Kapirasong Kritika

Disiplina para sa Bisita


Isa sa mga tawag-pansin na salitang tumampok sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ang “disiplina.” Sabi ni Pang. Noynoy Aquino bago dumating ang Santo Papa, “I call on Filipinos to exercise the utmost discipline, in order to ensure that our gatherings are peaceful and orderly.” Sa unang gabi ng pagdating ni Pope Francis, sinabi […]

Isa sa mga tawag-pansin na salitang tumampok sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ang “disiplina.” Sabi ni Pang. Noynoy Aquino bago dumating ang Santo Papa, “I call on Filipinos to exercise the utmost discipline, in order to ensure that our gatherings are peaceful and orderly.” Sa unang gabi ng pagdating ni Pope Francis, sinabi ni Kris Aquino, kapatid ni Noynoy, sa kanyang sikat na palabas sa telebisyon na “proud” siya dahil “disiplinado” ang mga Pilipino. Pinaalingawngaw na ang naturang salita, at ang positibong pagpapahalaga rito, ng iba’t ibang ulat ng midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng pagdalaw ni Pope Francis. Sa ikalawang gabi ni Pope Francis sa Pilipinas, si Ces Oreña-Drilon ng impluwensyal na ABS-CBN ang narinig kong nagbalita nito.

Syempre pa, pumapatungkol ang disiplina sa isang disposisyon kaugnay ng mga patakaran o prinsipyo na nagmumula sa isang awtoridad labas sa indibidwal. Sa partikular, disposisyon ito ng pagsunod – at hindi nga lang ng pagsunod, kundi ng mulat at kusang pagsunod. Maaaring maging disposisyon ito ng marami, pero dahil usapin ito ng mulat at kusang pagsunod, mas matitingnang disposisyon ito ng indibidwal. Madalas na imahen nito, dahil na rin sa propaganda ng gobyerno na dumadaloy sa midya at sistemang pang-edukasyon, ang pagtawid sa tamang tawiran – gawain ng indibidwal, pagtalima sa patakaran ng gobyerno, at larawan ng pag-abante sa modernidad. Susing salita rin ito, syempre pa, ng Martial Law ni Ferdinand Marcos.

Paano gumagana ang “disiplina” sa kaso ng pagdalaw ni Pope Francis? Una sa lahat, maraming patakarang ipinatupad ang gobyernong Aquino na mapanupil sa normal na kalakaran ng mga mamamayan bago ang pagdalaw, at lampas sa panunupil sa mga protesta ng kilusang masa sa bansa: nilinyahan ng mga pulis ang kalsada; nilimitahan ang transportasyon ng mga tao sa kalsada, himpapawid, at dagat; pinatay ang signal ng mga cellular phones, hadlang sa pagpapadala at pagtanggap ng mga mensaheng text; at iba pa. Ipinatupad ang mga ito ng gobyerno nang nagsasarili, walang konsultasyon sa publiko, at mabilisan. Ipinatupad ang mga ito sa paraang wala nang magagawa ang karaniwang mamamayang gustong sumalubong kay Pope Francis kundi ang sumunod.

Pagkatapos obligahing sumunod ang mga mamamayan, papapurihan sila ng mga makinarya ng propaganda ng gobyerno dahil “disiplinado” sila, dahil nagpakita sila ng “disiplina.” Maririnig din sa ibang reporter sa midya ang linya ni Kris Aquino: Kadikit ng pagiging disiplinado umano ng mga Pilipino ang pagiging “proud” o pagmamalaki. Na kadikit naman ng tahimik na pagkilala na nanonood ang mundo sa Pilipinas sa panahong narito si Pope Francis – at para bang pagiging disiplinado ang inaasahan nilang makita sa mga Pilipino. Sa ganito, ang diskurso tungkol sa disiplina ay nagsisilbing premyo sa mga mamamayan sa pagiging disiplinado umano, at sa gayon ay bahagi rin ng mismong mga mekanismo ng pagpapataw ng disiplina sa kanila.

Sa kabilang banda, marami-rami na ring komentarista ang nagpahayag tungkol sa kababawan ng pagbabalita ng midya ng malalaking kapitalista tungkol sa pagdalaw ni Pope Francis. Pangunahin dito ang pagpokus sa maliliit na detalye kaugnay ng pagdalaw, sa kapinsalaan ng pag-uulat tungkol sa kabuluhan nito at ng mga pahayag ng Santo Papa. Sa isang pakahulugan, “walang disiplina” ang midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng mga prinsipyo ng pamamahayag o journalism. Madalas, ang mga komentaryo hinggil sa kawalang-disiplinang ito ay inilalabas sa social media, sa pampublikong larangan na may akses ang mga komentarista, para mabasa ng marami. Parang sinasabihan nila ang midya ng malalaking kapitalista: “Mahiya naman kayo!”

Kung walang disiplina ang midya ng malalaking kapitalista sa gitna ng pagdalaw ng Santo Papa, wala ring disiplina si Pang. Aquino mismo. Sa kanyang talumpati sa harap ni Pope Francis, tinuligsa ni Aquino ang lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko dahil sa pagiging kritikal nito sa kanya. Masasabing kawalang-disiplina rin ito: sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, sinamantala ni Aquino ang okasyon para i-ere ang kanyang mga isyu sa Simbahan, sa halip na tugunan ang mga isyu ng korupsyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay na tinuligsa ng Santo Papa. Sabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, “isang kahihiyan para sa buong bansa” ang mga pahayag ni Aquino. “Nakakahiya!”

Ang nabubuong larawan: Disiplina para sa mga mamamayan, kawalang-disiplina para sa midya ng malalaking kapitalista at kay Aquino mismo. Madali ring makita ang pakinabang ng malalaking kapitalista. Hindi kataka-taka, sa unang buong araw ng Santo Papa sa Pilipinas, dinala siya sa Malakanyang ng gobyerno, sa Manila Cathedral ng Simbahang Katoliko, at pagkatapos ay sa Mall of Asia o MOA ng malalaking kapitalista. Mismong pamilya ni Henry Sy – pinakamayamang Pilipino, may-ari ng MOA, at pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon sa mga manggagawa – ang sumalubong sa Santo Papa sa lugar. Kitang-kita rin ang pagpapaanod lang ng lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, sunud-sunuran lang sa gobyernong Aquino.

(Sa isang pagtingin, sa pagpataw ng panunupil sa mamamayan, sinuspinde ng gobyernong Aquino ang mga batas, at sa gayon ay nagpataw sa bansa ng “state of emergency.” Maaalala ang bantog na depinisyon ng pilosopong Nazi na si Carl Schmitt: “Sovereign is he who decides on the exception.” Sa ibang salita, ang makapangyarihan ang siyang nagtatakda ng “eksepsyon” – kailan lalagpas sa mga batas para umano sa interes ng publiko. Isang porma ng “estado ng eksepsyon” ang “estado ng emergency” at makikita natin sa pagtatakda nito kung sino ang makapangyarihan sa bansa. At dugtong ng pilosopong si Walter Benjamin: “Itinuturo ng tradisyon ng mga inaapi, na ang ‘estado ng eksepsyon,’ kung saan tayo nabubuhay, ay ang normal na kalagayan.”)

Anu’t anuman, mahalagang suriin ang “nakakahiya” na “kawalang-disiplina” na ipinakita ni Aquino sa talumpati niya sa harap ni Pope Francis. Mayor na pahayag ito, at tiyak na hindi aksidente, kundi sinadya. Tila mababaw na katatawanan lang ang pagbanggit niya sa kanyang pagkapanot, pero itinatago nito ang kaakibat na tahimik pero matinding panawagan kay Pope Francis na gawin sa pamunuan ng lokal na Simbahan ang pampublikong pagtuligsa na ginawa ng Santo Papa sa Curia sa Roma. Sa kanyang talumpati bago dumating si Pope Francis, ipininta ni Aquino ang worst-case scenario sa kaguluhan ng publiko. Tiyak, naghanda rin ang kanyang gobyerno sa worst-case scenario sa posibleng pahayag ng Papa na kritikal sa kanyang gobyerno.

Sa pag-upak sa lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, ang gustong unahan at kung sakali’y banggain ni Aquino ay ang posibleng kritisismo ni Pope Francis sa kanyang gobyerno. Ang gusto niyang palabasin: kaaway niya ang lokal na pamunuan ng Simbahan, kaya mali o malisyoso ang ulat nito sa Santo Papa. Hindi na mahalaga kung ano ang posibleng tuligsa ng Santo Papa; ang mahalaga ay batuhin ng duda, pagkwestyon, o malisya ang posibleng pinagmulan ng naturang tuligsa. Maaaring ito rin ang pangamba na pinagmumulan ng mga mapanupil na hakbangin ng gobyerno: ang takot sa kritisismong posibleng sabihin ni Pope Francis sa gobyernong Aquino. Dinidisiplina ng gobyernong Aquino ang mga Pilipino para sa sariling interes nito.

17 Enero 2015