Kawalan ng trabaho sa Pilipinas, nagtulak kay Mary Jane Veloso na mangibang-bansa — Gabriela

April 25, 2015

Nagtungo sa Mendiola sa Maynila ang kababaihan sa ilalim ng Gabriela para sa trabaho sa bansa at pagsalba sa buhay ni Mary Jane Veloso at iba pang mga migranteng Pilipino na nasa death row. <strong>Pher Pasion</strong>

Nagtungo sa Mendiola sa Maynila ang kababaihan sa ilalim ng Gabriela para sa trabaho sa bansa at pagsalba sa buhay ni Mary Jane Veloso at iba pang mga migranteng Pilipino na nasa death row. Pher Pasion

Nagtungo ang kababaihan ng Gabriela sa Mendiola mula Trabaho Market sa Maynila para singilin ang administrasyong Aquino sa patuloy na kawalan ng tunay na trabaho para sa mga mamamayan na nagtutulak sa maraming Pilipino para mangibang bayan.

Bahagi rin ito ng panawagawan nila para isalba ang buhay ni Mary Jane Veloso, Pilipinang hinatulan ng kamatayan sa Indonesia.

Tinawag nilang “Martsa ng Kababaihan para sa regular na trabaho sa sariling bayan” ang nasa nasabing pagkilos. Kanilang iginigiit sa administrasyong Aquino na lumikha ng mga pambansang industriyang magbibigay ng trabaho sa loob ng bansa para hindi mapilitang umalis ng Pilipinas ang maraming Pilipino tulad ni Veloso.

Maraming nais magtrabaho para mabuhay pero walang trabahong mapasukan, ayon kay Misty Lorin, deputy-secretary general ng Gabriela.

“Kung anu-anong trabaho na lang ang pinapasukan gaya ng paggugupit, pagtitinda, paglilinis ng kuko, at kung anu-ano pa para lamang may mapakain sa pamilya. Lahat naghahanap at nawawalan ng trabaho sa bansa dahil na rin sa neo-liberal na mga polisiyang ipinatutupad ng gobyernong Aquino,” ayon kay Lorin.

Dahil sa kawalan ng trabaho, nasa 6,000 Pilipino ang lumalabas ng bansa para doon makipagsapalaran, ayon sa Migrante. Ganito na umano ang naging kuwento ng buhay ng maraming Pilipino na pikit-matang iniiwan ang kanilang mga pamilya para makapaghanapbuhay dayuhang bayan, ayon sa Migrante International.

“Isa lamang si Mary Jane sa maraming Pilipinong nasa bingit ng kamatayan na hindi man lamang matulungan ng mismong gobyerno ng Pilipinas. Maraming kababayan natin ang nasa kulungan, biktima ng iba’t ibang anyo ng karahasan at pang-aabuso pero wala silang makuhang tulong mula sa gobyerno,” ayon kay Sol Pillas, secretary-general ng Migrante.

Ayon naman kay Gabriela Women’s Party Rep. Emmi de Jesus, hindi mga hangal ang mga migranteng Pilipino na nagnanais ng mapanganib na trabaho sa ibang bansa. Nagagawa nila ito dahil sa desperasyon na humanap ng trabaho na hindi nila makita sa Pilipinas.

Gayundin, isinusulong ng GWP ang House Bill 4396 o Regular Employment Bill para ipagbawal ang mga mapang-abusong kontrata sa paggawa sa bansa para masigurong mayroong disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod at benepisyo ang mga Pilipino.

“Pero ang hakbang nating ito sa Kongreso ay ambag lamang. Nasa kamay pa rin ng mamamayan, nasa sama-sama nating pagkilos sa labas ng Kongreso ang ikatatagumpay para wakasan ang sistema ng kontraktuwalisasyon sa bansa,” ayon kay De Jesus.

Dagdag ni Lorin, imbes na paglikha sa pambansang industriya, pinasasahol pa umano ng gobyerno ang pribatisasyon ng mga mahahalagang industriya gaya ng kuryente, tubig, at langis na siyang naging dahilan ng pataas nang pataas na singil sa mga ito.

“Ngayong darating na buwan ng Mayo, tataas na naman ang singil sa kuryente, tubig ng Maynilad, at presyo ng langis. Mas lalo pang matindi ang epekto nito dahil limos lamang ang binibigay na dagdag-sahod sa mga manggagawa,” ayon kay Lorin.

Umaasa ang Gabriela na makikisimpatya ang mga mamamayan sa kaso ni Mary Jane dahil tiyak na may isang  OFW sa pamilya o sa kamag-anak nila at nararamdaman din nila ang epekto ng hirap ng buhay sa Pilipinas lalo na at walang trabaho sa bansa.

Makikiisa umano ang kababaihan sa kilos-protesta sa Mayo Uno, pandaigdigang araw ng mga manggagawa, para singilin ang administrasyong Aquino sa mga pag-atake at pagpapabaya nito sa mga manggagawa at mamamayan.