Sining bilang sandata

Silang may kasanayan sa sining ang tagadepensa rin ngayon ng mga karapatan ng mga mamamayan.

Parang pagsikat na lang ng araw kung mailathala sa midya ang mga balita ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Libu-libo nang “nanlaban” na pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga ang namatay sa presensiya ng mga pulis. Ang mga mahihirap ang malaking bahagi sa mga naiulat na namatay, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa Oplan Tokhang ni Pangulong Duterte.

Notoryus ang Tokhang dahil nagiging kasangkapan ito sa pagsasakatuparan ng makasariling mga adyenda ng mga pulis at nasa Estado. Halimbawa nito ang panghaharas sa mga magsasakang tumututol sa pagpapalayas sa kanila mula sa 1,000-ektaryang lupa sa San Jose del Monte, Bulacan at saka kinasuhan nang may kaugnayan sa ipinagbabawal na droga. Maganda sana ang orihinal na layunin nito na masugpo ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot. Pero maging si Duterte ay aminadong may problema sa istruktura nito.

Kung hindi pa siguro napatay ang Koreanong negosyanteng si Jee-ick Joo, magpapatuloy pa rin ang kuwestiyonableng pamamaraan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo sa ipinagbabawal na droga.

May tugon dito ang mga alagad ng sining.

Resbak

Sa kabila ng patuloy na pambabarat sa halaga ng buhay ng mga maralitang Pilipino, may mga inisyatiba ang ilang grupo na pataasin ang panlipunang kamalayan ng mga mamamayan.

Ang grupong Resbak o Respond and Break the Silence Against the Killings ay nag-oorganisa ng mga aktibidad sa mga komunidad na siyang naging pinakabulnerable sa ilalim ng Tokhang. Nagbibigay sila ng mga libreng workshop, film screening, eksibit, at pagtatanghal na bukas para sa lahat ng gustong lumahok.

Ayon sa Resbak, layunin nilang pagbuklurin ang mga tulad nilang mga artista, manggagawang pangkultura, mamamahayag at mga komunidad na labanan ang mga di-makataong pagpaslang.

Pagsalba sa karapatan

Tulad ng Resbak, layunin ng inilunsad RIGHTS 4: Salvaging Human Rights sa pangunguna ng Southern Tagalog Exposure, Film Weekly, AlterMidya at Artists’ Arrest ang pagpapalaganap sa mga mamamayan ng mas mataas na antas ng pagkaunawa sa kahulugan ng karapatang pantao.

Patunay ang ika-apat na paglulunsad ng RIGHTS na hindi pa tuluyang nagbabago ang pangit na kalagayan ng karapatang pantao sa bansa. Una itong inilunsad noong 2007 kung kailan ipinalabas ang dokumentaryo, short film, at public service advertisements na nakasentro sa temang karapatang pantao. Kasama sa layunin nito ang paggiit ng hustisya para sa mga biktima ng ilegal na pag-aresto at pagkulong, extra-judicial na pagpaslang, pagbabanta at panghaharas ng mga aktibista at mamamahayag.

Huwag umanong kalilimutan na ang hindi maayos na pagtugon ng gobyerno sa batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng edukasyon, pabahay, nakabubuhay na sahod o abot-kayang serisyong pangkalusuga’y isang porma rin ng paglabag sa karapatang pantao.

Bago matuto ang mga mamamayan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, mahalagang maunawaan muna nila kung anu-ano ang mga ito. Sa inisyatibang ito ng iba’t ibang grupo, mahusay ang paggamit nila ng sining bilang kasangkapan sa pag-eeduka sa mga mamamayan at pagtugon na rin sa mga biktimang patuloy na humihingi ng hustisya.


Marjo Malubay

Marjo Malubay

Marjo Malubay is one of our younger Pinoy Weekly reporters. A former staffer of The Catalyst, Polytechnic University of the Philippines' campus paper, Marjo currently studies journalism at the same university.