Main Story

Prop. Judy Taguiwalo | Pagpupugay sa isang makabayang guro


“Bakit nga ba kasi ‘parangal’ ito eh!” Ito ang matawa-tawang biro ni Prop. Judy Taguiwalo sa araw ng pagpupugay sa kanya, sa kanyang papalapit na pagreretiro sa pagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Kapag sinabi kasing “parangal,” maraming beses na ginagawa ito para sa isang namayapang tao Pero hindi malungkot na araw, kundi panibagong hakbang pasulong, […]

Prop. Judy Taguiwalo: guro ng sambayanan. <b>Darius Galang</b>
Prop. Judy Taguiwalo: guro ng sambayanan. Darius Galang

“Bakit nga ba kasi ‘parangal’ ito eh!” Ito ang matawa-tawang biro ni Prop. Judy Taguiwalo sa araw ng pagpupugay sa kanya, sa kanyang papalapit na pagreretiro sa pagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas. Kapag sinabi kasing “parangal,” maraming beses na ginagawa ito para sa isang namayapang tao

Pero hindi malungkot na araw, kundi panibagong hakbang pasulong, ang tema ng programa ng pagpupugay para sa isang makabayang guro. Alay ito para kay ma’m Judy na tutuldukan na ang kanyang 20-taong pagtuturo.

Dinaluhan ng kapwa niya propersor at guro mula sa Alliance of Concerned Teachers, Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (Contend)-UP. Nakiisa din ang All-UP Workers’ Union. Dumalo rin ang ilan sa naging kapwa niya bilanggong pulitikal sa Ipil Detention Center noong panahon ng Batas Militar. Nag-alay ang ilan na dumalo ng kanilang mga mensahe para kay Prop. Taguiwalo.

Nakikiisa sa pamamagitan ng pagtatanghal ang iba pang dumalo. Nag-alay si Prop. Rica Nepomuceno ng Kolehiyo ng Musika ng pinagsanib na awiting “Perhaps Love” at “Memories,” dalawa sa mga paboritong awit ni ma’m Judy. Samantala, binigkas ni Roselle Pineda ang tulang “Sanggol sa Krame,” tulang isinulat ni ma’m Judy sa loob ng kulungan.

Si Prop. Taguiwalo at mga  kapwa makabayang guro sa UP at Contend-UP. <b>Darius Galang</b>
Si Prop. Taguiwalo at mga kapwa makabayang guro sa UP at Contend-UP. Darius Galang

Tula rin ang inialay ni Dr. Bienvenido Lumbera bilang pagbubukas ng maiksing programa. Kinanta naman ni Walkie Mirana ng Concerned Artists of the Philippines ang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.”

Mismong si Prop. Jose Maria Sison ang kuwento ng makulay na buhay ni ma’m Judy, mula sa pagkilos niya bilang kabataang aktibista hanggang paglahok sa rebolusyonaryong kilusan, hanggang sa pagpasok sa pagtuturo sa pamantasan at mga malalaking ambag ng guro sa larangan ng makabayang edukasyon.

Siyempre, hindi rin mahuhuli ang kanyang anak na si June Taguiwalo sa pag-aalay ng mensahe, sa pamamagitan ng isang bidyo mula sa Bangkok, Thailand.

Isang plake ang inialay kay ma’m Judy. Nag-alay naman ng likhang-sining ang visual artist na si Manolo Sicat ng UP College of Fine Arts.

Biru-biruan pa nga sa kanyang edad. “Proud na 65 lang ako,” sabi mi ma’m Judy, “kaya hindi dito nagtatapos (ang kanyang pagkilos).” Totoo, dahil magiging abala naman siya sa kilusang pag-oorganisa, sa Alliance of Concerned Teachers at sa kilusang makabayan.

Totoong malaki ang ambag ni ma’m Judy. Ang sinabi nga ni Prop. Gerry Lanuza ng Department of Sociology, hindi na pinag-hiwalay ni ma’m Judy sa kanyang pagkatao ang pagiging iskolar, akademiko at partisan-activist sa kanyang propesyon bilang edukador. “At sana marami pang makakakamit ng ganyang achievement,” sabi pa ni Prop. Lanuza.

Totoong nararapat siyang tanghalin bilang guro ng sambayanan.