Karapatang Pantao Main Story

Pandaigdigang konteksto ng mga paglabag sa karapatang pantao


Bakit laganap ang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang bahagi ng daigdig? Ano ang pinoprotektahan ng mga militar at pulis (o tinaguriang state security agents) kaya sila gumagamit ng dahas para supilin ang paglaban ng mga mamamayan? Bakit hindi lang “isolated incidents” ang mga pang-aabuso? Ito ang […]

Likhang sining ni Pablo Picasso noong 1951, pinamagatang “Massacre in Korea”, hinggil sa pagmasaker ng mga maka-US at kontra-komunistang mga puwersa ng South Korea sa mga mamamayan ng isang bayan sa North Korea. Imahe ng painting mula sa <b>pablopicasso.org</b>
Likhang sining ni Pablo Picasso noong 1951, pinamagatang “Massacre in Korea”, hinggil sa pagmasaker ng mga maka-US at kontra-komunistang mga puwersa ng South Korea sa mga mamamayan ng isang bayan sa North Korea. Imahe ng painting mula sa pablopicasso.org

Bakit laganap ang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang bahagi ng daigdig? Ano ang pinoprotektahan ng mga militar at pulis (o tinaguriang state security agents) kaya sila gumagamit ng dahas para supilin ang paglaban ng mga mamamayan? Bakit hindi lang “isolated incidents” ang mga pang-aabuso?

Ito ang iniugat ni Prop. Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), sa talumpati niya sa International Conference on Human Rights and Peace in the Philippines noong Hulyo 2013.

Kabilang sa ipinunto niya:

I. Neoliberalismo bilang Atake sa Karapatang Pantao

Binuo ng burges na mga intelektuwal na sina Alexander Rustow, Ludwig von Mises at Friedrich Hayek noong 1938 ang neoliberalismo o “bagong liberalismo”. Pinakahulugan nila ito na pagtaguyod sa “malayang empresa o free enterprise”, o sistema ng kompetisyong di pinakikialaman ng Estado. May invisible hand daw ang merkado; sa pamamagitan nito matutugunan ang pangangailangan ng taumbayan.

Pero ang di nila sinabi, wala namang “malayang kompetisyon” sa pagitan ng kapitalistang mga empresa pagsapit ng ika-20 siglo. Monopolisado na ng iilang kapitalista ang mga merkado.

Sa pag-abante nila ng neoliberalismo, itinuturing nina Rustow, von Mises at Hayek na sagrado ang karapatan sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksiyon. Itinatanggi nila na lakas-paggawa ang tunay na naglilikha ng yaman sa lipunan. Di umano dapat makialam ang Estado sa kompetisyon, pero dapat nitong bigyan ng oportunidad ang malalaking kapitalista na kumita at makapagkamal pa ng kapital.

Itinulak ni Milton Friedman ang neoliberalismo bilang polisiyang pang-ekonomiya ng imperyalismong US. Noong dekada ‘80, sa ilalim nina Pres. Ronald Reagan sa US at Margaret Thatcher sa United Kingdom, ginamit ang neoliberalismo para bigyan-katwiran ang panunupil sa mga manggagawa. Samantala, pinaliit nila ang buwis ng mga miyembro ng monopolyo burgesya, habang binibigyan ang mga ito ng oportunidad na lalong magkamal ng kita.

Noong 1989, kinilala ang polisiyang ito bilang Washington Consensus: Ipinapatupad ito ng International Monetary Fund, World Bank at US Treasury Department. Kasama dito ang World Trade Organization mula dekada ’90.

Pinresyur nina Reagan at Thatcher ang mahihirap na bansa na ipatupad ang neoliberal na mga polisiya. Nasangkot ang “papet” ng imperyalismo na mga bansa sa sistematikong paglabag sa mga karapatang pantao. Sa pagtindi ng pandaigidigang krisis sa ekonomiya, tumitindi rin ang panunupil at paglabag sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan ng mundo.

Torture technique ng mga sundalong Kano laban sa mga Pilipino noong Philippine-American War.
Torture technique ng mga sundalong Kano laban sa mga Pilipino noong Philippine-American War.

II. Krisis sa Imperyalismo, Nagdudulot ng Panunupil at Giyera

Pagkatapos ng World War II, US na ang numero unong imperyalistang bansa. Ito lang kasi ang imperyalistang bansa na di nakaranas ng malawakang pagkasira. Sangkot ito sa paglikha ng mga kagamitang pandigma at pagsupil sa mga kilusan para sa pambansang kalayaan at pagkontra sa sosyalistang mga bansa.

US ang gumawa ng pinakamalulupit na paglabag sa karapatang pantao. Kabilang sa mga ginawa nito ang pagpaslang sa tatlong milyong tao sa Korea (pagpatay sa mga sibilyang sumusuporta sa Komunistang gobyerno sa North Korea), di-bababa sa apat na milyong katao sa Vietnam, at iba pa. Sinuportahan din nito ang pagpatay sa tatlong milyong sibilyang Komunista at tagasuporta sa Indonesia, na nagbunsod ng diktadura ni Suharto. Tinatayang aabot sa anim na milyong katao ang nasawi sa sikretong mga giyera nito sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Samantala, tumindi ang stagflation sa US. Isinisi nito ang krisis sa ekonomiya sa mga manggagawa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paggastos sa mga serbisyong panlipunan.

Sa pagpatupad ng mga polisiyang neoliberal noong dekada ’80, pinaigting din ng US ang paggawa ng high tech na kagamitang pandigma. Ikinatuwa nito ang pananaig ng burgesya sa China noong 1979, pagbagsak ng rebisyunistang mga rehimen sa Silangang Europa at pagbagsak ng Soviet Union noong 1989-1991. Ipinagkalat nito na magiging mapayapa na ang mundo. Kabaliktaran ang naganap.

Naglunsad ito ng giyerang agresyon sa Balkans, Central Asia at Middle East para makontrol ang suplay ng langis at gas. Kamakailan, sinuportahan nito ang pagpapabagsak sa mga rehimen sa Middle East at Africa, tulad kay Qaddafi sa Libya at Assad sa Syria para lumakas ang posisyon sa lugar at mapahina ang mga mamamayang Arabo at Palestino.

Nagpatuloy ang kontrol nito sa Washington Consensus at UN Security Council. Noong nakaraan, kakuntsaba nito ang China’t Russia para sa pagpapatupad ng neoliberal economics. Pero lumalakas ang sariling inisyatiba ng dalawang bansa, at naghahanda na muli ang US sa kumprontasyon kontra sa dalawa. Ginagamit ngayon ng US ang Trans-Pacific Partnership Agreement para ipresyur ang China na isapribado ang pampublikong mga empresa. Sinusuportahan nito ang maka-US na “kilusang demokratiko” sa China para labanan ang makabayang posisyon ng naghaharing rehimen sa China.

Sa Asya-Pasipiko, nagmamaniobra ang US para sa kumprontasyong nito sa China. Kasabwat nito ang administrasyong Aquino sa Pilipinas, na pumayag sa di-pantay na kasunduang Enhance Defense Cooperation Agreement para patindihin ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas at sa rehiyon.

III. Epekto sa Karapatang Pantao, Kapayapaan sa Pilipinas

Malupit na atake sa pambansang soberanya at karapatan ng mga mamamayang Pilipino ang polisiyang neoliberal sa ekonomiya.

Nagresulta ang mga polisiyang ito sa pandarambong sa likas-yaman ng bayan, habang sinisira ang produksiyong agrikultural ng magsasaka para paboran ang dayuhang mga plantasyon na nagluluwal ng produktong pang-eksport at para sa produksiyong biofuel.

Napapalayas din nito ang mga magsasaka at katutubong mamamayan sa kanilang lupain, dahil sa malawakang komersiyal na pagmimina at pagmantine ng plantasyon ng agri-corporations. Nagdudulot din ito ng pagkasira ng kalikasan na nag-aambag sa pagbabago sa klima (climate change). Samantala, inaatake ng neoliberal na mga polisiya ang karapatan ng mga manggagawa, kabilang ang karapatang mag-unyon, nakabubuhay na sahod at benepisyo.

Nagaganap ang sistematikong mga paglabag sa karapatang pantao para depensahan ng Estado ang interes ng iilang naghaharing uri sa bansa at ng imperyalistang US.