Main Story

Mga guro, nagsagawa ng ‘sit-down protest’ para sa dagdag-suweldo


Dahil sa umano’y pagbibingi-bingihan ng adminstrasyong Aquino sa panawagan nila para sa dagdag-sahod, naglunsad ang mga guro sa buong bansa ng sit-down protest. Sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), pumasok ang mga guro sa kani-kanilang klase pero hindi umano sila magturo sa isang buong araw bilang protesta. “Ito’y pagbibigay babala sa pamahalaan na […]

Pakikiisa ng mga guro ng Manila Science High School sa sit down protest sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers para sa dagdag-sahod.<strong>Pher Pasion</strong>
Pakikiisa ng mga guro ng Manila Science High School sa sit down protest sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers para sa dagdag-sahod. Pher Pasion

Dahil sa umano’y pagbibingi-bingihan ng adminstrasyong Aquino sa panawagan nila para sa dagdag-sahod, naglunsad ang mga guro sa buong bansa ng sit-down protest.

Sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), pumasok ang mga guro sa kani-kanilang klase pero hindi umano sila magturo sa isang buong araw bilang protesta.

“Ito’y pagbibigay babala sa pamahalaan na hindi natin binibitawan ang kampanya para sa salary increase,” sinabi sa Pinoy Weekly ni Isaac Ali Tapar, presidente ng unyon ng mga guro sa Manila Science High School (MSHS).

Hindi pa nakakatanggap ang mga guro ng anumang dagdag na sahod mula nang manungkulan si Pangulong Aquino. Sa panukalang pambansang badyet para sa 2015, wala pa ring inilaan ang administrasyon para sa umento sa sahod.

“Si Aquino lang ang tanging pangulo na naka-freeze ang salary,” ayon kay Tapar.

Bukod sa sit down strike, nagsagawa rin ng noise barrage ang mga guro ng MSHS sa harapan ng kanilang paaralan para ipaabot sa mga mamamayan ang kanilang mga panawagan.

Nauna nang nagbabala noon ang ACT na magsasagawa ng isang malawakang mass leave o pagliban ng mga guro sa kani-kanilang mga klase para kanilang ipaglaban ang dagdag na sahod.

“Ito ay paghahanda na rin sa mga teachers na may magaganap na mass leave sa susunod na panahon. Wala pang tiyak na araw o panahon pero magiging tuluy-tuloy ito patungong mass leave,” ayon kay Tapar.

Ipinanukala sa Kamara ng ACT Teachers Party-list ang House Bill 245 na naglalayong taasan ang sahod ng mga guro sa P20,000 mula P18,549 at para naman sa mga kawani na P15,000 mula P9,000.

Nagpahayag din ng suporta ang mga guro ng ACT sa kampanya ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa P16,000 na buwanang National Minimum Wage sa buong bansa.