Banta ng ‘super’ El Niño
Maaaring itulak ng “climate-induced shocks” ang hanggang 1 milyong Pilipino sa ilalim ng poverty line, habang lalo namang nalulugmok sa kahirapan ang mga pamilyang nawawalan ng kita dahil sa matinding init.
Pawis na ang lahat kahit wala pang alas-nuwebe ng umaga. Mas madalas na tayong naghahanap ng lilim, mas matindi ang uhaw at mas mahirap kumilos sa lagkit ng panahon.
Ganito na ang realidad ng bawat Pilipino. Pero hindi pa ito ang pinakamatinding panahon na mararanasan ng bansa.
Mas pinatunayan ito sa ulat ng Greenpeace Philippines hinggil sa tindi ng “heat stress” sa Pilipinas.
Lumitaw na malawak ang epekto ng matinding init sa kalusugan at kabuhayan, lalo na sa mga komunidad na higit na bulnerable sa krisis sa klima.
Maaaring itulak ng “climate-induced shocks” ang hanggang 1 milyong Pilipino sa ilalim ng poverty line, habang lalo namang nalulugmok sa kahirapan ang mga pamilyang nawawalan ng kita dahil sa matinding init.
Sa kakulangan ng mga polisiya at batas, lalo ring humihina ang proteksiyon ng mga bulnerableng sektor laban dito.
Bakit ba ang tindi ng panahon?
Hindi simpleng usapin ang tindi ng panahon sapagkat maraming siyentipikong proseso ang kaakibat nito. Isa na rito ang El Niño, isang penomenon na bunga ng pag-init ng karagatan at pagbabago sa padron ng pag-ulan sa bansa.
Ayon kay Gerry Bagtasa, propesor ng meteorology sa University of the Philippines (UP) Diliman, mahalaga sa pag-unawa ng El Niño ang trade winds o easterlies, mga hanging umiihip mula sa silangang Karagatang Pasipiko patungo sa kanlurang Karagatang Pasipiko, kung nasaan ang Pilipinas.
Aniya, nangyayari ang El Niño tuwing humihina ang mga hanging ito, na nagdudulot ng pagbabago sa distribusyon ng init at halumigmig sa Karagatang Pasipiko. Dahil dito, nababawasan ang halumigmig na nakararating sa Pilipinas, na siyang dahilan sa mas kaunting pag-ulan sa bansa.
Sa pagpapalalim ni Rafaela Jane Delfino, isa ring propesor ng meteorology sa UP Diliman, may mga klasipikasyon ang El Niño na nakabatay sa taas ng temperatura ng silangang Karagatang Pasipiko.
Itinuturing itong mahinang El Niño kapag 0.5 hanggang 0.9 degrees Celsius ang pagtaas ng temperatura, katamtamang El Niño kapag 1.0 hanggang 1.4 degrees Celsius, malakas na El Niño kapag 1.5 hanggang 1.9 degrees Celsius at sobrang lakas o Super El Niño kapag higit sa 2 degrees Celsius.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), inaasahan na mararanasan ang “super” El Niño sa huling apat na buwan ng taon at magpapatuloy hanggang sa susunod na taon.
Sa mas madaling salita ni Bagtasa, maihahalintulad ang “super” El Niño sa pagpapainit ng isang basong tubig. Mula sa maliit na baso at kaunting tubig na laman nito hanggang saKaragatang Pasipiko, mas humihirap magpainit ng tubig.
Sa unang tingin, mukhang hindi malaking pagbabago ito, pero ang pag-init na nangyayari sa Karagatang Pasipiko ay katumbas ng isang enerhiyang kayang makaapekto sa klima ng buong mundo.
Ayon sa dalawang propesor, bahagi ang El Niño ng El Niño–Southern Oscillation o ENSO.
Kabilang dito ang neutral phase, kung saan nananatili sa karaniwang antas ang temperatura ng karagatan at trade winds, at La Niña naman kapag lumalamig ang tubig sa Pasipiko.
Sa madaling sabi, kapag mas mataas ang temperatura ng silangang Karagatang Pasipiko, mas mataas din ang tiyansa ng mas malakas na El Niño. Dulot nito sa bansa ang mas matinding panahon, init man ito o ulan.
Mga maling akala
Bilang bansang tropikal, maaaring isipin na pamilyar na ang mga Pilipino sa El Niño. Gayunman, marami pa ring maling akala tungkol sa penomenong ito.
“‘Yong El Niño is not just heat, pero ‘yong extreme variability niya ng experience natin ng climate, which na mas nagli-lean towards the drier conditions,” sabi ni Jefferson Chua ng Greenpeace Philippines.
Aniya, normal lang din na penomenon ang El Niño, ngunit nagiging mas mapanganib kapag mas mataas ang temperatura at mas malakas ang mga yugto nito. Kabilang sa mga naitalang “super” El Niño ang mga naganap noong 1982, 1997, 2015 at 2023.

Samantala, hindi pa malinaw ang ugnayan ng El Niño at climate change. Ayon kay Delfino, may mga pag-aaral na tungkol dito ngunit wala pang siyentipikong pagkakasundo sa usapin. Hindi rin nangangahulugang tagtuyot lang ang mararanasan kapag may El Niño.
“Within that period [of El Niño], hindi naman nawawala ‘yong localized weather systems natin. May bagyo pa rin naman, may mga localized thunderstorms, so hindi ibig sabihin na during El Niño conditions, wala nang ulan at all,” sabi ni Delfino.
Gayunman, iba-iba ang epekto ng pabago-bagong panahon sa bawat Pilipino. Sa tindi ng krisis sa klima, sino ang mga higit na nagdurusa?
Magsasaka
Mahigit 40 taon nang nagbubungkal ng lupa si Clarita “Ka Lala” Lumboy, 69, sa Barangay Sumapang Bata, Malolos City, Bulacan. Lumaki siya sa pamilya ng mga magsasaka at ipinagpatuloy niya ang pagsasaka nang mag-asawa. Ngunit sa kabila ng ilang dekadang karanasan, sinabi niyang hindi na niya ngayon halos makilala ang panahon.

Dati, Mayo pa lang ay naghahanda na silang mag-araro. Pagsapit ng Hulyo, nakakapagtanim na sila. Ngayon, umaabot na ng Agosto pero naghihintay pa rin sila ng sapat na tubig upang makapagsimula.
“Palala nang palala ang sitwasyon. Imbis na makapagtanim ka na agad, naaatras ang lahat,” sabi ni Ka Lala. “Wala kang aanihin, wala ka ring aasahan.”
Kapag hindi sapat ang ulan, natutuyo ang lupa at nababawasan ang ani. Ngunit kapag dumating naman ang malalakas na bagyo, nalulubog at dumadapa ang palay bago pa man ito maani.
Ayon kay Ka Lala, sa mga pinakamatinding taon, lima hanggang 10 kaban lang ang kanilang naani mula sa sakahang dating nakapagbibigay ng higit 30 kaban.
Kasabay ng pagbabago ng klima ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba, binhi at iba pang input. Dahil wala silang sapat na puhunan, napipilitan silang umutang bago pa magsimula ang taniman. Sa oras ng anihan, naghihintay na rin ang mga pinagkakautangan para singilin ang halos lahat ng kanilang naani.
“Hindi ka makakausad,” ani Ka Lala. “Pagkatapos ng anihan, uutang ka na naman para makapagtanim ulit.”
Sa kanilang hanay ng mga magsasaka, may kasabihan umano sila. “Magsasaka, magsasako.”
Paliwanag ni Ka Lala, kadalasan ay walang natitira sa kanila kundi mga sako matapos maibayad ang ani sa utang at gastos sa produksiyon.
Mangingisda
Hindi lang sa mga bukirin nararamdaman ang lumalalang epekto ng El Niño. Sa katubigan ng Bulacan, hindi na lamang alon at huli ang binabantayan ng mga maliliit na mangingisda. Pati ang haba ng panahong kaya nilang manatili sa dagat ay unti-unti nang nililimitahan ng matinding sikat ng araw.
Isa sa mga nakakaranas nito si Kevin, hindi niya tunay na pangalan, limang taong mangingisda na nangangapa ng alimango sa Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan.

“Kasi sobrang init, ‘di ka makalabas lalo pag maaga ‘yong low tide. Mga gabi na kami nakakalabas kahit mas malaki na ‘yung tubig,” sabi ni Kevin.
Sa halip na masamantala ang mababang tubig sa umaga, napipilitan silang palipasin na lang ang panahon. Ngunit kahit magtangka silang mangisda, kapalit naman nito ang matinding init na direktang tumatama sa kanila.
“Makakalabas ka nga, sunog na sunog naman balat mo,” ani Kevin. “Doon nga ako nasunog e. Mga three hours lang sa tubig, namalat ‘yong mukha ko.”
Tatlong oras lang siyang nangapa ng alimango nang magtamo ng matinding sunburn.
Hindi lang sunburn ang panganib sa mga mangingisda dahil sa matinding init. Ayon sa ulat ng Greenpeace Philippines, mas bulnerable sa heat stress ang mga mangingisda dahil sa matagal nilang pagkakabilad sa direktang sikat ng araw.
Sa Timog Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas, tinatayang 66% hanggang 70% ang maaaring mawala sa produktibidad ng mga manggagawang bilad sa matinding init, kabilang ang mga mangingisda.
Sa kaso ni Kevin, isang linggong hindi paglaot sa palaisdaan ang katumbas ng kanyang matinding sunburn. Sa panahong iyon, wala rin siyang pagkakataong mangisda at kumita para sa kaniyang pamilya.
Kabataan
Hindi lang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ang nakasalalay sa harap ng El Niño. Para sa kabataan, nakataya rin ang edukasyon, kalusugan at mismong kinabukasan.
Ayon kay Rachelle Junsay, national coordinator ng Youth Advocates for Climate Action Philippines, hindi na lang pinag-aaralan sa aklat ang “super” El Niño dahil nararanasan na mismo ng mga kabataan ang mga epekto ng lumalalang krisis sa klima.
Kabilang dito ang matinding init na nararanasan sa mga paaralan.
“Students are stuck in [classrooms] na napakainit. We’ve heard stories of students losing focus or nahihimatay dahil sobrang init at kailangang umuwi dahil hindi na nila kayang magpatuloy sa klase,” sabi ni Junsay.
Aniya, hindi ito usapin lang ng init sa loob ng silid-aralan, kundi nagpapakita rin ng kakulangan ng mga paaralan sa mga pasilidad at kagamitang kailangan upang makaangkop sa nagbabagong klima.
“‘Yong klaseng classroom na isa lang ang electric fan para sa 30 estudyanteng nagsiksikan sa isang space,” ani Junsay. Aniya, maaari itong humantong sa dehydration at, sa matinding kaso, iba pang panganib dulot ng matagal na pananatili sa init.
Mas mabigat naman umano ang epekto nito sa mga kabataang mula sa maralita at kanayunang komunidad. Bagama’t nagiging opsiyon ang online o asynchronous classes, marami pa ring estudyante ang walang sapat na espasyo, kagamitan o internet connection upang makapagpatuloy sa pag-aaral.
Dahil dito, hindi lang kasalukuyang kalagayan kundi maging ang kinabukasan ang pinangangambahan ng kabataan.
Paano haharapin ang umiinit na mundo?
Nananawagan ang mga magsasaka, mangingisda at kabataan ng agarang suporta at pangmatagalang tugon mula sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang harapin ang lumalalang krisis sa klima.
Para kay Ronnie Manalo, secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi sapat ang mga panandaliang ayuda.

“Ang hinihingi ng mga magsasaka lalo sa panahon ng El Niño ay P15,000 na production subsidy para makapagpalakas ng produksiyon ng pagkain, lalo ng palay,” sabi ni Manalo.
Kasabay nito, nananawagan ang KMP ng kompensasyon para sa mga magsasakang nawalan ng ani dahil sa El Niño, baha, bagyo at iba pang kalamidad.
Ngunit para kay Manalo, higit sa agarang pangangailangan, hamon din sa pamahalaan ang kawalan ng pangmatagalang programa para sa mga magsasaka.
“Wala kaming makapa na malinaw na programa maliban sa puta-putaking ayuda, ‘yong tapal-tapal na kung sino-sino lang mabigyan non, hindi naman lahat,” ani Manalo.
Pareho rin ang panawagan sa pangisdaan. Ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), iginigiit din nila ang P15,000 production subsidy para sa mga maliit na mangingisda, kabilang ang suporta sa gasolina.

“I-subsidize niyo kami para mayroong kaming produksiyon na maibahagi sa mamamayan,” sabi ni Hicap.
Hinihiling din ng sektor ang pagsuspinde sa value-added tax at excise tax sa langis, gayundin ang pagpapasa sa House Bill 5606 o Atin ang Kinse Kilometro Bill na naglalayong maglaan ng protektadong 15 kilometrong municipal fishing grounds para sa mga maliliit na mangingisda.
“‘Yong mga isda, may tendency pumunta sa malalalim kasi mas malamig yung tubig doon,” paliwanag ni Hicap.
Gayuman, aniya, mas nakikinabang sa malalim na bahaging ito ang commercial fishing vessels na pinapayagang mangisda roon, habang nalilimitahan sa kasalukuyan ang askes ng maliliit na mangingisda.
Ayon sa panukalang batas, halos 90% ng municipal waters ang maaaring mapangisdaan ng commercial fishing operations matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang preferential rights ng maliliit na mangingisda.
Dahil sa mas malaking kapasidad at makabagong teknolohiya, maaaring mabilis na maubos ng commercial fishing vessels ang yamang-dagat. Bumubuo ang commercial fishing ng hindi bababa sa 25% ng kabuuang produksiyon ng pangisdaan, na banta sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at seguridad sa pagkain.
Bilang pangmatagalang tugon sa krisis sa klima, iginiit ni Hicap ang rehabilitasyon ng mga pangisdaan at mangrove forest, pati ang pagpapatigil sa mga mapanirang proyektong reklamasyon at dredging.
Gayunman, hindi lang mga hakbang pangkalikasan at pangkabuhayan ang kailangan upang harapin ang krisis sa klima. Naniniwala si Junsay na mahalaga rin ang aktibong pakikilahok ng mga kabataang higit na makararanas ng pangmatagalang epekto nito.
“Future namin, future natin ang nakasalalay dito. All of the decisions being made today, it is us who will be impacted and tayo ang mag-iinherit,” saad ni Junsay.
Dahil dito, iginiit niyang dapat magkaroon ng aktuwal na boses ang kabataan sa paggawa ng mga polisiya, kabilang ang mga programang maglalaan ng pondo para sa edukasyon, lalo para sa mga climate-resilient na mga pasilidad.
Para sa Greenpeace Philippines, patuloy nilang isinusulong sa Kamara ang House Bill 4420 o Climate Accountability (Clima) Act, ang kauna-unahang panukalang batas na naglalayong papanagutin ang mga responsable sa krisis ng klima.
Kaakibat nito ang pagtulak sa House Resolution 1074, na kumikilala sa pagbabago sa klima bilang isang karapatang pantao at intergenerational justice emergency. Ito ay batay sa opinyon ng International Court of Justice tungkol sa pananagutan ng mga bansa sa kanilang mga obligasyong pangklima.
Binatikos din ni Larry Miguel Pascua, senior energy program officer ng Philippine Movement for Climate Justice ang mababang priyoridad ng gobyerno sa mga proyektong pangklima.
Aniya, sa halip na mapunta sa mga proyektong nagtataguyod ng tunay na renewable energy, gagamitin sa capacity-building ng gobyerno ang $6.78-million grant mula sa Green Climate Fund.
Dahil intergenerational ang epekto ng pagbabago sa klima, iginiit ni Pascua ang pangunguna ng kabataan sa pagsusulong ng hustisyang pangklima.
“Kailangan ng mundo natin ng mas magandang kinabukasan at nararapat na ang kabataan ang nasa prente nitong pakikibaka [laban sa krisis sa klima],” sabi ni Pascua sa Ingles.