Editoryal

Hindi kalikasan ang may sala sa kalamidad


Totoong paparami ang malalakas na bagyo sa bansa. Noon, minsan lang maranasan ang Ondoy o Yolanda, pero sa ngayon nagiging pangkaraniwan na at taon-taon na lang.

Natural disaster madalas kung tawagin ang mga bagyo, pero hindi naman natural na maya’t maya nalulubog sa baha ang mga siyudad at pamayanan. Katunayan, ang dumadalas na matindi at mabilisang pagbaha ay kagagawan ng mahaba at nagpapatuloy na pagwasak ng mga nasa poder sa ating kapaligiran.

Halos 400 Pilipino ang binawian ng buhay dahil sa nakaraang dalawang malalakas na bagyong Tino sa Central Visayas at Uwan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Mahigit 3 milyon ang apektadong mamamayan, mula sa pang-21 at 22 na malalakas na bagyong bumangga sa Pilipinas. At inaasahan na may kasunod pa ito bago matapos ang taon.

Totoong paparami ang malalakas na bagyo sa bansa. Noon, minsan lang maranasan ang Ondoy o Yolanda, pero sa ngayon nagiging pangkaraniwan na at taon-taon na lang. 

Sa nakaraang dalawang dekada, dumoble ang dalas ng super typhoon o ang mga bagyong may mahigit 175 kph na hangin, ayon sa mga siyentista. Dulot ito ng climate change o pagbabago sa klima bunsod ng mapangwasak na mga operasyon sa kalikasan.

Sa Pilipinas, sangkot dito ang malawakang pagmimina at pagtotroso na ginagawa ng mga lokal at dayuhang kapitalista sa iba’t ibang panig ng bansa. Ibig sabihin, kriminal na kapabayaan ng gobyerno at pagpapahintulot sa malawakang pandarambong ang sanhi ng pagdalas ng mga matinding bagyo.

Sa 2024 Investment Attractiveness Index ngayong Agosto, tumalon mula pang-72 patungong Top 16 ang Pilipinas sa buong mundo bilang primerong destinasyon ng pamumuhunan para sa pagmimina. Pinag-aagawan ng mga malalaking kapitalista sa buong mundo ang likas yaman ng bansa.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahalagang tiyakin ang papel ng Pilipinas sa pagsusuplay ng mga mineral sa buong mundo. Kulang na lang sabihin rin nito na bahala na kung anong epekto nito sa taumbayan.

Paanong hindi babaha kung inuubos ang mga puno, kung kinakalbo at pinapatag ang mga bundok, kung inuubos ang humaharang sa hangin at ulan dahil sa quarrying at kung tumataas ang sea level dahil sa reklamasyon?

Ayon sa ibang eksperto, kahit ang mga itinuloy na flood control project, kalaunan mas nakakapinsala pa nga sa mamamayan. Sa disenyo ng karamihan ng mga proyekto, nililipat lang naman ang tubig baha papunta sa ibang lugar. Hindi nawawala ang pagbaha—sa mas mahihirap na komunidad lang ito dinadala ng tinatayong mga imprastruktura. Kinurakot na nga ang proyekto, palpak pa.

Katatapos lang ng 30th Conference of Parties o COP30 sa Brazil para pag-usapan ng mga lider ng mga bansa kung paano tutugon sa lumalalang krisis sa klima. Madalas nang umaani ng batikos ang pagtitipon dahil nagiging lunsaran ito ng mga hungkag na pangako ng mga nasa poder.

Pero ngayong taon, habang nalulunod sa tubig at poot ang sambayanan, tila retorika lang ng pagiging “green” sa pamamagitan ng “just transition” o paggamit ng mas malinis na enerhiya ang bukambibig ng mga kinatawan ng Pilipinas.

Gustong magmukhang makakalikasan samantalang aktibong binubukas ang bansa sa iba’t ibang uri ng pandarambong sa kapaligiran.

Makikita ito sa Pakil, Laguna kung saan itatayo ang Ahunan Hydropower project, isang 1,400-MW mega dam na umano’y gumagamit ng malinis na enerhiya pero mag-aambag sa pagsira sa Sierra Madre, tinaguriang natural na kasangga ng bansa mula sa malalakas na hangin.

Hindi itinadhana na abutin tayo ng kaliwa’t kanang sakuna. May pananagutan ang gobyerno kung bakit tayo narito at lalo na kung bakit napakatagal na hinahatid na tulong sa mga kababayan natin. Kung hindi magbabago ang sitwasyon, baka magulat na lang tayo at permanente nang nasa State of Calamity ang buong Pilipinas.