Main Story Manggagawa

Gobyerno: Dambuhalang employer ng kontraktuwal na paggawa


Sabi nga raw, di ka magtatagal sa trabaho kung di mo ito mahal. At kung mahal mo ang trabaho mo, ito rin ang magpapaangat sa buhay mo. Pero paano kung minahal mo ang trabaho mo, pero di ka man lang umasenso, at wala pang benepisyo? Ganito ang pakiramdam ni Boni (di-tunay na ngalan). Admin assistant […]

Pagpapanawagan para sa pambansang minimum na sahod, sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority, noong Nob. 2014. <b>Kontribusyon</b>
Pagpapanawagan para sa pambansang minimum na sahod, sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority. Kontribusyon

Sabi nga raw, di ka magtatagal sa trabaho kung di mo ito mahal. At kung mahal mo ang trabaho mo, ito rin ang magpapaangat sa buhay mo. Pero paano kung minahal mo ang trabaho mo, pero di ka man lang umasenso, at wala pang benepisyo?

Ganito ang pakiramdam ni Boni (di-tunay na ngalan). Admin assistant personnel siya sa isang opisina ng Department of Social Welfare and Development, at 18 taon nang nagtatrabaho rito. Dahil matagal na siya sa trabahong ito, alam niya ang halaga niya sa opisina. “Dahil admin assistant ako, kung ano ang kailangan nila, ako ang humahawak. Kaya kailangan talaga nila ako,” ani Boni.
Pero sa kabila nito, hindi pa rin siya ginagawang regular na empleyado. Taun-taon pa rin siyang pumipirma ng kontrata.

Mahalagang trabaho

“Kailangan ang trabaho (ni Boni) kaya hindi siya matatanggal,” ani Manuel Baclagon, tagapangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (Sweap), pambansang samahan ng mga empleyado ng DSWD.

Paliwanag niya, nakakatanggap naman ang mga kontraktuwal ng benepisyo, maliban pa sa suweldo. Pero may dalawa pang kategorya sa kanila. “’Yung casual-contractual, iyan ‘yung mga temporary lang. Mayroong nire-renew ang kontrata bawat anim na buwan, o bawat taon. Pero may parehong benepisyo sila sa regular na mga empleyado. Ang pangatlong category, iyon ‘yung tinatawag naming cost-of-service workers or Memoramdum of Agreement (MOA) workers,” aniya.

Pinakamasahol ang kinalalagyan ng huli. “Iyung MOA workers, iyan ‘yung walang employer-employee relationship sa DSWD. Ang binabayaran lang sa kanila, ‘yung (nakasaad sa) kontrata nila,” ani Baclagon.

Parang “pakyawan” sila. Kung ang regular ay may tinatanggap na sahod na P10,000 sa isang takdang item, ganun din daw ang tatanggapin nila. “Pero hanggang doon na lang. Walang benepisyo ang MOA worker. Wala silang 13th month pay, walang Christmas Cash gift, walang clothing allowance, leave benefits. Hindi rin sila entitled sa collective negotiation agreement (CNA) benefits,” paliwanag pa niya.

Mas marami na

Ang nakakapag-alala, pinaka-maraming bilang na ng empleyado ng kagawaran ang kontraktuwal. Sa 23,000 na mga manggagawa ng DSWD, lagpas sa kalahati nito’y MOA workers. “Dito sa DSWD, nationwide, (pinakamarami) ang nasa special projects tulad ng sa conditional cash transfer at iba pang special projects. Sa 23,000 na iyan, ang permanent lang ay 2,000. ‘Yung casual o contractual, 9,000. Kaya may 12,000 na tinatawag namin na MOA workers,” ani Baclagon.

Lumiit na nga ang bilang ng mga empleyado ng DSWD. Matapos ipinasa sa local government units ang mga programa at tauhan ng ahensiya noong 1991, umabot sa 10,000 na lang ang natirang mga kawani. Ang iba rito’y napunta sa mga LGU.

“Mga 1995, may special projects na ipinatupad. (Umabot sa) 2,000 ang regular at ang casual/contractual. (Umabot sa) 2,000 ang MOA workers,” paliwanag pa niya. Halos exponential ang paglago nito. Noong taong 2000, naging 6,000 na sila. “So 2,000 yung (regular), 4,000 ’yung (MOA),” ani Baclagon.

“Noong ipinatupad na ang CCT, dumami na. Tapos may special projects pa. Kasi, maraming foreign-funded projects, (at may) social pension din. Tsaka ’yung iba pang projects. Ngayon, 23,000 na nga kami nationwide,” aniya.

Mapapansing karamihan sa mga proyekto ng DSWD ay pagtugon sa kahirapan, pero di naman nauugat ang kahirapan ng bansa.

“Parang ang solusyon kasi ng gobyerno, pansamantalang maresolba ang kahirapan,” tuloy niya. Hindi nito natutugunan ang ugat ng kahirapan, tulad ng kawalan ng lupang mabubungkal ng mga magsasaka, at walang industriyang mag-eempleyo ng malaking bilang na mga manggagawa. Kaya pati ang empleyong inaalok ng ahensiya, pansamantala, mababa ang sahod, walang benepisyo. Nananatiling mahirap ang mga empleyado. Samantala, papalit-palit lang ng pangalan ang mga proyekto ng DSWD.

Bulnerable

Sa pagpasok ni DSWD Sec. Dinky Soliman, lalong dumami ang MOA workers.

“Biruin mo, saan ka nakakakita ng programa na may direktor na MOA. Sa (CCT), meron pa kami. Sa (proyekto sa) disaster, iyung direktor, MOA rin. Lahat ng mga importante sa department, pinusisyunan ni Soliman ng MOA officials,” ani Baclagon.

Ang problema, walang pananagutan ang mga opisyal na MOA. “Wala ngang employer-employee relationship eh,” aniya. Kaya dapat sana’y regular ang mga natatalaga sa responsableng mga posisyon. “Pabor ang MOA sa kurap na mga opisyal, kasi madali kang makakapagpasok (ng tao at walang pananagutan),” sabi ni Baclagon.

Pag-oorganisa

Sinabi pa ni Baclagon na pinag-iigihan nilang nasa unyon ang pag-oorganisa at pakikipagkaisa sa mga kapwa-empleyado na kaswal o kontraktuwal.

“Puwede naming ipagmayabang na kami lang ang unyon na nakapagpanalo ng CNA benefits sa MOA workers. Marami ring job order sa ibang (ahensiya), pero wala silang benepisyo,” aniya. Naipanalo pa ng Sweap ang employer-employee relationship ng ahensiya at MOA workers. Ngayon, nagkaroon na ang MOA workers ng health cards.

Gayunman, marami pang kailangang ipaglaban.

“Ang (prayoridad) namin, CNA. Pangalawa, ang employee rights in terms of selection, promotion, tsaka scholarship availment,” sabi pa ni Baclagon. Itinutulak din nila ang bereavement assistance, maging ang pagtataguyod ng mga kooperatiba.

Kasabay nito, kaisa sila sa paglaban ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor. Ipinaglalaban nila ang taas-suweldo sa mga kawani, ang pagtalaga ng national minimum wage sa lahat ng mga manggagawa, at kalahok sila sa paglaban sa kontraktuwalisasyon.

“Tutol kami sa lahat ng kontraktuwal na iskema ng paggawa para lang maiwasan (ng mga employer at ahensiya ang paggalang) sa mga karapatan namin, tulad ng benepisyo at nakabubuhay na suweldo. Karapatan din ng mga kontraktuwal na mag-unyon,” sabi pa ni Baclagon.

Sa bahagi ni Boni, batid niya ang pangangailangang lumahok sa laban. “Ang ipinaglalaban namin, lahat maging regular, hindi lang casual/contractual, hindi lang MOA,” ani Boni.

Pagkakaisa ng mga manggagawa, sa pribado at pampublikong sektor, ang kailangan.