Espesyal na Ulat Main Story

#RememberHaiyan | Kalatas mula sa mata ng sigwa

Itinatambol sa midya at iba’t ibang espasyo ang “pagbangon” ng mga mamamayan ng Eastern Visayas isang taon matapos ang pagragasa rito ng bagyong Yolanda (pandaigdigang ngalan: Haiyan). Pero sa pamamagitan ng iba’t ibang misyon at programa ng mga organisasyong pangmasa sa Leyte, inalam ng Pinoy Weekly ang tunay na kalagayan ng mga nakaligtas sa bagyo. […]

Yolanda commemoration coverage iconItinatambol sa midya at iba’t ibang espasyo ang “pagbangon” ng mga mamamayan ng Eastern Visayas isang taon matapos ang pagragasa rito ng bagyong Yolanda (pandaigdigang ngalan: Haiyan). Pero sa pamamagitan ng iba’t ibang misyon at programa ng mga organisasyong pangmasa sa Leyte, inalam ng Pinoy Weekly ang tunay na kalagayan ng mga nakaligtas sa bagyo. Katuwang ang iba’t ibang miyembro ng alternative media, sumama kami sa Women’s International Solidarity Mission (WISM), gayundin sa iba’t ibang aktibidad ng People Surge (tulad ng National Conference on Disaster Survivors) at iba pang organisasyon para gunitain ang isang taon ng kalamidad sa rehiyong ito. Ang napag-alaman namin: Hirap pa rin ang mayorya ng mga biktima. At galit sila, dahil sa pagpapabaya at pamumulitika, at sinabayan pa ng pananakot ng iba’t ibang antas ng gobyerno. Sa pamamagitan ng aming mga ulat, pakinggan natin sila. Ulat ni Kenneth Roland A. Guda para sa Pinoy Weekly.

Tanaw ang Tacloban mula sa ibabaw ng nadistiyerong barko. KR Guda
Tanaw ang Tacloban mula sa ibabaw ng nadistiyerong barko. KR Guda

Tacloban City, Nobyembre 8. Maagang nagsimula ang mga magsasaka. Gumising sila bago lumabas ang araw. Nag-init ng tubig, nagluto ng kaunting mapagsasaluhan sa umaga. Ang iilang may naipong tubig, nagbuhos nang kaunti. Maaga ang simula ng araw, pero hindi para tumungo ng bukid. Nasa palibot sila ng Astrodome sa lungsod na ito.

Isang ecumenical mass ang isinagawa ng mga alagad ng simbahan, mula sa iba’t ibang simbahan. Matapos nito, martsa na. Tirik na ang araw, nakakalapnos ng balat ang sikat nito.

Tinatayang 20,000 katao ang sumama para sa martsa, mula sa iba’t ibang bahagi ng Samar at Leyte sila galing. Marami sa kanila, gumawa ng sariling plakard mula sa sako at anumang karton o papel na mayroon sila. Pero gumawa rin ng mga plakard ang People Surge. Kasamang nagmartsa ng mga biktima ng Yolanda ang humigit-kumulang 300 katao mula sa Mindanao–mga magsasaka, taong-simbahan, katutubo, kabataan at kababaihang karamiha’y mula rin sa mga lugar na nasalanta ng Sendong noong 2011, Pablo noong 2012, at Agaton nitong Enero 2014. Tulad ng mga biktima ng Yolanda, inirereklamo rin nila ang pagpapabaya sa kanila ng lokal at pambansang pamahalaan, mula sa rescue hanggang sa rehabilitasyon ng kanilang mga pananim at tirahan.

Mainit ang pagtanggap ng mga tao sa Tacloban sa martsa. Pinag-aagawan ang mga polyeto. Nakikisigaw ng “Noynoy Aquino, waray pulos, patalsikon!” Marami sa kanila, kinukuhanan ng larawan ang martsa. May mga iba na sumama talaga.

Nagliliyab na effigy ni Aquino sa pagtatapos ng kilos-protesta ng People Surge. KR Guda
Nagliliyab na effigy ni Aquino sa pagtatapos ng kilos-protesta ng People Surge. KR Guda

Mahaba ang martsa mula sa Astrodome patungo sa downtown ng lungsod. Pero di nalagas ang bilang ng mga nagmamartsa. Kapansin-pansin na di gaano kasingrami (tulad ng aasahan mo sa isang-taong paggunita sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan) ang midya na nagkokober. Marahil, nasa “opisyal” silang komemorasyon, ng lokal na pamahalaan. Sina Interior Sec. Mar Roxas, nasa Ormoc, Leyte. Noong nakaraang araw, nasa Guiuan, Samar si Aquino. Malinaw na iniwasan ng administrasyong Aquino ang Tacloban.

Ito’y dahil umaapaw ang galit ng mga taga-Tacloban sa administrasyon. Hindi maipagkakaila ang pagpapabaya nito sa unang mga araw at linggo matapos rumagasa si Yolanda. Malinaw ang pamumulitika nito sa lungsod na pinamumunuan ng alkalde na, sabi mismo ni Roxas, kalaban sa pulitika ng mga Aquino. Hanggang ngayon, nabitin sa mahigit 6,000 katao ang opisyal na bilang ng mga patay sa Yolanda. Ang usap-usapan sa Tacloban, baka umabot ng 20,000 ang totoong patay (May independiyenteng tantiya na aabot sa 18,000 ang nasawi noon.).

Mahaba ang programa ng People Surge sa downtown. Malinaw ang mensahe ng mga tao roon: bahagi ng paghahangad ng hustisya ang pagpapababa sa puwesto ni Pangulong Aquino. Sinunog nila ang effigy ni Aquino bilang isang bwitre na bumibiktima sa mga nasawi o nag-aagaw-buhay.

Matapos ang rali, tumungo ako sa isa sa mga barko sa Tacloban na inanod ng storm surge. Ito iyung isa sa mga barko na di pa “kinakahoy” (kinukuha ang mga bakal para maibenta) ng mga tao. Kuwento ng mga tagabantay ng barko, sa susunod na linggo’y sisimulan nang ibalik sa dagat ang barko. Kaya lang, may mga bahay at/o tent sa palibot nito na tinitirhan ng mga tao. Nangako ang may-ari ng barko na babayaran ang bawat bahay ng P5,000 hanggang P10,000 para umalis doon.

Katulad nila ang mga nakatira sa pansamantalang bunkhouses, na pinaaalis dahil may gagawing road-widening, o kaya iyung mga nakatira sa dineklara ng gobyerno na “no build” o “danger zones”. Kabilang sila sa mga mamamayang patuloy na nabibiktima, mahigit isang taon na ang nakararaan.

Natapos ang araw ng paggunita sa pagsindi ng kandila. Buong lungsod, sa tabi ng kanilang mga bahay, sa kalsada, may nakatirik na kandila. Hindi pa ito sapat sa bilang ng trahedyang naranasan at nararanasan ng mga mamamayan dito. (KG)

Nakaka-inspire ang martsa ng mga magsasaka mula sa Samar habang tumatawid sila sa San Juanico Bridge. KR Guda
Nakaka-inspire ang martsa ng mga magsasaka mula sa Samar habang tumatawid sila sa San Juanico Bridge. KR Guda

Tacloban City, Nobyembre 7. Dumating na sa lungsod ang marami sa mga mamamayang dadalo sa protesta. Sa umaga, isang fluvial parade ang naganap: sakay ng dose-dosenang mga bangkang pangisda, dumating ang mga mangingisda at iba pang kasamahan nila mula sa Basey, Samar. Kakaiba ang eksena ng pagdating ng mga bangka na may watawat ng People Surge, paparating sa tabi ng UP Tacloban.

Pagsapit ng hapon, protesta na ang eksena. Matapos ang maikling piket sa DSWD, libu-libo silang nagmartsa patungo sa malapit na gusali ng Kapitolyo, tanggapan ni Gov. Dominic Petilla ng Liberal Party. Siya, siyempre ang kapatid ni Energy Sec. Jericho Petilla na minsan nang nangako na magbibitiw sa puwesto kung di pa magkakakuryente sa Leyte pagsapit ng Pasko noong nakaraang taon. Sabi ng maraming residente ng iba’t ibang bayan na napuntahan namin, mga Abril na nagkakuryente sa kanila. Si Jericho, nasa puwesto pa rin.

Panawagang pagpapatalsik na kay Aquino ang bitbit ng libu-libong miyembro ng People Surge. Agad-agad na nagsara ng opisina ang Kapitolyo. Parang natakot ang mga empleyado. Pinagkakatok nila ang mga pintuan. “Hindi po simbahan iyan. Pag-aari iyan ng mga mamamayan!” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sa mikropono. Iniulat sa midya na tinangka ng mga raliyista na pasukin ang pinto–pero wala naman akong nakitang ganun. Kaunting tulak at katok, at umalis din sila. Masyadong mabait ang mga raliyista.

Highlight ng araw, para sa akin, ang martsa ng libu-libong magsasaka at iba pang sektor mula sa bahaging Samar ng San Juanico Bridge patungong Leyte. Papagabi na, at sinimulan na nilang gamitin ang mga sulo. Halos masaklaw nila ang buong kahabaan ng pinakamahabang tulay sa buong bansa. Nakaka-inspire ang eksena ng martsa.

Isang solidarity night ang ginanap sa harap ng Astrodome sa Tacloban City, na siyang naging evacuation center ng maraming residente ng lungsod matapos ang bagyo noong nakaraang taon. Ngayong taon, nandoon uli sila. Pero hindi na bilang mga biktima. Nandoon sila para magprotesta, maningil. Magtutuos bukas. (KG)

Mula sa malayo, nakatuntong sa lupaing dating palayan na nilason ng black sand mining, tinatanaw ni Jesus Cavias ang nagpapatuloy na operasyon ng pagmimina doon. KR Guda
Mula sa malayo, nakatuntong sa lupaing dating palayan na nilason ng black sand mining, tinatanaw ni Jesus Cavias ang nagpapatuloy na operasyon ng pagmimina doon. KR Guda

MacArthur, Leyte, Nobyembre 6. Hindi na nila mapagtamnan. Mahigit isang ektarya ng lupang dating mataba at napapakinabangan ng maraming pamilya sa bayan na ito ang mistulang wasteland. Ang lupang dating pinagtatamnan ng palay, napaiibabawan na ng buhangin na di matamnan. Dahil ito sa operasyon ng black-sand mining ng Strong Built Development Mining Corp. at Leyte Iron Sand Mining Corp., ayon kay Jesus “Jun” Cavias, lider-magsasaka ng lugar. Mula nang magsagawa ng operasyon ang nasabing mga kompanya sa lugar, umagos na mula sa lugar ng minahan ang langis na lumason sa kanilang lupain, ani Jun.

Kasama ang isang delegasyon ng kababaihang Biyetnames at iba pang delegado ng WISM, pinuntahan namin ang lugar ng pagmimina. Hindi kami pinapasok ng armadong mga seguridad. Ayon kay Jun, mas naging bulnerable ang mga magsasaka sa pagdating ng bagyong Yolanda: wala nang kabuhayan dahil nawalan ng lupang sinasaka, ibayong gutom ang inabot nila matapos ang bagyo. (KG)

Di maiwasang maluha ni Mang Leodegardio ng Brgy. Hiraam, Carigara, Leyte sa patuloy na dinaranas ng kanyang pamilya isang taon matapos ang Yolanda. KR Guda
Di maiwasang maluha ni Mang Roque ng Brgy. Hiraam, Carigara, Leyte sa patuloy na dinaranas ng kanyang pamilya isang taon matapos ang Yolanda. KR Guda

Carigara, Leyte, Nobyembre 5. Patuloy ang pagtangis. Parang kahapon lang nangyari ang Yolanda. Sariwang-sariwa pa. Sabi nga ng isang kasamahan naming psychologist, parang di pa naproseso sa kanila ang trauma. Mas traumatic na hanggang ngayon, isang taon matapos ang bagyo, ramdam pa rin nila ang paghihirap. Si Mang Roque, palabiro nung una. Nakasuot ng aviator shades. Pero naluha siya nang kinuwento ang kalagayan nila.

Pito ang anak niya. Wala na ang mga lubi (niyog). Wala siyang puhunan, at di nakakarating ang iilang pondo na naipapamahagi ng international NGOs. Matindi rin ang hinanakit niya na napupulitika pa ang limitado na ngang tulong na nabibigay ng I-NGOs. Iyung mga grupong dumidiretso sa mga tao (di nagpapaabiso sa munisipyo at barangay), pinupuntahan ng mga tauhan. Nananakot. Sabi ng isang taga-munisipyo sa isang NGO worker: “Kaya kitang barilin dito.”

Tagarito si Jefferson Custodio. Tumulong siya para makakuha ng farm tools mula sa isang NGO ng Hapon ang mga kapwa magbubukid. Isang hapon noongAgosto 23, pinagbabaril siya ng ilang armado. Patay agad si Jefferson. Mahigit isanlibo ang dumalo sa funeral march ni Jefferson sa bulubunduking bahagi ng Carigara. Ang maraming residente, ngayon lang nakakita ng rali sa bundok. “Kung sino pa ang tumutulong, siya pa ang pinatay,” sabi ng isang residente.

Hinala ng People Surge, may kinalaman ang 19th Infantry Battalion ng Philippine Army sa pagkamatay niya. Minamanmanan na umano siya ng mga ahente nito bago siya namatay. Miyembro si Jefferson ng Municipal Farmers Association in Carigara (Mufac), organisasyon ng mga magsasaka. Sabi ng militar, iyung mga Mufac, mga rebelde sila. Pero kuwento naman ng mga magsasaka, ang tanging sandata nila ay itak–na bigay ng isang NGO para sa kanilang pagsasaka.

Sa pulong bayan na inilunsad ng WISM sa isang lugar doon, luhaang kinukuwento ng isang nanay: Benepisyaryo siya ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Ito iyung poverty alleviation program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa maliit na perang binibigay ng 4Ps umaasa si nanay para sa pagpapaaral sa anak. Pero isang opisyal ng DSWD sa munisipyo ang nagsabi sa kanya: Kapag sumali ka sa mga rali ng People Surge, tatanggalin ka sa listahan ng 4Ps. “Paano ko mapapag-aral ang mga anak ko? Wala nang trabaho ang asawa ko (matapos ang Yolanda),” luhaan niyang kinuwento.

Militarisado ang Carigara. Sa maraming barangay, sa barangay hall na tumatambay ang mga militar. Pero matapang ang mga tao. (KG)

Isa sa daan-daang krus sa isang mass grave sa Brgy. San Joaquin, Palo, Leyte. KR Guda
Isa sa daan-daang krus sa isang mass grave sa Brgy. San Joaquin, Palo, Leyte. KR Guda

Brgy. San Joaquin, Palo, Leyte, Nobyembre 4. Mababaw ang luha nila. Tuwing pinapaalala sa kanila ang karanasan nila noong nakaraang taon, di maiwasang maluha. Si lola na nagtitinda ng barbecue sa San Joaquin, kumapit sa dingding sa tabi ng bahay nila, habang inanod ang maraming kapitbahay nila, pati lahat ng gamit na naipundar ng kanyang pamilya.

Siyempre, hindi lang yun ang dahilan kung bakit naiiyak siya tuwing naalala niya yun. “Wala kaming makain pagkatapos. May mga araw na talagang wala,” alala ni lola. Sa isang focused group discussion ng mga delegado ng WISM, naiiyak ang mga nanay. Kapag naiyak ang isa, tiyak, maiiyak ang iba. Pati kaming nakikinig lang, naluluha. Suma total, halos 400 katao ang namatay, sa barangay lang na iyun.

Sa simbahan ng San Joaquin, isang mass grave ang matatagpuan. Naka-tarpaulin ang ibang pangalan ng mga nasawi. Pero ang karamihan, nakasulat ang pangalan sa krus. Nag-alay ang mga kaanak ng bulaklak at kandila. Nagmisa ang pari. Dumidilim na, at wala pa ring kaliwanagan kung bakit naganap ito. At bakit, pagkatapos na ngang masawi ang marami sa kanila, wala pa rin silang naramdamang tulong mula sa gobyerno. (KG)

Jennine Ventura (kaliwa) ng Gabriela New York, kasama si Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, sa presscon ng WISM at People Surge, Nob. 4. PW Photo
Jennine Ventura (kaliwa) ng Gabriela New York, kasama si Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, sa presscon ng WISM at People Surge, Nob. 4. PW Photo

Tacloban City, Nobyembre 3. Tanghali na nang nakarating ang Pinoy Weekly sa lungsod na ito. Apat na oras kaming bumiyahe mula paliparan ng Calbayog City patungong Tacloban. Sa pagsikat ng araw, bumungad ang imahen ng Samar at Leyte, isang taon matapos ang bagyong Yolanda: maraming istruktura na sa tabing-kalsada. Pero mas marami pa ang sira, nakatiwangwang at naghihintay ng muling pagsasaayos.

Marissa Cabaljao ng People Surge KR Guda
Marissa Cabaljao ng People Surge KR Guda

Gabi, sa kalsada ng Tacloban. Kinuwento sa amin ng ilang residente ng lungsod ang tila pagdami ng bilang ng kababaihang natutulak sa prostitusyon matapos ang bagyo. Ito ang isa sa mga gustong siyasatin ng WISM. Nakiusyoso kami. Sa harap ng isang lodge sa kalsada ng Tacloban, sandaling tumayo, kasama ang isang lalaking estudyante. Di nagtagal, may lumapit. Galing siya sa isang traysikel na naka-park sa harap ng lodge. Ito ang usapan namin:

Lalaki: Gusto ninyo ng babae, ng girlfriend?
Kami: Bakit? Meron ba?
Lalaki: Meron. Ayun o (itinuro ang babae na nakaupo sa sidewalk). Isang libo. Tapos tsek-in kayo diyan sa lodge. P175 tatlong oras.
Kami: Ah ganun? Sige babalik na lang kami.

Siyempre, hindi na kami bumalik. Sa sunod na kanto ng kalsada matatagpuan ang isang pribadong kolehiyo. Kuwento ng kasama kong estudyanteng lalaki, marami sa mga natutulak sa prostitusyon ay mga estudyante sa kolehiyong iyun. Mahal ang tuition doon, aabot ng P30,000 kada semestre. Kung bumagsak ang kabuhayan ng pamilya at gusto pa ring mag-aral ng isang babaing estudyante roon, maaaring matulak siya sa prostitusyon. (KG)