FEATURED

#RememberHaiyan | Dalawang taon matapos Yolanda, pinababayaan pa rin


Bukambibig na ng administrasyong Aquino na nakabangon na raw ang mga mamamayan ng Eastern Visayas, dalawang taon mula nang ragasain ito ng bagyong Yolanda na ikinamatay ng libu-libong tao. Pero malayo ito sa katotohanan.

Humigit-kumulang 20,000 katao ang nagprotesta sa Tacloban City nitong Nobyembre 6 para igiit ang hustisya para sa kanilang mga biktima ng bagyong Yolanda. Nagsasalita sa entablado si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Larawan mula sa <b>People Surge</b>
Humigit-kumulang 20,000 katao ang nagprotesta sa Tacloban City nitong Nobyembre 6 para igiit ang hustisya para sa kanilang mga biktima ng bagyong Yolanda. Nagsasalita sa entablado si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Larawan mula sa People Surge

Kamusta na nga ba ang Silangang Kabisayaan, dalawang taon mula nang rumagasa ang Yolanda?

Pumupusturang napakaraming nagawa ng administrasyong Aquino sa mga lugar na tinamaan nang matindi ng bagyo noong Nobyembre 8, 2013. Nariyan anila ang pagtatayo ng pansamantalang mga bahay at pagsasaayos ng mga imprastraktura ng mga sentrong bayan. Tiyak, anila, na nasa “tuwid na daan” ang rehabilitasyon.

Pero di maikubli kahit sa mga pahayagan at social media ang mga ulat ng kapabayaan ng pamahalaan dalawang taon makalipas ang trahedya. Nariyan ang pagkabulok ng di-naipamahaging relief goods. Nariyan ang overpriced na maliliit at maiinit na bunkhouses. At siyempre, nariyan ang pag-uuna sa mga negosyo kaysa sa mga mamamayan.

“Sa likod ng malalaking pondo at mga sinasabing tulong mula sa ibang bansa, hindi pa rin natin nararamdaman ‘yung sinasabi nilang bumangon na raw ang mga biktima ng kalamidad. Wala pa ring tiyak na kabuhayan para sa mga biktima ng sakuna,” kuwento ni Rey Miranda, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Eastern Visayas.

Ano nga ba ang kalagayan ngayon nilang mga sinalanta at pinabayaan?

Pondong di umabot

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), umaabot na sa P93-Bilyon ang inilaang tulong sa mga biktima. May tatlong tranch umano sa paglabas nito: ang inilabas na pondo matapos ang bagyo, ang inilabas na badyet ng kasalukuyang piskal na taon, at ang susunod na nakalaang badyet sa ilalim ng panukalang national budget sa 2016.

Ayon sa DBM, umabot sa P30.7-B ang inilaang pondo para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa emergency shelters at iba pang agarang tulong mula 2013. Naglaan din daw ng P27.1-B para sa pagpapatayo ng National Housing Authority ng permanenteng mga bahay, at P5.7-B sa Department of Education para sa pagpapatayo ng mga klasrum at pasilidad pang-eskuwela.

Pero bukod sa maliit na badyet lang ito na sumaklaw sa mahabang panahon (dalawang taon), may problema rin umano sa pamamaraan kung paano ipinatupad ang naturang rehabilitasyon.

Sinabi noong Agosto ni United Nations (UN) Special Rapporteur Chaloka Beyani na tila “hindi sapat ang ginagawa” (“not doing enough”) ng administrasyong Aquino para sa rehabilitasyon ng Eastern Visayas, dalawang taon matapos ang trahedya.

Sinusugan din ito ni dating rehabilitation czar at dating senador Panfilo Lacson, na nagsabing di agad inilabas ng administrasyong Aquino ang pondo para sa pagpapatayo ng permanenteng mga bahay at para sa ayuda sa mga mahihirap. Isa pa, hindi lang umano sa mga biktima ng Yolanda ginamit ang pondong ito.

Pero ang pinakamalakas na nagpapatunay na di ginawa ng administrasyong Aquino ang dapat nitong ginawa sa rehabilitasyon — ang testimonya ng mismong maralitang mga biktima ng Yolanda.

“Sabi nila, mahigit 70 porsiyento na ang phase ng rehabilitasyon. Pero sa nakikita natin, hindi ito para sa mga mamamayan kundi para sa malalaking negosyo, lalo na iyung Public Private Partnerships (PPP) ng gobyerno. Iyong mga magaganda nang kalsada, halimbawa, sinisira pa rin nila para ipagawa, at paglaanan ng badyet, habang ‘yung mga kalsada sa liblib na mga bayan ay hindi nila maayus-ayos,” ani Miranda.

Sinabi pa niya na napag-alaman din nilang ang ilang bahagi ng pondo para sa rehabilitasyon ay napupunta sa local government units, partikular sa pagpapaayos ng mga gymnasium, barangay hall, mga bilding ng munisipyo at iba pa.

Fluvial protest sa Tacloban nitong Nobyembre 6, bisperas ng ikalawang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda/Haiyan. Larawan mula kay <b>Dr. Efleda Bautista</b>
Fluvial protest sa Tacloban nitong Nobyembre 6, bisperas ng ikalawang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda/Haiyan. Larawan mula kay Dr. Efleda Bautista

Inihalimbawa niya ang Eastern Visayas Regional Hospital, na aniya’y nilaanan ng pondo na P8-B. Sa halip na ayusin ang mismong ospital, inilipat pa ang buong ospital mula sa Magsaysay Boulevard sa Tacloban City dahil umano’y malapit sa dagat — no-build zone na ito sa Leyte — patungo sa Cabalawan na mahigit 10 kilometro ang layo. Katuwang ang construction company na DMCI sa pagpapatayo ng ospital.

“Kahit hindi pa nalilipat, at dahil may mga makabagong gamit ito umano, may ultrasound o iba pa, mas mahal pa sila sa private hospital ng Eastern Visayas. Dapat libre ang serbisyo nito dahil sa laki ng subsidyong bigay ng gobyerno, at para na rin sa serbisyong pangkalusugan,” ani Miranda.

May pondo rin na ilalagak para sa tinaguriang surge barrier. Pero giit ni Miranda, dapat ang kabuhayan ng mga mamamayan muna ang unahin. “Mariin nating tinututulan ang pagtatayo niyan. Hindi tayo kontra sa kaunlaran. Pero lumalabas naman sa pag-aaral na hindi naman talaga makakatulong iyan sa pagsugpo sa kalamidad,” aniya.

Si Beyani mismo, sa pagsisiyasat niya sa sitwasyon sa Samar at Leyte, napag-alamang libu-libong mga mamamayan pa rin ang walang permanenteng tirahan, at ni walang serbisyong kuryente at malinis na tubig hanggang ngayon.

Iba ang prayoridad

Ayon sa People Surge, alyansa ng mga biktima ng bagyong Yolanda, ang sagot sa katanungang “saan na napunta ang pondo sa rehabilitasyon” ay makikita sa kung anong mga proyekto ang aktuwal na pinrayoritisa ng administrasyong Aquino.

Makikita ito sa paglipat ng nabanggit na ospital sa Cabalawan. Makikita rin ito, ayon kay Conciso Ocasla, lider ng Kusog na isang organisasyon ng mga maralitang lungsod sa Tacloban, sa pagpapatayo ng Tacloban Fish Port Complex.

Ani Ocasla, umabot sa 72 kabahayan ang dinemolis ng gobyerno sa Brgy. 37 Reclamation Area noong Abril 14 para bigyan-daan ang naturang fish port. Saan kamo nilipat ang mga nawalan ng tirahan sa relokasyon? Sa temporary shelters din, sa Barangay Suhi, sa Hilagang Tacloban, na namomroblema na sa kawalan ng malinis na tubig at kuryente. Kasama rin sa pinoproblema nila ang kalayuan nito sa mga trabaho ng mga dating taga Brgy. 37.

Sinabi rin sa mga ni-relocate na maralita na dahil pansamantala lang ang shelters na binigay sa kanila, hanggang limang taon lang silang libreng tumira rito. “Matapos ang limang taon, pinagbabayad na sila ng P200 kada buwan, di kasama ang tubig ang kuryente. Matapos ang 10 taon, pinagbabayad sila ng P600 kada buwan,” ani Ocasla.

Para sa mga maralitang wala na ngang maayos na kabuhayan, malaking bagay ang P200, lalo na P600.

Mga drayber at opereytor ng pampublikong mga sasakyan sa Tacloban City, nagpoprotesta rin. <b>Marissa Cabaljao</b>
Mga drayber at opereytor ng pampublikong mga sasakyan sa Tacloban City, nagpoprotesta rin. Marissa Cabaljao

Di rinig

Pati ang mga drayber ng pampublikong mga sasakyan sa Tacloban ay naghihimutok din sa mga pagbabagong pinatutupad ng gobyerno matapos ang Yolanda.

Namomroblema ang mga operator ng pampublikong sasakyan, ayon kay Marlon Lopez, bise presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa Eastern Visayas. Aniya, namroblema sila sa reconstitution ng kanilang mga prankisa dahil nasira ang mga rekord ng lokal na opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). “Sinisingil pa kami ng napakataas na mga bayarin. At pinapakuha ulit kami ng prangkisa kahit hindi pa expired ang prangkisa namin,” himutok ni Lopez.

Dagdag pa niya, matindi rin ang ginawang rerouting ng mga biyahe sa Tacloban, na nakaapektado sa maraming pasahero.

“Dumoble ang pasahe ng mga pasahero rito, kaya pati sila nagalit. Sa transportasyon, humaba naman ang biyahe, kaya galit din kami kasi lumaki ang konsumo ng krudo,” sabi pa ni Lopez. Aniya, tulong ang dapat ibinibigay at hindi dagdag pang bayarin.”Kami na ang nasalanta ng bagyo, kami pa ang binigyan ng matataas na multa,” aniya.

Pagbangon mula sa kahirapan ang nais ng sektor ng magsasaka, ayon kay Nestor Levico, tagapangulo ng Samahan Saggutti sa Paraguma ng Silangang Bisayas. Aniya, kagutuman at kahirapan pa rin ang nararanasan ng kapwa niya mga magsasaka. “Umaaasa lamang ang mga magsasaka sa sariling paggawa upang makabangon,” aniya.

Pangunahing nasira ang mga pananim na niyog. Sunod ang palay at mais. “Halos P64-B ang damage sa agrikultura,” ani Levico. Sa nasirang mga bunga, tantiya niya na dalawa hanggang limang taon para makabawi ang mga pananim.

Simple lang ang hiling ng mga magsasaka, aniya. “Una, ipatupad ang tunay na reporma sa lupa, dahil iyon ang prinsipal na problema ng magsasaka sa Eastern Visayas. Pangalawa, bigyan ng subsidyo sa agrikultura ang mga magsasaka para makabangon kami,” sabi ni Levico.

Hiling nila ang maraming binhi, at makabagong teknolohiya at kaalaman sa pagsasaka lalo na at kailangan din nilang makaangkop sa mga pagbabago sa klima (climate change).

Pagdating ng mga tropang Amerikano sa Tacloban City. <b>PW File Photo/Pher Pasion</b>
Pagdating ng mga tropang Amerikano sa Tacloban City. PW File Photo/Pher Pasion

Militarisasyon, dayuhang interes

Mga komunidad ng mga magsasaka ang ilan sa pinakaapektado ng bagyo.

At dahil sa kanilang pagbubuklod sa mga organisasyon para igiit ang karapatan at hustisya matapos ang Yolanda, sila rin umano ang tinutukan ng kapulisan at militar. Ayon kay Jun Berino ng Karapatan-Eastern Visayas, nagkakampo ang mga militar sa loob ng mga naapektuhang barangay, at ginagamit ang mga pampublikong pasilidad tulad ng mga paaralan at mga klinika.

“Maging ang halls ng barangay tanod ay nagagamit din nila,” aniya. Labag umano ito sa kanilang karapatan bilang mga sibilyan na hindi naman armadong lumalaban sa gobyerno kundi bumabatikos lang sa maling mga patakaran nito.

Maraming naitala ang Karapatan-EV na mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa implementasyon ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan sa naturang rehiyon.

Sa ngayon, may 44 na bilanggong pulitikal sa Eastern Visayas–na lantarang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng pagtutol sa gobyerno. “Dagdag pa riyan ang harasment sa mga sibilyan, at siyempre ang mga magsasaka. Pinagbibitangan silang mga suporter daw ng NPA (New People’s Army),” ani Berino.

Malay din umano si Berino sa kapalit ng humanitarian aid na ibinigay ng US Armed Forces sa Eastern Visayas noong kasagsagan ng trahedya. “Nariyan nga ang humaniatrian aid, pero tila kapalit niyan ang mga patakaran na papabor sa kanila,” sabi pa niya.

Binanggit niya ang likas na yaman ng Pilipinas bilang pangunahing target ng malalaking kompanyang multinasyunal, karamiha’y mula sa US. “Andiyan ang pagmimina na pangunahing target ng dayuhang mga korporasyon ng pagmimina,” ani Berino.

Tampok sa mga kaso ng malawakang pagmimina ay ang nagaganap sa MacArthur, Leyte, kung saan may operasyon para sa black sand mining ang Strong Built Development Mining Corp. at Leyte Iron Sand Mining Corp. Napuntahan ng Pinoy Weekly noong nakaraang taon ang mahigit isang ektaryang nagmistulang wasteland na dati’y napagtatamnan ng palay at napakikinabangan ng mga magsasaka sa lugar.

Ngayong taon, sa muling pagbisita ng PW sa Tacloban, ginunita ng lokal na pamahalaan ang Leyte Landing ni US Gen. Douglas MacArthur at US Armed Forces noong World War II. Para sa Karapatan-EV, simbolo lang ang paggunitang ito ng patuloy na pangangayupapa ng gobyerno ng Pilipinas sa dikta ng gobyerno ng US. “Wala tayong kalayaan kung hindi pa rin tayo nagasarili,” banggit ni Berino.

“Yung humanitarian aid na sinasabi nila matapos ang Yolanda, nakita nating parehas din noong Leyte Landing na sila ang tumulong upang mapagtagumpayan ang laban sa mga Hapon,” sabi ni Marissa Cabaljao, pangkalahatang kalihim ng People Surge.

Sinabi pa ni Cabaljao na pampalubag-loob na lang sana ang Emergency Shelter Assistance o ESA na pondong dapat ibibigay sa lahat ng biktima para muling makabangon. Pero kahit ito, katakut-takot ang delays na inabot.

“Nandoon ang panggigipit sa pagbigay ng pondo, tulad na lang ng paglabas nila ng Memorandum Circular No. 24 na naging sanhi ng paggulo ng mga nasalanta dito sa Tacloban,” sabi niya.

Isa sa pinagmumulan ng di-pagkakasundo ang tila pag-aagawan sa pondo. “Imbes na makatulong (ang gobyerno) sa mga mamamayan, pinag-aaway away pa at pinaghahati-hati,” sabi ni Cabaljao. Mayroon umanong mga nakukuhang dokumento ang People Surge na nagsasabing sadyang naghigpit ang gobyerno sa pagbibigay ng ESA sa mga biktima.

“Tulad, halimbawa, ng sa munisipyo sa Tanawan, na may badyet na mahigit P100-Milyon,” aniya. Unang sinabi ng DSWD na 80 porsiyento ng kabahayan sa Tanawan ay totally damaged, samantalang 20 porsiyento ang partially damaged. Pero pagtagal ng panahon, nagbago ang mga pahayag ng DSWD: 20 porsiyento na lang ang totally damaged at 80 porsiyento ang partially damaged. 

‘Yung mga makakakuha sana ng tig P30,000 na totally damaged ay nabawasan. Ani Cabaljao, pati iyung mga pinamigay na 20 pirasong yero at dalawang kilo ng umbrella nails, sinabi ng DSWD na P20,000 na raw iyon. “Matindi talaga ang pagkuwestiyon namin doon. Palagay namin, malaki talaga ang nakurakot ng mga LGU,” sabi pa niya.

Marami rin umanong nakita silang ghost projects ng gobyerno na hindi naman naipatupad, sabi pa ni Cabaljao. “Halimbawa, ‘yung sinasabi nilang proyektong pabahay para sa mahihirap. Yung tatlong bunkhouses sa Tacloban, labas pa sa ibang munisipyo, nagkakahalaga ng P24-M. Pero sa pagsusuri ng Commission on Audit at independiyenteng mga NGO na nagsuri rin, nakakadismaya raw ang laki ng halaga, dahil substandard naman ang ginawa nila sa mga temporatry shelter na ito,” paliwanag pa niya.

Mismong mga taga-Leyte ang nagsasabi: wala silang nakita na malinaw na indikasyon ng pagbangon hindi lamang ng Tacloban kundi ng Silangang Kabisayaan dalawang taon makalipas ang pagragasa ng bagyong Yolanda. Kung kaya, nananawagan sila na ibasura sa eleksiyong 2016 ang mga kandidatong naging bahagi ng pagpapabaya ng administrasyong Aquino–pangunahin si Manuel “Mar” Roxas II.

Nitong Nobyembre 6, nagprotesta sila, tinatayang umabot sa 20,000–lahat mga biktima ng Yolanda, naniningil sa gobyernong pabaya.