Main Story Pambansang Isyu

Tratuhin sana silang patas


Ang pamilya lang ni John Harris, 40, ang makakapagsabi sa buong Pilipinas na dumaan si Pope Francis sa mismong ibabaw ng bahay nila. Nakatira kasi siya, ang asawa niyang si Remedios, 40 rin, at tatlong anak nila, sa ilalim ng tulay ng Paranaque River, sa gitna ng NAIA Road. “Apat sana anak ko, kaso nasagasaan […]

Si Remedios, 40, (gitna) habang naghihintay sa mga taong dadagsa sa NAIA Road para masilayan si Pope Francis noong Enero 15. KR Guda
Si Remedios, 40, (gitna) habang naghihintay sa mga taong dadagsa sa NAIA Road para masilayan si Pope Francis noong Enero 15. KR Guda

Ang pamilya lang ni John Harris, 40, ang makakapagsabi sa buong Pilipinas na dumaan si Pope Francis sa mismong ibabaw ng bahay nila.

Nakatira kasi siya, ang asawa niyang si Remedios, 40 rin, at tatlong anak nila, sa ilalim ng tulay ng Paranaque River, sa gitna ng NAIA Road. “Apat sana anak ko, kaso nasagasaan ang isa diyan sa (Barangay) Tambo,” kuwento ni John. Kalsada kasi ang palaruan ng mga anak niya.

Pero nitong Enero 15, hindi trahedya ang dala ng kalsadang ito. Noong araw na iyon, dumaan ang motorcade ng Santo Papa, lampas alas-siyete ng gabi. Libu-libong katao ang naghintay sa tabi ng daan, mula Villamor Air Base hanggang tirahan ng Santo Papa sa Apostolic Nunciature sa Taft-Quirino Avenue, para masilayan si Pope Francis.

Sa kapal ng tao, hindi na nakita ni John ang motorcade. Pero mabuting balita pa rin para kay John ang dumating na mga tao. Noong araw na iyon, bago dumaan ang motorcade, naabutan ng Pinoy Weekly sina John at Remedios na naghahanda ng mga paninda nila. Vendor ang mag-asawa sa NAIA Road at Baclaran; nagtitinda ng mineral water si John at naglalako naman ng bibingka si Remedios.

Kahit papaano, marami silang puwedeng kostumer—Ito ang pangunahing pakinabang sa kanila ng mabilis na pagdaan ni Pope Francis.

Iniwan ng amang Kano

Sa unang tingin, kahit di pa nababanggit ang pangalan niya, mababatid agad na may dugong puti si John: maputi ang kutis, matangos ang ilong, mapusyaw ang kulay ng mata. “US Navy ang tatay ko, pero matagal na kaming iniwan ng nanay ko,” kuwento niya.

Sa Maynila na lumaki at nagkapamilya si John. Matagal na raw silang nakatira sa ilalim ng tulay. Noong 2009, tulad ng maraming ilog sa Kamaynilaan, umapaw ang tubig ng Paranaque River at inabot ang bahay nila. Tangay lahat ng gamit nina John. Mabuti na lang, mabilis silang nakalikas bago abutan ng tubig.

“Pero noong (pagbaha na dulot ng) Habagat (taong 2012), hindi naman kami inabot ng tubig,” sabi ni Remedios. Gayunman, sa sumunod na taon, Agosto 2013, inutos ng administrasyong Aquino ang “paglinis” umano sa danger zones, kasama na ang mga komunidad sa tabi ng Paranaque River. Nasa panganib daw ang mga tulad ni John na napuwersang tumira sa ganung mga lugar. Nag-aalala lang daw ang gobyerno sa kanila.

“Noong una, excited kami, dahil maganda raw ang lilipatang bahay,” kuwento ni Remedios. Sa isang relocation center sa Trece Martires, Cavite sila inilipat. “Binigyan pa kami ni Noynoy (Aquino) ng P18,000,” sabi pa niya. Pero ang wala sa lugar na ito ay iyung kabuhayan na kahit papaano’y mayroon sa Tambo at Baclaran—ang paglalako ng tubig at bibingka.

“Nung nasubukan namin ng dalawang buwan, anghirap na ng hanapbuhay namin,” sabi pa ni Remedios. Mabilis na naubos ang perang pamigay. Bumalik din sila sa ilalim ng tulay sa NAIA Road. “Marami rin kaming kasamahan (na nakatira sa Tambo at ni-relocate) na bumalik dito.”

Sa ilalim ng tulay na ito (sa kanan) nakatira sina John, Remedios at tatlo nilang anak. KR Guda
Sa ilalim ng tulay na ito (sa kanan) nakatira sina John, Remedios at tatlo nilang anak. KR Guda

Palalayasin muli

Dagdag ni John, muli silang sinabihan na idedemolis uli ang kanilang lugar. Pero hindi na idinadahilan ang pagiging danger zone nito. “Dito kasi mismo idadaan ang Skyway,” ani John. Tinutukoy niya ang NAIA Expressway, o NAIA Skyway, na isang 7.15-kilometro na kalsadang flyover na nagmumula sa tatlong magkakahiwalay na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Diosdado Macapagal Boulevard. Itinayo ito para direkta at mabilis na makabiyahe ang mga dayuhang galing ng NAIA patungo sa tinaguriang Pagcor Entertainment City. Sa lugar na ito matatagpuan ang mga high-end casino na tulad ng Solaire Resort & Casino at ang bagong-tayo na City of Dreams-Manila.

Noong Agosto 2013, nakuha ng kompanyang San Miguel Corporation, na pag-aari ng tiyuhin ni Pangulong Aquino, si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., ang concession agreement sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para ipatayo ang NAIA Expressway. Sa ilalim ito ng programang Public-Private Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino.

Sa mismong maralitang komunidad ng Tambo, sa mismong tulay ng Paranaque River, dudugtong ang NAIA Expressway galing sa Domestic Road. “Mga Marso daw kami paaalisin,” ani John. Eksakto, inisyal na target ng administrasyong Aquino na matapos ang Phase II A ng proyektong ito sa Marso.

Hindi pa naoorganisa ang buong komunidad sa ilalim ng isang grupo para kolektibong igiit ang karapatan nila. Kaya naman pakiramdam nina John at Remedios na wala silang kalaban-laban. “Maghahanap (kami) ng ibang matutulugan (kung mapapalayas muli). Sa bangketa siguro. Mahirap naman kasi po na pabalik-balik kami (sa relocation). Ang hirap na nga ng hanapbuhay (doon),” ani Remedios.

Samantala, sa kabilang bahagi ng Paranaque River, isang malaking condominium complex ang itinatayo at malapit nang matapos—ang NAIA Garden Residences, na pag-aari ng Mega Pacific Holdings, na pag-aari naman ng mga kapitalistang Tsino.

Mga residenteng maralita sa Brgy. Tambo, ang metal barrier na nagkukubli sa kanila sa kalsada, at, sa kabila ng ilog, ang NAIA Garden Residences, isang engrandeng kondominyum. KR Guda
Mga residenteng maralita sa Brgy. Tambo, ang metal barrier na nagkukubli sa kanila sa kalsada, at, sa kabila ng ilog, ang NAIA Garden Residences, isang engrandeng kondominyum. KR Guda

Sandaling pag-alwan

Sa ngayon, kahit papaano, natuwa sina John at Remedios sa maraming tao na bumubuhos ng kalsada para masilayan ang Santo Papa.

Pero hindi nakita ni Pope Francis—na nagsabi mismo na gusto sana niyang maging pokus ang maralitang Pilipino ng pagbisita niya sa Pilipinas—ang komunidad nina John at Remedios pagdaan ng NAIA Road. May nakaharang kasing metal barrier sa magkabilang bahagi ng kahabaan ng tulay. Sa pagdaan niya sa NAIA Road noong Enero 15, hindi niya nakita ang mga barung-barong, o naamoy ang mabaho at maruming Paranaque River. Matagal na kasing tinakpan ng gobyerno ang mga “eyesore” na tulad ng komunidad nina John at Remedios sa mga lugar na dinadaanan ng VIPs.

Katunayan, sa halos limang araw niya sa Pilipinas, hindi idinaan ng gobyerno at lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko ang Santo Papa sa mga kalsadang may maralitang komunidad sa Kamaynilaan. Sayang, dahil sa kanyang di-nabasang talumpati sa Tacloban City, sinabi pa naman ni Pope Francis: “Higit sa lahat, hiling ko na ang mahihirap sa bansang ito ay tratuhin nang patas—na respetuhin ang kanilang dignidad, na maging makatarungan at mapanghamig ang pampulitika at pang-ekonomiyang mga polisiya, na mapaunlad ang mga oportunidad para sa empleyo at edukasyon, at mapawi ang mga hadlang sa pagbigay ng mga serbisyong panlipunan (sa mahihirap).” (Salin sa Filipino ng Pinoy Weekly)

Sabi ni Remedios, kahit na hindi niya nasilayan ang Santo Papa, tahimik siyang nanalangin. Tulad ng maraming Pilipino na nag-abang sa kalsada para sa pagdaan ni Pope Francis, may hiling sana siya. Kahit na matindi ang kahirapan ng pamilya, naisip pa rin niyang manalangin para sa mas kapos, tulad ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda. “Sana wala nang trahedyang mangyari sa ating bansa,” ani Remedios.

Siyempre, sa sarili niya, alam niyang malayong mangyari ito sa ngayon. Hangga’t, sa salita ni Pope Francis, hindi nirerespeto ng nasa kapangyarihan ang dignidad nilang mahihirap. Hangga’t hindi sila tinatrato nang patas.