Main Story Pambansang Isyu

‘Cover-up’ sa pagdinig sa Mamasapano, nagpatuloy sa Kamara


Nagpapatuloy pa rin ang pag-cover up para sa Pangulo ng mga kaalyado nito sa Kamara sa pagdinig nito sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano, Maguindanao. Ito ang sabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagprotesta at nagbantay sa harapan mismo ng House of Representatives. Dalawang araw ang itinakda ng Kamara para sa pagdinig ng nangyari sa Mamasapano. Ito […]

Nagmartsa ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan patungong Kamara sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano. <strong>Pher Pasion</strong>
Nagmartsa ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan patungong Kamara sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano. Pher Pasion

Nagpapatuloy pa rin ang pag-cover up para sa Pangulo ng mga kaalyado nito sa Kamara sa pagdinig nito sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano, Maguindanao. Ito ang sabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagprotesta at nagbantay sa harapan mismo ng House of Representatives.

Dalawang araw ang itinakda ng Kamara para sa pagdinig ng nangyari sa Mamasapano. Ito rin ang ikalawang pagkakataon pa lang na pagdinig na ginawa ng Kamara kaugnay ng pangyayari na ikinasawi ng 44 na Philippine National Police Special Action Force at hindi bababa sa 17 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at di-bababa sa pitong sibilyang Moro noong Enero 25.

Tila umano naging abogado o tagapagtanggol ng Malakanyang at gobyerno ng Estados Unidos (US) ang resource persons at maging mga Kongresista na kaalyado ng Pangulo ang itinakbo ng pagdinig sa Kamara.

Cover up, kapansin-pansin

Ayon sa grupo, sa umpisa pa lang ng pagdinig, kapansin-pansin ang pagpigil ng mga kaalyado ng Pangulo ang mosyon ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na padalhan na lamang si Aquino ng mga tanong para makunan ng panig nito dahil nauna nang tinutulan ng mga Kongresista ang nauna nitong mosyon na ipatawag si Aquino.

Walang bumoto sa mga kongresista, maliban sa Makabayan bloc, para maipadala na lamang sana ang mga tanong sa Pangulo. Patunay umano ito na buhay pa rin ang sistema ng pork barrel, ayon sa Bayan.

“Hinaharangan nila ang anumang pagtatangka na maabot ang katotohanan at malaman kung sino talaga ang may pananagutan,” ayon kay Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan.

Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, habang nagbibigay ng update sa mga mamamayan sa tinatakbo ng imbestigasyon sa Kamara. Pher Pasion
Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan: Patuloy ang cover-up sa pananagutan ni Aquino sa Mamasapano. Pher Pasion

Dagdag ni Araullo, ginawa ng mga alyado ng Malakanyang ang lahat ng magagawa ng mga ito para harangin o patayin ang matinong imbestigasyon sa Mamasapano.

“Dapat ang nasa loob ay mga kinatawan natin. Subalit sa nangyayari, mas kinatawan ng Malakanyang ang namamayani sa dito sa Kongresong ito,” ayon kay Teddy Casiño, tagapagsalita ng Bayan.

Dagdag pa ni Casiño, “mismong si Aquino nga ang nagsasabing gusto niyang sumagot sa mga tanong. Nagtatampo nga si Aquino, bakit daw ‘yung board of inquiry hindi man lang siya tinanong. Heto na nga ‘yung mga tanong, 20 tanong ng Makabayan bloc, ang ayaw naman ngayon ang Kongreso. Dahil mapapahiya daw si Aquino.”

Sa paglabag naman ng chain of command bilang commander in chief, ipinagtanggol naman ni Department of Justice Sec. Leila De Lima na hindi saklaw ng chain of command principle si Aquino.

Pero para kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, ang mas higit na mahalagang tanong ay bakit nakikipag-ugnayan si Aquino sa suspendido at ipinagkatiwala ang opersasyon sa Mamasapano sa isang suspendidong heneral na si Allan Purisima.

“Ang hindi kayang maiwasan at hindi masagot ni De Lima, assuming wala siya (si Aquino) sa chain of command, bakit siya nakikipag-ugnayan sa suspendido at bakit ipinagkatiwala ang operasyon sa suspendido? Even so, assuming (na wala sa chain of command si Aquino) but not conceding that it is true, wala pa ring awtoridad ang Pangulo na ang kaniyang kakausapin ay isang suspendido. Mayroon pa ring hangganan yung awtoridad ng Pangulo. At ang hangganan na iyon ay ating mga batas, ang ating Konstitusyon,” ayon kay Reyes.

Pagboto ng mga kaalyado ni Aquino para ibasura ang pagsumite ng 20 tanong ng Makabayan bloc kay Pangulong Aquino kaugnay ng insidente sa Mamasapano. <b>Darius Galang</b>
Pagboto ng mga kaalyado ni Aquino para ibasura ang pagsumite ng 20 tanong ng Makabayan bloc kay Pangulong Aquino kaugnay ng insidente sa Mamasapano. Darius Galang

Pinapaikot-ikot lang

Imbes na direktang tanungin ang mga esensiyal na tanong sa pangyayari sa Mamasapano, wala umanong “matinong” itinanong ang mga kongresista at pinaiikut-ikot lamang sa maliliit na detalye ang imbestigasyon.

“Kung ang Kongresong ito ay magiging bahagi lamang ng yellow wash at yung kaniyang mga alipores ay sunud-sunuran na tatalima doon sa atas ng liderato ng Kongresong ito, malinaw po kung saang panig talaga naroroon ang Kongresong ito. Tatalima na naman ito sa Pangulo na hanggang ngayon ay hindi nagsasabi ng totoo,” ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Napansin ng grupo na may paglilihis sa direksiyon ng imbestigasyon para mapunta sa maliliit na detalye pero hindi talaga nais abutin ang katotohanan at kung sino o sinu-sino ang may pananagutan.

“Ididiin nila ang MILF, ididiin nila ang BBL (Bangsamoro Basic Law), pero hindi nila dadalhin ang pananagutan sa Malakanyang,” ayon kay Araullo.

Bola! Malaking pambobola umano ang ginagawa ng mga kaalyado ng Palasyo sa pagtatakip ng katotohanan sa pananagutan ng Pangulo. Pher Pasion
Bola! Malaking pambobola umano ang ginagawa ng mga kaalyado ng Palasyo sa pagtatakip ng katotohanan sa pananagutan ng Pangulo. Pher Pasion

Ayon naman kay De Jesus, dapat nakahanda ang mga mamamayan na magbuo ng sarili nilang Truth Commission. Hahanapin umano nito ang katotohanan.

“Ayaw na natin ng impunity. Ayaw na natin ng isang kultura na ang mga kawalanghiyaan ay napapalampas. Kaya kung ang Kongresong ito ay magiging lunsaran pa o magluluwal pa lalo ng isang kultura ng pagwawalang bahala sa mga nagaganap na kawalanghiyaan, talagang malinaw na malinaw po kung ano ang naging papel ng Kongresong ito,” ayon kay De Jesus.

Pinuna din ni Kabataan Rep. Terry Ridon ang hindi pagbibigay ng pagkakataon sa kaanak ng mga napaslang sa Mamasapano na makapagtanong sa ginagawang pagdinig.

Partisipasyon ng US

Kahit paano pa tangkang pagtakpan ng mga kaalyado ng Malakanyang, patuloy na lumilitaw ang naging partisipasyon ng Estados Unidos sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano.

Ayon kay Ridon, aminin man nila ang tunay na halaga ng ginastos sa operasyon sa Mamasapano hindi nila maamin-amin kung kanino pondo nagmula ang ginamit sa Mamasapano. Tanging ang Estados Unidos ang may kakayanang magpondo sa ganito kalaking operasyon.

“Sa katunayan, ang talaga namang nagbala sa kanyon sa ating mga kababayan, pinagsabong-sabong ang ating kababayan, ay walang iba kung ang Estados Unidos sa kanilang sariling laban at idinamay lamang tayo dito,” ayon kay Ridon.

Sa pagsusuri ni Reyes, tila nagiging tagapagsalita si De Lima ng Embahada ng US at delikado ito para sa bansa.

“Ang kanyang legal opinion, pwedeng lumahok ang mga Amerikano sa operasyon provided na ang Pilipino ang may absolute control. Unang-una, maraming wrong presumptions ang ganoong opinyon. Walang sitwasyon sa ngayon sa mundo na papayag ang mga Amerikano na papailalim sila sa absolute control ng isang bansa o iba pang bansa,” ayon kay Reyes.

Kinalampag ng mga militante ang gate ng Kamara para ipakita ang kanilang galit sa naging takbo ng pagdinig sa loob ng House of Representatives. <strong>Pher Pasion</strong>
Kinalampag ng mga militante ang gate ng Kamara para ipakita ang kanilang galit sa naging takbo ng pagdinig sa loob ng House of Representatives. Pher Pasion

Dagdag pa niya, hindi nangyari ang ganito sa Pakistan, Afghanistan, Iraq, at lalong hindi mangyayari sa Pilipinas na magpapailalim ang mga Amerikano sa mga Pilipino. Pero, pwede umanong ibigay ng mga Amerikano ang ilusyon na kunwari sila ay nakokontrol ng mga Pilipino pero hindi naman.

“Paano magkakaroon ng absolute control ang mga Pilipino, eh ang mga Amerikano ang may hawak ng real time information? Sila ang may hawak ng hi-tech equipment. Sila ang nasa posisyon para magdikta kung ano ang gagawin. Kaya si Napenas, ang hawak niya cellphone, nagte-text siya hawak niya radyo, ang hawak ng Amerikano yung monitor, yung real time information, sino ang nasa posisyon para magdireksyon at magdikta? siyempre yung mga Amerikano,” ayon kay Reyes.

Paghahanap ng katotohanan at pagpapanagot, tuloy pa rin

Bagamat ikinatuwa ng grupo ang muling pagbubukas ng pagdinig sa Kamara, ikinagalit naman nila ang itinakbo ng imbestigasyon dahil imbes na ilabas ang katotohanan, pinagtakpan lamang umano nila ang papel at pananagutan ni Aquino.

“Sa halip na pag-usapan kung ano ang naging papel ni Noynoy Aquino sa Mamasapano, ang ginawa lamang po ng mga kakampi ni Aquino, isa-isa po sila pinagtatanggol itong si Noynoy Aquino kahit na malinaw na malinaw para sa lahat na ilegal ang ginawa niya,” ayon kay Raymond Palatino, tagapagsalita ng Bayan-National Capital Region.

Nakatakdang magsagawa ang grupo ng mga serye ng protesta at pagkilos para patuloy na ilantad ang papel at pananagutan ni Aquino at US.