pw-millennials-marc-lino-abila-featured

Scope Out

Millennials: Da Awakening

December 7, 2016

May pag-asa na unti-unti’y marami pang kabataan ang mamumulat at sasama sa kilusang masa upang itaguyod ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Kapansin-pansin na ang mga kabataan at estudyanteng nagpoprotesta ay mas marami pa sa mga nakatatandang buhay na noong panahon ng Batas Militar. Tuwang-tuwa ang mga kilala kong biktima ng Batas Militar na ang mga ‘millennial‘ ay mulat at handang kumilos.

Kabataan ang naguna sa tatlong magkakasunod na mga pagkilos kontra sa pagpapalibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sa araw na mabalita ang panakaw na na paglagak sa mga labi ni Marcos sa Taguig noong Nobyembre 18, bumaha sa mga lansangan ng Kamaynilaan ang mga estudyante mula sa mga paaralan. Noong Nobyembre 25 sa Luneta, kabataan ang kalakhan sa mahigit-kumulang 15,000 na nagprotesta. Lalo pang lumaki at dumami ang mga protesta sa Araw ni Bonifacio hindi lang sa Maynila kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.

Totoo nga ang tinuran noon ni Prop. Joma Sison na tanging sa militanteng paglaban mailalabas ang galing ng kabataan.

Hindi maikakaila na bagaman bigo ang sistema ng edukasyon na ituro sa mga paaralan ang malagim na sinapit ng Pilipinas sa ilalim ng diktadurang Marcos, alam ng mga kabataang kumilos ang tunay na kasaysayan ng Martial Law.

Madalas ipukol sa social media ng mga Marcos loyalist at troll na ang mga sumasama sa rally ay bayaran, dilawan, ginagamit ng Liberal Party at di pa buhay noong panahon ni Marcos sa poder ang kabataang nag-iingay ngayon sa lansangan. Ngunit matalino ang pagsagot ng kabataan sa mga paratang na ito: Hindi nga kami buhay noon ngunit alam namin ang paghihirap ng mga mamamayang Pilipino sa ilalim ni Marcos.

Alam naman natin na walang patutunguhan ang makipagtalo sa mga troll kahit latagan mo pa ng sandamakmak na datos at readings. Alam ng mga millenial na wala sa internet ang tunay na laban kundi offline, nasa kalsada kasama ng iba pang mga mamamayan na ‘di na muling papayag na maghari ang takot at karahasan.

Alam din ng kabataan ang kanilang ipinaglalaban: ang pigilan ang pagpapanumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan at panagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagpayag na na maihimlay ang isang diktador sa lugar na sagrado at laan para sa mga bayani.

Ngunit bago pa man ang mabilisang paglibing kay Marcos, kumikilos na ang mga millennial.

Sa panunungkulan ni asyenderong dating pangulong Noynoy Aquino, ang Pork Barrel King, libu-libong kabataan ang nagprotesta sa buong bansa para maipabasura ang pork barrel sa porma ng PDAF at DAP at mapanagot ang mga magnanalaw sa kaban ng bayan.

Wala pa man sa kalingkingan sa ngayon ang mga millennial sa dinanas ng mga kabataan noong First Quarter Storm, may pag-asa na unti-unti’y marami pang kabataan ang mamumulat at sasama sa kilusang masa upang itaguyod ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Taglay ng kabataan ngayon ang sigasig at tapang na ipinasa ng mga kabataang nag-alay ng buhay at lakas.

Iba man ang mga nakasanayan, lalo sa teknolohiya, kayang-kaya itong gamitin ng kabataan para mas maging mulat at matapang ang mamamayan na labanan ang anumang bantang panunupil sa bayan.
Ang pagkilos laban sa rebisyunismo sa kasaysayan ay simula pa lamang ng mas malaki pang hamon sa kabataan at mga mamamayan.

Asahan natin ang magandang bukas dahil tiyak ang tagumpay ng kabataang kapit-bisig na lumalaban kasama ng sambayanan.


Featured photo: Larawan ni Jo A. Santos sa mga kabataang lumahok sa protesta kontra sa paghirang kay Marcos bilang bayani noong Nob. 25 sa Luneta

 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+0
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2016/12/millennials-da-awakening/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Marc Lino Abila

Marc Lino Abila

Marc Lino J. Abila was national president of the College Editors Guild of the Philippines. He studied Journalism at the Lyceum of the Philippines University.