo,” ani Salvador.

Ginagawang tanga

Walang katiyakan kung nasa Camp Aquinaldo nga si Pemberton dahil hanggang ngayon wala pa ring nakakakita sa kanya, ayon kay Ilagan.

Isang traydor sa bayan si Noynoy Aquino, ayon sa Gabriela.<strong>Pher Pasion</strong>
Isang traydor sa bayan si Noynoy Aquino, ayon sa Gabriela. Pher Pasion

“Sigurado ba tayo na nasa Camp Aquinaldo nga si Pemberton? Malay ba natin kung nakaalis na pala siya. Ginagago tayo at niloloko ng gobyernong Aquino,” ayon kay Ilagan.

Dagdag pa niya, sa pagpapatuloy ng VFA at EDCA, nagpapatuloy ang pang-iinsulto sa atin ng mga dayuhan at nagpapatuloy ang patapak sa ating soberanya at karapatan.

Patuloy din umanong ginagawang tanga ng administrasyong Aquino ang mga mamamayang Pilipino sa pagpasa ng pambansang badyet para sa 2015 dahil sa mga “errata” na magsisiguro lang na magpapatuloy ang sistema ng pork barrel, ayon kay Ilagan.

Idineklara ng Korte Suprema na ilegal ang parehong Priority Development Assistance Fund o pork barrel at Disbursement Acceleration Program o presidential pork barrel. Pero pilit itong ipinagtatanggol at inilalagay sa badyet ng administrasyong Aquino, ayon kay Ilagan.

“Ginagawa nila ang mga krimeng ito dahil tanga ang tingin nila sa atin. Hindi lang tuta si Aquino, kundi taksil sa bayan. Kaya kailangan nating patuloy na magprotesta,” ayon kay Ilagan.

Tintiyak naman ni Monique Wilson, global director ng One Billion Rising, na malalaman ng buong mundo ang nangyayari ngayon sa bansa. Aniya, kaisa ang ibang bansa sa laban sa pagbabasura ng VFA.

“Hindi dapat palampasin ang mga pagkakataong gaya nito para magprotesta at sa gayon ay magmulat sa kababaihan at mga mamamayan kaugnay ng mga hakbang ng gobyernong Aquino para tuluyang ibenta sa dayuhan ang ating bayan. Sa ganitong pagkakataon, ang sama-samang pagkilos ang magtuturo sa mga mamamayan na may magagawa tayo, gaya ng nangyari noong panahon ni Marcos, lagpas 30 taon na ang nakakaraan,” pagtatapos ni Salvador.