Pambansang Isyu

20 kahilingan sa #SONA2017

July 22, 2017

Ang mga dadalhing hiling ng laksa-lasang mamamayang magpoprotesta sa araw ng State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte.

Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ngayong Hulyo 24, muling tutungo sa lansangan ang mga mamamayan para ihapag ang mga kahilingan nito. Giit ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), pagkakataon pa rin ito para pagkaisahin ang pinakamalaking bilang ng mga mamamayan para itulak ang tunay na pagbabago. Mapilit man o hindi si Duterte na tupdin ang mga kahilingang ito, tiyak na nagkakaroon ang mga mamamayan ng karanasan kung papaano ipaglaban ang kanilang interes.

1. Ituloy ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at buuin ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) bago matapos ang taong 2017.

2. Tapusin na ang Martial Law sa Mindanao at pawiin ang tangkang Martial Law sa buong bansa. Itigil ang pambobomba sa Marawi.

3. Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal at itaguyod ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

4. Bawiin ang DOLE Order No. 174 at ilabas ang ipinangakong Executive Order na magbabawal ang lahat ng tipo ng kontraktuwalisasyon.

5. Suportahan ang kahilingan ng mga manggagawa para sa pambansang minimum na sahod na P750/araw at basic salary para sa mga kawaning publiko na P16,000/buwan.

6. Gawing prayoridad sa Kongreso ang pagpapababa sa income tax ng rank-and-file employees at itigil ang mga planong pagtaas ng buwis sa batayang mga serbisyo’t pangangailangan.

7. Ilabas ang matagal nang hinihintay na Executive Order para sa dalawang-taong moratoryo sa pagpapalitgamit ng mga lupang agrikultural na nirekomenda ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC).

8. Tiyakin ang libreng irigasyon para sa maliliit na magsasaka sa buong bansa.

9. Iutos sa lahat ng state colleges at universities na mahigpit na ipatupad ang “No Tuition Policy” simula ngayong taon habang tinitiyak na magpapatuloy itong libre sa mga darating na taon.

10. Ipamahagi ang humigit-kumulalng 50,000 pabahay ng AFP at PNP na nakatiwangwang sa buong bansa sa mga walang bahay.

11. Maglabas ng Executive Order para itigil ang patuloy na pribatisasyon ng pampublikong mga ospital.

12. Ipagbawal ang paglahok ng mga tropang Kano sa military operations sa Marawi at sa ibang bahagi ng bansa.

13. Itigil ang implementasyon ng Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) at kanselahin ang natitirang mga ehersisyong militar na nakatakda sa taong ito sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.

14. Iutos sa PNP na itigil ang extrajudicial killings ng pinaghihilaang drug users at pushers, at magtayo ng isang independiyenteng grupo na mag-iimbestiga sa mga paglabag.

15. Tanggalin ang mga militar, at mga paramilitary sa mga pamayanan ng mga Lumad sa Mindanao, at iutos ang pagtigil sa atake sa mga paaralang Lumad. Tiyakin ang ligtas na pagbalik ng mga bakwit sa kanilang komunidad.

16. Ireporma ang Philippine National Police at alisin ang mga kurap at abusadong pulis.

17. Itaguyod at ipatupad ang utos ng suspensiyon o pagsasara ng abusadong mga kompanya sa pagmimina na inilbas ni dating DENR Sec. Gina Lopez.

18. Igiit, sa pamamgitan ng diplomatikong pamamaraan, ang ating sovereign rights sa West Philippine Sea alinsunod sa naipanalong kaso sa UN Arbitral Tribunal.

19. I-overhaul ang Energy Regulatory Commission (ERC) at kasuhan ang mga commissioner at opisyal na nakipagsabwatan sa mga kumpanya ng kuryente.

20. Tiyakin ang kumpirmasyon sa Commission on Appointments nina Secs. Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development at Rafael Mariano ng Department of Agrarian Reform.


 

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.