Sino ang dapat managot sa tumitinding delubyo?
Krimen ang pumatay at magnakaw. Kaya kapag namamatay at nawawasak ang tahanan at kabuhayan ng mga Pilipinong nasasalanta ng bagyo na paulit-ulit, dapat may masisingil na hustisya.
Sa isang makasaysayang hakbang para sa Pilipinas at para sa buong mundo, sinisingil mga survivor ng Bagyong Odette ang multinasyonal na kompanyang Shell ng danyos perhuwisyo.
Ang Odette ang pinakanakamamatay na bagyo noong 2021 dahil sa higit 400 na nasawi, samantalang ang Shell ang isa sa 20 kompanyang kumikita sa fossil fuels na pinakamalaki ang ambag sa polusyon, partikular sa greenhouse gas emissions.
Malinaw rin sa sariling mga pagsisiyasat ng mga korporasyon tulad ng Shell na hindi sila bulag sa epekto ng kanilang pinagkakakitaan.
Nakatala halimbawa sa isang confidential na dokumento ng Shell mula pa 1988 na “The Greenhouse Effect” na may kaalaman ang kanilang mga siyentista sa magiging epekto ng fossil fuel sa global warming. Dito, sabi sa Ingles na “kapag pansin na ang epekto ng global warming, baka masyadong huli na para makontra ang mga epekto nito at maiayos ang sitwasyon.”

Sabi nga noon ng climate scientist na si Michael Mann, para sa pagkamal ng kita at kayamanan ng ilang dosenang kompanya, higit 7 bilyong tao ang sisingilin ng kalikasan.
“Pagdating ng bagyo, natumba ang pader ng isang building at nalibing nang buhay ang kapatid kong babae. Sabi nila walang responsable kasi bagyo naman ito. Pero sino ba ang nagpapalala sa mga bagyo? Wala kaming natanggap na tulong, walang hustisya,” ani Betty, hindi niya tunay na pangalan, sa wikang Binisaya, isa sa 66 na survivor na kasamang naghanda ng reklamo na naipadala na ng legal team nila sa Shell, sa London, United Kingdom (UK).
Kapag walang naabot na kasunduan ang magkabilang panig, kakasuhan ng mga survivor sa UK ang kompanya sa darating na Disyembre.
Malagim ang reyalidad ng mga sakuna sa Pilipinas. “Pero dapat ituloy natin ang pagiging saksi sa danas ng isa’t isa,” sabi ni Jefferson Chua, climate campaigner mula Greenpeace Philippines sa panayam ng Pinoy Weekly. Para aniya maitala natin ang mga nangyayari at para sa pagpapanagot.
“Posible ang may mapanagot.” Ito ang paalala ng mga tulad niyang tanggol-kalikasan at ito rin ang pag-asa ng mga biktima. Kasama dito ang mga naging biktima ng mga sakuna ilang taon na ang nakakaraan at ang mga biktima ng sala-salabat na inhustisya matapos ang huling mga bagyo sa Pilipinas.
Nang humagupit ang Bagyong Uwan, tinangay ng baha mula sa pag-apaw ng Chico River sa Kordilyera ang inaning 20 kaban ng bigas, munting tirahan, ilang mga alagang bibe at manok, at pati ang naipon mula sa trabaho sa konstruksiyon ng magsasakang si Ricardo Galamto mula sa Barangay New Tanglag, Tabuk City, Kalinga.
“Hindi ko alam paano magsisimula ulit,” sabi niya sa Cordillera Disaster Response and Development Services, “pero nagpapasalamat akong buhay pa rin kami.”

Isang linggo bago ang Uwan, nanalanta naman ang Bagyong Tino sa Kabisayaan. Mula sa sa listahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Nob. 11, lagpas 220 ang patay, higit 100 ang nawawala at may dalawang milyong Pilipino ang apektado.
Nasa 150 ng mga nasawi ay mula sa Cebu, 42 naman ang naitalang sa Negros Occidental at ilan pa ang nasawi sa Negros Oriental, Agusan del Sur, Capiz, Dinagat Islands, Leyte, Antique, Bohol, Iloilo at Guimaras. Hindi lang ito listahan ng mga numero—may namatayan ng higit limang miyembro sa pamilya, may mag-ama na nasawi, isang taong gulang na sanggol at iba pang mga inosente.
Kulang, hindi likas
Kaya naman Pilipinas pa rin ang pinakabulnerable sa sakuna o pinsala na dala ng mga kalamidad, ayon sa 2025 World Risk Index. Higit dalawang dekada nang nasa tuktok ang Pilipinas ng ranking kung saan tinatala hindi lang ang exposure sa mga kalamidad pero pati ang kakayanan na matugunan ito.
Pero walang “natural disaster” o natural na sakuna, sabi ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction. “Nagiging disaster lang ang isang natural hazard tulad ng bagyo, lindol o baha, kapag may apektadong komunidad na hindi naprotektahan at bulnerable dahil sa kahirapan o kawalan ng suporta.”
Isa sanang mukha ng suporta ang mga proyekto sa waterways at mga flood control project na ilang taon nang nakakuha ng pinakamalaking tipak ng taunang pondo kaugnay ang kalikasan. Sa Cebu, higit P50 bilyon na ang nagastos para sa flood control, ayon kay Public Works Sec. Vince Dizon.
Sino ang mananagot sa kuwestiyon ng kalidad at paggamit ng pondo? Hahayaan na muna raw ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) mag-imbestiga.
Para sa mga biktima ng delubyo, usad-pagong ang paningil gayong agad-agad at paulit-ulit na pinsala na ang pinagdusahan nila.
“Kahit walang bagyo, basta malakas ang ulan talagang bumabaha. Noong panahon ng Ondoy, talagang, second floor, lagpas second floor,” sabi ni Jerry Podol, chairperson ng Grievance Committee ng University Hotel sa University of the Philippines Diliman. “Tapos ng Ondoy, ‘yong Ulysses, tapos the rest, halos lagpas leeg na. Karina ‘yan din.”
Nakatira siya sa isang subdivision sa Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal. Inutang pa niya ang pagpapagawa ng ikalawang palapag pero taon-taon din silang gumagastos dahil sa pinsala dala ng baha.
Aniya, kung maayos sanang nagagamit ang pondo sa flood control project at pondo para sa mga serbisyong panlipunan, at “naiseserbisyo nang maayos ‘yong pera na ‘yan” sana hindi na nagtitiyaga sa baha ang mga Pilipino.
“May trabaho nga ako at miyembro ako ng Pag-ibig [Fund]. Paano pa kaya ‘yong mga walang-wala? Saan sila kukuha ng pagkuha ng bahay?” sabi niya sa panayam ng Pinoy Weekly habang kalahok siya ng protesta anti-korupsiyon sa Mendiola. Kaya ganoon na lang kahalaga para sa kanya makilahok sa darating na pagkilos kontra-korupsiyon sa Nob. 30, katuwang ang mga kasamahan sa trabaho, at pati sana ang pamilya.
Ganansiya nino
Bukod sa isyu ng pandarambong, tinitingnan ring bahagi ng sala-salabat na problema ang mga proyekto ng mga korporasyon, lokal at multinasyonal.
“Hindi naman maniningil si Mother Nature, ang kalikasan, kung walang mga nakakalbong mga kagubatan at kabundukan. Bahagi ito ng pinagbabayaran ng mga tao, para sa development,” sabi sa Cebuano ni Paul Brian Dacalos, barangay secretary ng Cotcot, Liloan, Cebu, sa panayam sa Rappler.
Ipinag-utos naman ng Malacañang noong Nob. 6 sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang mga ulat ng nakapipinsalang quarrying at pagkalbo sa mga kagubatan na nakadagdag sa nakamamatay na mga pagbaha.
Pero nagbabala ang ilang mga tanggol-kalikasan sa ganitong pagpresenta ng gobyerno sa pananagutan.
“Hindi sila titigil sa pag-issue ng mga [permit] at environmental compliance [certificate] dahil mismong mga nasa gobyerno ang nakikinabang. Marami sa kanilang [mga politiko ang] may-ari pa ng minahan,” sabi ni Kalikasan People’s Network for the Environment deputy spokesperson Cathleen de Guzman sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro.

Ilan sa mga halimbawa nito ang mga Romualdez at ang Benguet Mining Corp., ang mga Villar na may Prime Asset Ventures Inc. na parent company ng King-king Mining Corp., ang mga Gatchalian at ang dating Wellex Mining Corp.
“Hangga’t may perang pumapasok mula sa mga minahan at quarrying, tuloy-tuloy ‘yan. Hindi sila naaapektuhan dahil nakatira sa Forbes Park, sa mga exclusive villages. Hindi sila tulad ng karaniwang mamamayan na binabaha,” dagdag niya.
“Kaakibat ng malaking isyu ng climate change, at fossil fuel complicity and role, is nami-mirror ng impunity and greed [ng mga korporasyon], with the impunity and greed of politicians here, of contractors here in the Philippines,” sabi ni Chua.
Kaya aniya, kahit may pagpostura na kakampi ng kalikasan ang administrasyong Marcos Jr., iba ang kuwento ng mga polisiya at mga proyekto.
Nariyan ang pro-environment public-facing statements “habang tinitingnan din ng government paano ma-upscale ang investments sa gas, na fossil fuel,” sabi ni Chua. At “quietly, naipasa ang PhilATOM” o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act.
Sunod na mga hakbang
Para ipakita ng administrasyon ang tunay na suporta sa mga komunidad at kalikasan, ani Chua, kailangan ang agarang pagpasa ng House Bill 4420 o ang Climate Accountability (Clima) Bill para managot ang mga korporasyong nagdadala ng katakot-takot na polusyon sa mga komunidad na biktima ng inhustisya ng climate crisis.
Isa sa mga itinutulak sa panukala ang pasisinaya ng gobyerno sa pondo na tutugon sa loss and damage dala ng krisis, at paniniguro na may sapat na kakayahan ang mga komunidad para harapin ang tumitinding climate change.
Sa internasyonal naman, binabantayan ang panig ng Pilipinas at iba pang bulnerableng mga bansa sa negosasyon sa ika-30 Conference of Parties (COP) of the United Nations Framework Convention on Climate Change sa Belem, Brazil.
Hindi man hihintayin ng sakuna ang pagtatapos ng mga negosasyon, sabi ni Chua, pero kailangan pa rin magamit ang lahat ng posibleng entablado na mag-aangat sa boses ng mga bulnerable. /May ulat nina Arabella Mariano at Milyn Carreon