Blue Jeans Main Story

Reclaim(ing) Metro Manila

Sino nga naman bang makakatanggi na “gates of hell” ang Manila/Metro Manila kung, sa araw-araw nga naman, ay impyerno ang kailangang bagtasin ng mga komyuter para lamang makarating sa kanilang trabaho o klase? Hindi biro ang pagpila sa LRT o MRT na talo pa ang haba ng pila sa mga concert o shows ng mga […]

Sino nga naman bang makakatanggi na “gates of hell” ang Manila/Metro Manila kung, sa araw-araw nga naman, ay impyerno ang kailangang bagtasin ng mga komyuter para lamang makarating sa kanilang trabaho o klase?

Hindi biro ang pagpila sa LRT o MRT na talo pa ang haba ng pila sa mga concert o shows ng mga artista. Nasanay na nga raw tayong mga Pilipino sa pila–magmula sa pagkuha ng mga dokumento sa opisina ng pamahalaan, pagbili ng pagkain, pagtanggap ng relief goods, at maging hanggang sa pagkokomyut.

Ayala Avenue, 1960s <strong>ikaunangpahina.wordpress.com</strong>
Ayala Avenue, 1960s ikaunangpahina.wordpress.com

Araw-araw na perwisyo’t aberya ang dulot ng mabigat na trapik at bulok na mga tren. Wala rin namang ginhawa kahit pa mag-bus o jeep na kakailanganing pa ngang kalimutan ang pakikipagkapwa para lamang hindi mahuli sa paroroonan–unahan a la marathon sa pagsakay, tulakayan/balyahan a la wrestling, at halos magkahalikan na sa sikip sa loob ng sasakyan a la sardinas sa lata.

Bago ka pa man makarating sa eskuwela o opisina, tiyak na pagod na pagod ka na at nasira na ang araw mo. Mas lalong marahas ang sitwasyon kung sasakto pang bubuhos ang malakas na ulan at magbabaha sa mga lansangan. Sino ba naman ang gaganahan pumasok ng trabaho kung ganito ng ganito lang din sa araw-araw?

Hindi ba parang eksena sa end-of-the-world na mga pelikula ang araw-araw na buhay ng mga komyuter sa Metro Manila? Ang masama pa nga, kinasanayan na natin. Lalo pa’t nangunguna ang pamahalaan na gawing lehitimo sa isipan natin ang ganitong kaayusan ng Kamaynilaan. Ilang beses na nga bang nagpahayag ang pangulo at iba pang mga opisyal na ang malalang trapik ay senyales ng paglago ng ekonomiya’t pag-unlad ng bansa?

Legitimating ang gamit ng mga ganitong pahayag ng pamahalaan: Nagtatagumpay silang paniwalain tayo na kaakibat talaga, at wala na tayong magagawa pa, ng buhay sa lungsod ang ganitong mga sakripsiyo’t problema.

Gayunpaman, marami pa rin ang hindi pumapaloob sa diskurso na pagtiisan na lamang ang ganitong kalagayan. Noong mga nakaraang linggo, naging tampok sa social media ang mga usapin ng trapiko at sistema ng transportasyon sa Metro Manila. Dahil lumalala ang sitwasyon, mas nahihirapan ang pamahalaan na pagtakpan ang pag-alingasaw ng nabubulok na Kamaynilaan.

Manila,1980s  <strong>motorcyclephilippines.com</strong>
Manila,1980s motorcyclephilippines.com

Bagama’t kinikilala ng pamahalaan ang problema, ayon sa kanilang mga pahayag, kulang pa rin kung titimbangin ang mga aksiyon na isinasagawa ng pamahalaan. Hindi naman ito nakakapagtaka. Paano nga naman kasi mararamdaman ng opisyales ng pamahalaan ang urgency na lutasin ang problemang ito kung panay de-kotse’t komportable naman sila sa kanilang pag-commute sa araw-araw? Naiipit din ba sila sa mabagal na daloy ng trapiko kung may de-numerong plaka naman ang kanilang sasakyan o kaya wang-wang? Bakit naman sila sasakay ng tren kung lagpas pa sa dami ng daliri ang pagmamay-aring sasakyan?

Kaya nga nagkaroon ng “take the MRT” at iba pang kaparehong mga “challenge” ang netizens sa pulitiko para maramdaman nila mismo ang impyerno na kinasasadlakan ng mga komyuter. May ilang bumaba sa kanilang mga ivory tower at sumubok pero mas madami ang piniling huwag pansinin ang ingay.

Hindi biro ang nawawala sa bansa dahil sa perwisyong mabigat na trapik araw-araw. Sa taya ng Japan International Cooperation Agency (JICA), halos P2.4 Bilyon ang nawawala sa ekonomiya natin dahil dito. Kung sa 2013 Global Competitiveness Report naman ng World Economic Forum (WEF), bagsak tayo sa larangan ng kalidad ng mga imprastraktura lalo na sa sistema ng pampublikong transportasyon. Pero higit pa sa mga ekonomik na kawalan, hindi ba’t sayang din naman ang oras na sana’y kapiling na ang pamilya o nakakapagpahinga na kaysa nakababad sa trapik?

Dahil kung urban life index lang din naman ang pagbabatayan, mahalagang ang lungsod ay nakakatulong sa pagpapayaman at pagpapalalim ng personal at sosyal na relasyon ng mga nakatira dito. Ganito din ba ang masasabi ng mahigit 12 milyong katao para sa Metro Manila o ang halos 25 milyong katao para naman sa Greater Manila Area?

Totoo din naman na malaking bahagi ng problema ng ating mga lungsod ay dahil hindi ito napagplanuhan ng maayos. Bagong penomenon lang naman ang pagkokonsulta ng pamahalaan sa mga urban planners bago magpatupad ng mga patakaran o gumawa ng mga aksiyon. Pero sumasapat bang solusyon, para lutasin ang lahat ng problemang ito, ang “better, efficient and effective urban planning”?

Halimbawa, ibinahagi ni Enrique Peñalosa, dating alkalde ng Bogota, Colombia, na tumatanggap ng teknikal na paggabay mula sa JICA para lutasin ang problema ng kanilang siyudad sa pagsisikip ng mga lansangan, ang kanyang karanasan. Kalakip ng “master plan” para sa syudad, na nagkakahalaga ng $5 Bilyon, ang elevated freeways. Ngunit kritikal siya sa pinalalaganap na kaisipan na ang kaunlaran ng kanilang syudad ay nangangahulugan na kailangang dumami ang pribadong mga kotse. Sino nga ba ang makikinabang sa ganitong “master plan”? Hindi ba’t ang mga may-ari ng mga dambuhalang negosyo ng kotse sa Japan at ang lokal na mga elite na distributor nito sa bansa?

We think it’s totally normal in developing-country cities that we spend billions of dollars building elevated highways while people don’t have schools, they don’t have sewers, they don’t have parks. And we think this is progress, and we show this with great pride, these elevated highways!”

Dagdag pa ng progresibong urban planner na si Jeff Speck, hindi kinikilala ng mga “master plan” na ito ang usapin ng induced demand–na dadami ang bilang ng mga kotse dulot ng pagdami ng mga kalye/freeways/skyways, na sa huling pagsusuri’y hindi din nakabubuti ang pagpapalapad/pagdadagdag ng mga daanan.

Ortigas, 1990s (anonymous)
Ortigas, 1990s (anonymous)

Hindi ba kakatwa na bagama’t 2 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang may kotse ay bilyun-bilyon ang pamumuhunang inilalaan ng pamahalaan para rito? Kung pagsasama-samahin ang halaga ng mga proyektong Skyway Stage 3, NLEX-SLEX Connector at NAIA Expressway, papatak na ito sa halos P63.4-B. Magkano pa kaya kung susukatin ang pinagsama-samang halaga ng lahat ng mga proyektong road expansion/construction of new roads/etc ng pamahalaan? Hindi ba’t ang lalabas ay subsidized pa ng mga komyuter ang komportableng daanan para sa may mga kotse?

Ano kayang kalidad ng ating pampublikong tranportasyon–MRT, LRT, PNR, Bus Rapid Transit (BRT)–ngayon kung dito inilaan ng pamahalaan ang bilyun-bilyong pamumuhunan na ang maliit na bilang ng mga de-kotseng Pilipino lamang ang nakinabang?

Sa kabilang banda, kailangan din maging malapit sa mga lugar ng tirahan ang mga serbisyo at opisina ng pamahalaan para hindi na kailanganing lumayo pa at mag-commute. Kung kakayanin nga rin, hindi ba’t mas maganda kung self-sustaining ang mga komunidad at kabahayan? Maaari naman talagang magsama-sama sa iisang lugar ang negosyo, paaralan, serbisyo, simbahan, at iba pa. Sa ganitong pagkakataon at balangkas ng mga komunidad, nagiging pag-aari ng mga mamamayan ang mga komunidad/pampublikong lugar at hindi ng mga dambuhalang land developers o mga may-ari ng malls.

Hindi ba nakaka-alarma para sa atin ang pagkaubos ng pampublikong mga parke dahil tintayuan ito ng mga Savemore ni Henry Sy? O kaya naman ang pagsasara ng mga talipapa’t palengke ng mga komunidad dahil sa pagpasok ng Puregold? Kung ganito ng ganito ang mangyayari, anong lupa ang mananatiling pampubliko sa ating mga lungsod?

Nasa kamay natin ang tadhana ng Metro Manila–ang ganap na pagkabulok nito sa kamay ng pamahalaan na nakikipagsabwatan sa kapital o ang transpormasyon nito bilang mapagkalingang syudad sa kamay ng mamamayan.

Naisip ko nga, bakit ba natin gustong pasakayin ng MRT ang mga makapangyarihan na nagpapatakbo sa pamahalaan? Hindi ba’t mas magiging makubuluhan, at ganap na may pagbawi/reclaiming, kung ang mga komyuter sa MRT araw-araw ang bibigyan naman ng kapangyarihan na patakbuhin ang pamahalaan?

Si Cleve Arguelles ay isang komyuter na naiikot ang Metro Manila sakay ng MRT, LRT, jeep at bus linggu-linggo.