Karapatang Pantao

Pagpatay sa katutubong Lumad sa Bukidnon, kinondena


Kinondena ng isang organisasyon ng mga katutubo ang pamamaril sa mga Pulangihon Manobo sa Bukidnon na lumalaban sa pangangamkam ng kanilang lupaing ninuno. Marso 24 nang barilin ng armadong kalalakihang tauhan diumano ng isang panginoong maylupa ang mga miyembro ng tribo ng Pulangihon Manobo. Napaslang sa pamamaril si Tata Baito, Pulangihon Manobo at miyembro ng Tribal Indigenous Oppressed Group […]

Ang mga miyembro ng Tindoga bago maganap ang pamamaril noong Marso 24. Kontribusyon/RMP-NMR fbpag
Mga miyembro ng Tindoga bago ang pamamaril noong Marso 24. Kontribusyon/RMP-NMR

Kinondena ng isang organisasyon ng mga katutubo ang pamamaril sa mga Pulangihon Manobo sa Bukidnon na lumalaban sa pangangamkam ng kanilang lupaing ninuno.

Marso 24 nang barilin ng armadong kalalakihang tauhan diumano ng isang panginoong maylupa ang mga miyembro ng tribo ng Pulangihon Manobo.

Napaslang sa pamamaril si Tata Baito, Pulangihon Manobo at miyembro ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association (Tindoga). Sugatan naman sina Japsem Bagna at Ricky Tumbaga, na kapwa miyembro rin ng Tindoga.

“Karumal-dumal ang pamamaril sa mga miyembro ng Tindoga na iginigiit lang ang karapatan sa lupang ninuno. Dapat na managot ang mga may kagagawan nito para matigil ang muling paghahasik ng kaguluhan sa mga komunidad ng katutubo,” ani Tyrone Beyer, tagapagsalita ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples’ Rights (TFIP).

Ayon sa TFIP at Kalumbay Regional Lumad Organization, nagsasagawa noon ng “bungkalan” (pagbubungkal ng lupa para sa kolektibong pagtatanim) ang humigit-kumulang 200 miyembro ng Tindoga.

Papunta sa lugar ng bungkalan sina Baito nang paputukan sila ng mga guwardiya ng isang panginoong maylupa na nagngangalang Pablo Lorenzo.

Magmula Marso 16, inilunsad ng mga katutubo ang bungkalan bilang protesta sa pinag-aagawang lupaing Rantso Montalvan.

Pitong katutubong grupo, kasama na ang panginoong maylupang si Lorenzo, ang nagsasabing may karapatan sila sa nasabing lupain. Sinabi ng Kalumbay Regional Lumad Organization na kinikilala ang Pulangihon Manobo bilang “lehitimong claimants” ng rantso dahil bahagi ito ng kanilang ancestral domain.

“Kasalanan na ba ang bungkalin mo ang sarili mong lupa para mapakain at mabuhay mo ang iyong pamilya? Hindi krimen ang ginagawa ng mga katutubo. Hindi nila dapat sapitin ang ganitong pagmamaltrato,” ani Beyer.

Sinabi pa niya na isinagawa ng mga katutubong Lumad ang bungkalan para isakatuparan ang pinakamahalagang sangkap ng pag-aari sa lupang ninuno ng mga ito. “Pinapayabong nila ang sarili nilang lupa,” paliwanag ni Beyer.

Matagal na raw na may aplikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ang mga Pulangihon Manobo sa ilang lugar ng Rantso Montalvan, na nasa ilalim ng Agro Forest Farm Lease Agreement (AFFLA 123) ng Ministry of Environment and Natural Resources noon pang 1983 hanggang 2009.

Inilinaw din ng grupo na idineklara ng administrasyong Marcos na “lupaing pampubliko” ang lugar kahit pa kontrolado na ito ng pamilyang Fortich at Montalvan.

“Mapagtiwalang pinahiram ng katutubong mga mamamayan ang lupaing ito sa kanila (pamilyang Fortich at Montalvan),” sabi pa ni Beyer. Dagdag pa niya, bago pa raw mapaso ang AFFLA 123 noong 2009, may aplikasyon na ang mga katutubo para mabigyan ng CADT.

“Sinikap nilang makuha at maibigay ang requirements para maaprubahan at mai-award sa kanila ang lupa. Sa kabuuan, 623 ektarya lahat ang inapalayan nila ng CADT,” sabi pa ni Beyer.

Pero sa halip na ibigay sa katutubong miyembro ng Tindoga at iba pang angkan ng tribung Pulangihon Manobo ang karapatan sa lupa, minaniobra raw ito.

Sabi pa ng TFIP, sa orihinal na aplikasyon ng CADT, kasama ang lupang inaangkin ni Lorenzo, nabawasan ang mahigit 600 ektarya. “Naging 70 ektarya na lang ito at pinaghahatian pa ng walong grupo o angkan ng Pulangihon, kasama na ang Tindoga na nabigyan ng pitong ektarya (dahil) mabato at hindi magandang lupa (ito),” ani Beyer.

Iginigiit ng TFIP na lumalabag ang Rantso Montalvan sa kolektibong karapatan ng mga katutubo at ilegal ang pananatili ng rantso sa lupang ninuno ng mga Pulangihon Manobo at iba pang katutubo.