FEATURED Pambansang Isyu

Walang tigil na pananalakay


Bago iniatras ni Duterte ang unilateral ceasefire sa mga rebelde, lantaran nang nilabag ng mga sundalo ng AFP ang naturang utos. Noong Hulyo 27, napilitan ang mga rebelde na depensahan ang sarili at komunidad nila.

Sa burol ni Makinit Gayoran, biktima ng pamamaril ng mga grupong paramilitar ng AFP, sa San Fernando, Bukidnon. <b>Kilab Multimedia</b>
Sa burol ni Makinit Gayoran, biktima ng pamamaril ng mga grupong paramilitar ng AFP, sa San Fernando, Bukidnon. Kilab Multimedia

Unang araw matapos ideklara ni Pangulong Duterte ang naunsiyaming unilateral ceasefire, Hulyo 26. Sa Brgy. Tucao, San Miguel, Catanduanes, nagtatrabaho sa abaka si Gerald Teves, 25, malapit sa kanyang bahay nang puntahan siya ng anim na sundalo.

May NPA (New People’s Army) ka bang nakitang dumaraan dito? tanong ng mga sundalo. Wala naman, ani Gerald. Pero hindi naniwala ang mga sundalo. Puwersahan nilang dinala siya sa isang malapit na kubo. Doon, binugbog siya.

Tinalian si Gerald sa kamay sa likod, at pinulupot ang nylon na tali sa kanyang leeg. Tinali ng wire ang kanyang paa sa isang puno ng narra, habang sinuotan ng mga sundalo ng plastik ang kanyang ulo. Nahirapang makahinga si Gerald.

Tatlong beses siyang pinagsisipa. Tumagal ang pananakit nang 30 minuto. Samantala, pilit na pinasasagot ng kung anu-anong tanong ang kanyang 49-anyos na tiyuhin, si Undang Teves. Hindi ba NPA itong si Gerald? Tanong nila. Para lang maisalba ang pamangkin, sinabi na lang niyang oo, NPA na si Gerald. Pinag-blotter ng mga sundalo sa pulisya ang magtiyuhin.

Nangyari ang pagtortyur kina Gerald at Undang habang bumibiyahe pauwi ang 50 taga-Catanduanes na sumama sa Lakbayan hanggang mismong Batasan Pambansa kung saan binigkas ni Pangulong Duterte ang kanyang State of the Nation Address (SONA) at inanunsiyo ang unilateral ceasefire.

Natuwa ang mga taga-Catanduanes na sumama sa pagkilos: Suportado nila ang ceasefire. Pero sa mismong bakuran nila sa probinsiya, nilalabag na ng mga sundalo ng gobyerno ang tigil-putukang idineklara ng Pangulo.

Tortyur

Isa si Rudy Suarez sa mga lider-progresibo na sumama sa delegasyon mula Catanduanes na nagrali sa Batasan. Aniya, habang nasa Maynila sila noong Hulyo 25, nagsimula ang paniniktik ng mga sundalo sa San Miguel.

Noong Hulyo 26, papauwi pa lang sila ng probinsiya nang makatanggap si Rudy ng text message: Hinahanap daw sila ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines. “May patrulya ng military sa amin na nanghihingi ng listahan ng mga dumalo sa Lakbayan,” kuwento ni Rudy sa pahayagang BicolToday.com.

Ang panghihingi’y matagal nang taktika ng militar para manakot ng mga sibilyan na gustong lumahok sa mga rali. Kahit pa “effective immediately”o agad-agad na epektibo ang tigil-putukan sang-ayon sa utos noon ni Duterte noong SONA, tila lantaran ang paglabag ng iba’t ibang yunit ng AFP sa kanyang utos.

Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, lantaran ito hindi lang sa Catanduanes. Namonitor nila ang mga operasyong militar sa Davao del Norte, Davao del Sur, North Cotabato, Davao City, Isabela, Cagayan, Bulacan, Quezon, Batangas, Camarines Norte, Bohol, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Samar, Surigao, at iba pang probinsiya. Ibig sabihin, hindi lang “isolated incident” ang nangyari sa Catanduanes—sistematiko ang paglabag ng militar sa utos ni Duterte.

Sistematiko

Kasing-sistematiko, marahil ng atake ng mga grupong paramilitar (sa utos ng militar) sa isang kasalan sa Sityo Tibugawan, Kawayan, San Fernando, Bukidnon noong Hulyo 30– bago bawiin ni Duterte ang tigil-putukan.

Ang lugar na ito’y matagal nang kinikilusan ng notoryus na grupong paramilitar na New Indigenous People’s Army Reform (Nipar) sa pamumuno ng isang Alde “Butsoy” Salusad. Si Butsoy ang itinuturo ng marami na pumatay sa lider-Lumad na si Jimmy Liguyon. Katunayan, may arrest warrant na ang korte laban sa kanya. Pero sa tulong ng militar, malayang paikut-ikot lang siya sa San Fernando.

Noong Hulyo 30, pinangunahan ni Butsoy ang pamamaril sa 80 Tigwahanon na nasa isang kasalan sa Sityo Tibugawan. Agarang nasawi si Makinit Gayoran, buntis. Sugatan ang pitong iba pa, kasama ang limang menor-de-edad.

Samantala, noong Hulyo 27, lantaran ding nagsagawa ng operasyong militar ang mgamiyembro ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa pamumuno ng isang Sgt. Lito Mansaloon, sa ilalim ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bagnakan, Sitio Muling, Brgy. Gupitan, Kapalong, Davao del Norte. Kasama ng mga Cafgu na nagsasagawa ng operasyon ang mga miyembro ng notoryus na grupong paramilitar na Alamara.

Alamara ang umatake at nagkampo sa mga komunidad ng Lumad sa Bukidnon noong nakaraang taon. Nagdulot ito ng malawakang pagbakwit ng daan-daang Manobo tungo sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP)- Haran sa Davao City.

Ayon sa mga saksi, lantaran ang operasyong militar ng Cafgu at Alamara— malinaw na paglabag sa tigil-

putukan ni Duterte. Pero sa pagkakataong ito, nakapasok sila sa kinikilusang teritoryo ng New People’s Army (NPA). Agad na natugunan ito ng mga gerilya—na nasa utos na “aktibong depensa” habang hinihintay ang utos ring tigil putukan mula sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Tinambangan ng NPA sa ilalim ng Comval North Davao South Agusan Sub-Regional Command ang mga grupong paramilitar. Dito nasawi ang isang Panggong Bukad ng Alamara, habang sugatan ang apat pa.

Pinangunahan

Ito ang naging dahilan ni Duterte, noong Hulyo 28 sa isang kampo ng militar sa Nakar, Quezon, para akusahan ang CPP-NPA-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) di umano rumespeto sa unilateral ceasefire ng kanyang gobyerno. Noong Hulyo 30, binigyan niya ang NDFP ng hanggang alas-singko ng hapon para magdeklara na rin ng tigil putukan—kung hindi’y tuluyan na niyang iaatras ang sariling deklarasyon.

Ayon sa CPP, inihahanda na nila ang sariling deklarasyon ng tigil-putukan noong Hulyo 30. Alam naman umano ng gobyernong Duterte na naghahanda sila ng sariling deklarasyon—sinabi mismo nila sa isang pahayag noong Hulyo 25, araw ng SONA, rin.

Samantala, inihahanda nila ang aktuwal na pagpapatupad ng isang unilateral ceasefire.

Pero inunahan na nga ito ng pag-atras ni Duterte. Binatikos ni Prop. Jose Maria Sison, punong consultant pampulitika ng NDFP at tagapangulong tagapagtatag ng CPP, ang aniya’y pagiging “butangero” at pabagu-bagong pagdedesisyon ng Pangulo. Gayunman, tuloy pa rin umano ang usapang pangkapayapaan.

Pinayuhan ng mga progresibo si Duterte na manindigan laban sa lantarang pananabotahe diumano ng AFP sa usapang pangkapayapaan. Matatandaang National Security Adviser ni Duterte si dating AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon—na siyang nangasiwa sa malupit na giyera kontra-insurhensya ng rehimen ni Gloria Arroyo.

“Kung hindi mababasura ang mga programang kontra-insurhensiya tulad ng Oplan Bayanihan, walang laman at depektibo ang anumang deklarasyon ng gobyerno para sa unilateral ceasefire,” sabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. “Para masigurong di masasabotahe ang mga inisyatiba niya sa kapayapaan, dapat ibasura ni Pangulong Duterte ang Oplan Bayanihan–na dahilan ng kawalan ng kapayapaan sa maraming nakikibakang mga komunidad at organisasyong lumalaban para sa tunay na pagbabago.”

Hinikayat din ng Karapatan si Duterte na agarang tupdin na ang matagal na niyang pangako: paglaya ng mga bilanggong pulitikal. Puwedeng unahin na ang mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP na nakakulong sa mga kulungan ng gobyerno tulad nina Wilma at Benito Tiamzon, Alan Jazmines, Tirso Alcantara, Reynante Gamara, Adelberto Silva, at marami pa ng iba.

Sa bahagi ng CPP, sinabi nito na handa itong magdeklara ng tigil-putukan sa Agosto 20—unang araw ng pormal na usapang pangkapayapaan ng GRP (gobyerno ng Pilipinas) at NDFP sa Oslo, Norway.

Pero kailangang sabay ang deklarasyon ng CPP at GRP. At kailangang manindigan si Duterte na susundin siya ng mga sutil at utak-pulburang mga heneral ng AFP.

Kung hindi, mangyayari’t mangyayari ang mga katulad ng nangyari sa Catanduanes, Davao del Norte at Bukidnon, at maraming iba pa.


Featured photo: Humigit-kumulang 50 pamilya mula sa tribong Tigwahanon ang nagbakwit sa Bukidnon Provincial Capitol sa Malaybalay City matapos ang pananalakay ng mga grupong paramilitar sa kanilang mga komunidad sa San Fernando, Bukidnon, sa kabila ng deklarasyong unilateral ceasefire ng administrasyong Duterte. Larawan ni Moz Visitacion/RMP-NMR