FEATURED Kapirasong Kritika

Salita sa Panalo ni Trump


Mula sa mga sulating sinisikap ipaliwanag ang pagkapanalo ng isang bilyonaryong bida sa telebisyon, mahahalaw ang mga salitang ito.

Maraming nagulat sa pagkapanalo ni Donald Trump ng Republican Party sa kakatapos na eleksyong pampresidente sa US. Hindi inakala ng marami na ang bilyonaryong sumikat dahil sa reality show na The Apprentice at sa galit na linyang “You’re fired!” ang papalit kay Barack Obama sa White House.

Ang pagkagulat na ito siguro ang dahilan ng pagdagsa sa social media ng mga artikulong nagpapaliwanag kung bakit siya nanalo. At kung bakit natalo si Hillary Clinton – Secretary of State ni Obama, kandidato sa pagka-presidente ng Democratic Party, at idineklarang mananalo ng midya ng malalaking kapitalista.

Mula sa mga artikulong ito mahahalaw ang mga sumusunod na mga salita, na kung hindi man susi ay interesante sa pag-unawa sa panalo ni Trump.


Popular vote. Ang totoo, panalo si Hillary sa “popular vote” o aktwal na boto ng mga mamamayang Amerikano. Ayon sa pinakahuling balita habang isinusulat ito, nakakuha siya ng botong 63.4 milyon, lamang sa 61.2 milyon ni Trump. Pangalawa pa nga raw siya kay Obama sa pinakamataas na botong natanggap ng sinumang kandidato sa pagkapangulo ng US sa kasaysayan. Masasabi, batay sa boto, na hati ang mga mamamayang Amerikano.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

Electoral college. Pero may sistema ang US sa paghalal ng presidente at bise-presidente na ang tawag ay “electoral college.” Dito, may nakatalagang “electors” ang bawat state na kasing-dami ng senador at representante nito; napupunta ang kanilang boto sa kandidatong nanalo sa popular vote sa kanilang state.

Ang mahalagang punto: pwedeng tinambakan ni Hillary si Trump sa popular vote ng ilang state na may kaunting elector; pero sa dulo, iyung bilang lang ng elector ng naturang state ang mapupunta sa kanya. Sa huli, 306 ang electoral college voters na nakuha ni Trump kumpara sa 232 ni Hillary. Panlima si Hillary na mga kandidato sa pagkapangulo ng US na panalo sa popular vote pero hindi sa electoral college at sa gayo’y hindi naging presidente. Marami ang kumukwestyon sa sistemang ito, lalo na ngayon, pero ito ang ginagamit ng US ngayon.


Upset win. Anu’t anuman, panalo si Trump, nang malakas dahil hindi inaasahan. Noong Hulyo, nang maging opisyal siyang nominado ng Republican Party, kinailangang magbabala ng progresibong direktor na si Michael Moore na seryosohin siya – patunay na hindi siya itinuring na malakas na kalaban ng mga Democrats. Nagkaisa rin ang mga huling sarbey sa US bago ang eleksyon, kasama na ang maka-Trump na Fox News: mananalo si Hillary. Ang mga mukha ng mga tagasuporta ni Hillary habang dumadating ang mga resulta, larawan ng kawalan ng kahandaang matalo.

Halos lahat ng mayor na pahayagan sa US, si Hillary ang inendorso. At sa lahat ng nabubuhay na dating pangulo ng US, kahit ang mag-amang George Bush, walang sumuporta kay Trump. Napakarami ring sikat na artista at mang-aawit ang sumuporta kay Hillary. Marami ring kilalang Republican ang hindi sumuporta kay Trump.

Marahil, patunay ang ganitong pagpapakita ng suporta kay Hillary ng nararamdamang lakas ni Trump, na pinilit nilang kontrahin. At lalong naging matindi ang dating ng panalo ni Trump dahil sa malawak na pag-endorso, direkta o hindi, sa kanyang kalaban.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

White, white working class. Ang mga Puti, na bumubuo ng 69 porsyento ng lahat ng botante, ang pinakamalaking hanay ng bumoto kay Trump. Karaniwan man o mayaman, babae man o lalake – karamihan ng Puti ang bumoto sa kanya. Sa kabilang banda, bagamat nanalo si Hillary sa mga Latino, Aprikano-Amerikano at kabataang botante gaya ng estratehiya niya, mas mahina ang hatak niya rito kumpara sa naging hatak ni Obama sa nakaraang mga eleksyon.

Tawag-pansin ang panalo ni Trump sa hanay ng mga manggagawang Puti, lalo na ang pag-agaw niya sa mga dating bumoto kay Obama. May naglilinaw, gayunman, na ang tinutukoy ng “working class” sa US ay iyung mga may trabaho pero hindi kabilang sa mga propesyunal. Sa aktwal, ang kita at kabuhayan nila ay hindi mahirap kundi middle class, at ang pinaka-hangad nila ay istableng trabaho.

Ayon sa isang komentarista, mulat si Trump na manawagan sa “working class,” habang si Hillary ay nanawagan sa “middle class.” Positibo ang pagtingin ng mga botante ni Trump sa nakaraan, at pesimistiko ang kanilang pagtingin sa hinaharap. Hinahanap nila ang kinakalakhang kalakaran kung saan may istableng trabaho at nakabubuhay na sahod, gayundin ang matagalang katayuan sa isang istableng komunidad.


Promises. Ang pagbotong ito ng mga working class na Puti, at maging ng iba pang botante, kay Trump ang isa sa mga sinisikap ipaliwanag ng mga artikulo. Tawag-pansin ang mga pangako niya: pangunahin ang disenteng trabaho, de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, “buhayin ang manupaktura sa US, magbawas ng buwis, pahusayin ang edukasyon, magbigay ng childcare, bawasan ang depisito, gapiin ang ‘radikal na terorismong Islamiko,’ pigilan ang imigrasyon,” at itayo ang isang pader sa pagitan ng US at Mexico para hadlangan ang pagpasok ng mga migrante.

Sa batayang nagdudulot ang “malayang kalakalan” ng pagkawala ng trabaho sa US, kinondena niya ang North America Free Trade Agreement o NAFTA at nagsabing ipapatigil niya ang Trans-Pacific Partnership o TPP. Inaprubahan ng US ang NAFTA noong pangulo si Bill Clinton, asawa ni Hillary, at isa si Hillary sa nagtulak ng TPP sa ilalim ni Obama, pero napwersa siyang sabihing tutol siya rito nang tumutol na si Trump.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

Russia. Taliwas sa palaban, at paladigma pa nga, na tindig ni Hillary sa usapin ng Russia, isang bansang lumalakas at naggigiit ng soberanya laban sa US, nagpahayag si Trump ng kahandaang makipagmabutihan sa naturang bansa. Kinondena rin niya ang paggastos ng US sa mga hakbanging militar sa labas nito, tulad ng pagsuporta sa North Atlantic Treaty Organization o NATO – mga usaping dikit kay Hillary na kasalukuyang Secretary of State.


Neoliberalism. Ang punto, kinilala at sinamantala ni Trump ang masamang kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayang Amerikano. Sumakay siya sa ngitngit nila sa kalagayang ito: tanggalan sa trabaho, kawalang trabaho, mababang sahod, mahal na serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at iba pa.

Isama pa ang pagkawala ng bahay o halaga ng mga bahay kaakibat ng binansagang “Great Recession” na pumutok noong 2008. Gayundin ang matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng 1 porsyento at 99 porsyento na ipinrotesta ng kilusang Occupy. At ang umano’y pagbangon ng ekonomiya nitong mga huling taon na mas pinapakinabangan ng mga maykaya at mayayaman.

Kalagayan itong iniluwal ng mga patakarang neoliberal na ipinatupad ng mga Republican at Democrat na pangulo ng US: ang paglipat ng mga pabrika sa mga bansang may mababang pasahod habang patuloy namang binabarat ang sahod sa US, ang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan at ang paglobo ng mga bayarin sa mga ito, ang mga scam sa pinansya, at pagkaltas sa buwis ng mayayaman habang dinudurog ang unyon ng mga manggagawa.

Ipinapatanaw ng tema ng kampanya ni Trump na “Make America great again” ang imposibleng pagbabalik sa panahon bago ang neoliberalismo sa Amerika – panahon ng relatibong mas malakas na ekonomiya, regular na trabaho, mataas na sahod, at maayos na serbisyong panlipunan. Bukod pa sa kontrolado ang mga gera sa ibayong dagat at hindi tampok ang banta ng terorismo.


Racism, xenophobia, Islamophobia. Matagal nang tinatawag si Trump na rasista, xenophobic, at Islamophobic – at batay mismo sa mga pahayag niya. Nitong nanalo na siya, nagbabala si Bernie Sanders, “demokratikong sosyalista” na nabigong maging nominado ng Democratic Party, na lalabanan niya ang mga patakaran ni Trump na may ganitong mga tunguhin. Sinundan din ang panalo niya ng mga pandarahas at pahayag laban sa mga hindi Puti sa US.

Ayon sa mga kritiko, kaakibat ng pangako ni Trump na lumikha ng trabaho sa US ang pagpapalayas sa mga dayuhang migrante, tampok ang mga Mexicano at Hispanics, at paghadlang sa pagpasok nila sa US. Laman naman ng maraming progresibong babasahin ang silbi ng rasismo, xenophobia, Islamophobia at iba pang katulad para sa malalaking kapitalista sa buong mundo: ang itago sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang ugat ng problema, na nasa sistema mismo ng monopolyo-kapitalismo.


Dog whistle. Maraming komentarista ang gumamit ng praseng “dog whistle” para ilarawan ang paraan ni Trump ng paghahatid ng mensaheng rasista, xenophobic o Islamophobic. Hindi lantaran o pasabog para sa lahat, kundi pasimple pero tiyak na mauunawaan ng mga may katulad na paniniwala.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

Liberal feminism. Sa kabilang banda, kinatawan ni Hillary ang pagpapatuloy sa mga patakaran ng rehimen ni Obama. Na pagpapatuloy naman ng mga patakaran kahit ni George W. Bush na nauna sa kanya. Gusto ng mga Amerikano ng pagbabago, kahit binaluktot ni Trump ang kahulugan nito, at kinatawan ni Hillary ang dating gawi.

Laban sa mga sexistang pahayag ni Trump, pinatampok niya ang kampanyang magkaroon ng unang pangulong babae ang US. Ipinanawagan niya sa mga botante ang pagbasag sa “glass ceiling” – ang hindi nakikitang hadlang sa pag-angat ng mga babae sa lipunang Amerikano tungo sa pinakamataas. Halimbawa ito ng feminismong liberal – nagagalak sa pagtaas ng katayuan ng mayayamang kababaihan sa sistemang kapitalista, sa halip na baguhin ang katayuan ng nakakaraming kababaihan sa pamamagitan ng pagbago sa naturang sistema.

Tinuligsa rin ng kampanya niya ang rasismo, xenophobia at Islamophobia ng kampanya ni Trump, pero hindi tinumbok ang pang-ekonomiyang kalagayan ng mamamayang Amerikano na siyang dahilan kung bakit may kagat ang mga ito.


Democratic Party. Kaakibat at dagdag sa lahat ng ito ang pagiging mayorya ng Republican Party sa parehong Kongreso at Senado ng US.


Imperialism. Sa dulo, si Trump na ang pangulo ng imperyalismong US. Naging pangulo siya ng US sa panahong binabayo ito ng iba’t ibang krisis. Sabi ng isang komentarista, “Ang Amerika ay isang bansang imperyal, at maaaring nakikita na ngayon ang pagkabulok nito. Ang kapangyarihan na naghatid ng napakaraming pakinabang sa bansa – para sa mga Puti – ay kinakapos ngayon ng kakayahang ibigay ang naturang mga pakinabang sa mga Puti.”

Anuman ang kanyang mga ipinangako para manalo sa eleksyon, tiyak na mas papasunurin siya ng kalakarang pang-ekonomiya at pampulitika ng imperyalismo. Mas malamang, babalewalain niya ang mga positibong pangako niya sa mga mamamayang Amerikano, habang isinusulong ang reaksyunaryong interes ng imperyalismo, katuwang ang kanyang rasismo, xenophobia, Islamophobia at sexismo.


Left organizing. Sa harap ng panalo ni Trump, malakas ang panawagan ng mga maka-Kaliwa sa US na isulong ang iba’t ibang laban ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano at palakasin ang pag-oorganisa sa hanay nila. Matagal na ring pinupuna ang mga progresibong grupo sa US dahil sa kanilang pagpapailalim at pagbuntot sa Democratic Party, lalo na nang maging pangulo si Obama.

Sa pagiging pangulo ni Trump, lantad at kagyat na ang banta, at lalong wala nang ilusyon para hindi ibayong mag-organisa ang Kaliwa at lumaban ang mga manggagawa at mamamayan ng Amerika.


14 Nobyembre 2016

Ang mga larawan ay pawang kuha ni Jo Abaya-Santos, at bahagi ng eksibit na “If You See Something, Say Something” na nasa The Oarhouse Pub (1688-B Jorge Bocobo Street, Malate, Manila) hanggang Disyembre 5. Kasama niya sa naturang eksibit ang kapwa-potograpo na si Little Wing Luna. Kinuhanan ni Abaya-Santos ang mga larawan sa New York noong tag-araw ng 2016, bago ang eleksyong pampresidente sa US. Isang sentro ng pulitika at ekonomiya ng US ang New York kung saan naging senador si Hillary Clinton. Tampok sa mga larawan ang mga likhang-sining, ugnayang ng mga lahi at uri, at kalagayang pang-ekonomiya na kaugnay ng kakatapos na halalan.