PW-napc-en-banc-featured

Progresibo sa gabinete: Unang en banc ng NAPC, inilunsad

February 1, 2017

Patunay na pursigido ang mga progresibo sa loob ng gabinete na gampanan ang gawain at paglingkuran ang mga mamamayan–may peace talks o wala.

Bago pa man ang biglang pag-atras ng administrasyong Duterte sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), pursigido na ang mga progresibo sa loob ng gabinete na gampanan ang gawain sa loob ng gobyerno at paglingkuran ang mga mamamayan.

Pinakahuling tagumpay na nakamit, halimbawa, ni Sec. Liza Maza ang paglulunsad ng en banc assembly ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), sa unang pagkakataon sa loob ng sampung taon

Tinalakay dito ang mga hakbang na maaaring tahakin ng gobyerno sa pagsugpo ng kahirapan.

Ito ang unang pagtitipon ng en banc ng komisyon mula noong Hulyo 30, 2007 sa panahong ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang walang en banc assembly sa loob ng anim na taon ni Benigno Aquino III.

Sa pagpupulong ng mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga kinatawan ng batayang sektor sa pamumuno nina Duterte at Maza noong Enero 30 sa Malakanyang, nilinaw ang pangangailangan sa pagpapatibay ng gawain ng NAPC na ikoordina, subaybayan at suriin ang mga programa at proyekto ng mga ahensya ng pamahalaan na tumutugon sa kahirapan.

Ayon kay Duterte, layunin ng kanyang administrayon na bawasan ng 25 porsiyento ang kahirapan sa bansa sa loob ng tatlong taon.

Inatasan din ni Duterte ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na magbigay ng bahagi ng kinikita nito sa NAPC upang mapabilis ang mga gawain ng ahensiya.

Tinatayang nasa P5.5 Bilyon ang kinita ng PAGCOR sa electronic gaming sa loob ng tatlong kuwarto ng 2016.

Nilalayon naman ni Maza na abutin target sa pagbawas ng kahirapan sa pamamagitan ng “koordinado at sustenableng estratehiya sa pagsugpo sa kahirapan ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nakaangkla sa pagtugon sa 10 batayang pangangailangan ng mga mamamayan.”

“Ang 10 batayang pangangailangan ay kumakatawan sa mga pangangailangan ng mahihirap. Kabilang dito ang pagkain, tubig, tirahan, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, trabaho, pangangalagang panlipunan, malusog na kapaligiran, kapayapaan, at pakikilahok. Mahalagang sangkap ang pakikilahok ng mamamayan upang makamit ang mga pangangailangang ito,” ayon kay Maza.

Diniin din ng aktibistang sekretaryo na hindi nagpapatupad ng mga programa ang NAPC kundi tungkulin nito ang pagkokoordina, pagsubaybay, pagsusuri, at pagbibigay ng rekomendasyon sa mga patakaran sa mga programa at proyekto para sa paglaban sa kahirapan.

Ilan pa sa mga naging bunga ng en banc ang pagtatalaga ni Duterte sa NAPC upang bantayan ang P1-B pondo mula sa social funds ng pangulo para sa pagbibigay ng libreng gamot sa mahihirap.
Sinabi ni Maza na nakikipag-ugnayan na ang NAPC sa Commission on Audit hinggil sa programa.

Ibinahagi rin ni Sec. Emmanuel Piñol ng Department of Agriculture (DA) na inaprubahan sa pulong ang P1-B pondong pautang sa mga magsasaka at manginginsda na naapektuhan ng mga sakuna at kalamidad. Ang dagdag pondo ay magiging bahagi ng Survival and Recovery Loan Program ng DA.

Nahahati ang programang pautang sa dalawa: ang P15,000 Survival Packege para sa pagkain at iba pang pangangailangan at P20,000 Recovery Package para sa pagbili ng mga binhi, pataba at iba pang farm inputs upang makabangon mula sa sakuna. Dagdag rin ni Piñol na maaaring bayaran ng inutang sa loob ng tatlong taon.

Dinerekta rin ni Duterte na magiging buwan-buwan na ang pulong ng NAPC En Banc para sa mas mahigpit na pagkokoordina at pagsubaybay sa mga gawain ng mga ahensya ng gobyerno sa mga programa, proyekto at pagtupad ng Social Reform Agenda ng administrasyon.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+195
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/02/progresibo-sa-gabinete-unang-en-banc-ng-napc-inilunsad/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Marc Lino Abila

Marc Lino Abila

Marc Lino J. Abila was national president of the College Editors Guild of the Philippines. He studied Journalism at the Lyceum of the Philippines University.