Kapirasong Kritika

Renan Catapang Agtay

July 17, 2017

Parangal sa isang kaibigang Iskolar ng Bayan, bakla, may kapansanan, na naging dakilang Pulang Mandirigma.

Ngayong Hulyo 26, dalawang taon na mula nang pumanaw si Renan Catapang Agtay – tubong Batangas, iskolar ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas, naging aktibista ng League of Filipino Students, at sumampa sa New People’s Army o NPA sa Cagayan Valley at maglingkod dito nang ilang taon.

Nang bumaba siya mula sa pagiging NPA at nag-aral muli sa kolehiyo sa kanyang probinsya, patuloy siyang tumangan sa rebolusyunaryong paninindigan at umugnay sa mga kasama at kaibigan sa pakikibaka. Nang pumanaw siya bunsod ng karamdaman na natuklasan sa loob ng maiksing panahon matapos niyang bumaba, pinarangalan siya ng mga kasama’t kaibigan, gayundin ng pormasyon sa rehiyong Cagayan Valley ng NPA at Communist Party of the Philippines.

Taong 2000 pumasok sa UP-Diliman si Renan, sa kursong Chemical Engineering. Napili niya ito, pabiro niyang sabi, dahil tuwang-tuwa siya sa amoy ng mga kemikal sa laboratoryo noong hayskul. Kahit hindi pa aktibista, lumahok siya at mga kaibigan niya sa Edsa 2, ang makasaysayang pagkilos na nagpatalsik kay Joseph Estrada sa pagkapangulo. Pero ang nakapagmulat sa kanya, aniya, ay ang Philippine Collegian – partikular ang mga progresibong nilalaman nito sa ilalim ng pamunuan nitong katunggali ng mga aktibista.

Bagamat may nauna nang nagrekrut sa kanya sa LFS, naging pormal ang pagiging miyembro niya nito nang pumirma siya sa membership form na iniabot ni Karen Empeño, ang aktibistang kasama ni Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga tauhan ni Jovito Palparan sa Hagonoy, Bulacan noong 2006. Ani Renan, si Karen din, na kasabayan niya sa Kalayaan Residence Hall, ang nagsama sa kanya sa Vinzons Hall, sentruhan ng mga aktibista sa kampus.

Bilang kasapi ng LFS, kumilos siya sa College of Engineering at pagkatapos ay sa buong pamantasan. Bukod sa likas na mapagpatawa at palatawa, nakilala rin siya ng mga kasabayang aktibista na masipag – “go lang nang go,” sa mga salita noon at niya – matatag sa paninindigan, matalas magsuri, at handang magsakripisyo. Makwento, mahilig sa kwento, magaan – giliw na giliw sa kanya ang mga kasama at kaibigan, at gustung-gusto siyang kasama sa gawain, tambayan, at bahay.

Taong 2003, matapos ang anim na buwang pakikipamuhay, nagpasya si Renan na sumapi sa NPA. Nakilala siya sa mga alyas na “Ka Giao” at “Ka Bangis.” Ayon sa isang parangal sa kanya na inilagay sa Facebook, “Naging kagawad siya ng seksyong pampulitika ng sentrong himpilan ng panrehiyong kumand ng BHB sa Hilagang Silangang Luzon. Dahil sa taglay na kaalaman sa syensya, naitalaga rin sa gawaing ordnans. Huli siyang naitalaga sa gawaing propaganda, edukasyon at kultura.”

Sa kanyang pagdalaw, ikinukwento niya ang mainit na pagsuporta ng masa sa Hukbo, ang mga labanang militar sa rehiyon na kinasangkutan at nabalitaan niya, at ang mahusay na pakikitungo ng mga kadre at pulang mandirigma. Paborito niya ang mga kwento ng magsasaka na mainit ang pagsalubong sa pagbabalik ng NPA matapos magpuna ang huli sa malulubhang pagkakamali na nagawa noong dekada 1980 at maipaliwanag ang kilusang pagwawasto.

Noong 2008, bumaba sa pagiging NPA si Renan at nag-aral sa Batangas. Noon pa man, aniya, nagtataka na siya kung bakit pagod na pagod siya tuwing aakyatin ang ikaapat na palapag ng gusali ng paaralan – habang ang mga kaklase niya’y nagtatakbuhan pa. Hindi nagtagal, natuklasang mayroon siyang renal failure – ang sakit na ikinamatay ng kuya niya ilang taon bago noon – at kailangang mag-dialysis.

Sa unti-unting paghina ng katawan, natanggap na niya ang kamatayan. Bago siya pumanaw, sabi niya patungkol sa anim na taong dialysis: “Hindi ba’t tagumpay na ang ganoon katagal sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal?” Noon pa man, ramdam na ng mga kaibigan at kasama ang magiging bigat ng Sierra Madre sa pagpanaw niyang naglingkod sa bayan bilang aktibista, rebolusyunaryo at Hukbo.

Si Renan (pangalawa mula sa kaliwa), kasama si Mang Romy, na matandang tambay ng Vinzons, at mga kapwa aktibista, sa opisina ng University Student Council noon.

Si Renan (pangalawa mula sa kaliwa), kasama si Mang Romy, na matandang tambay ng Vinzons, at mga kapwa aktibista, sa opisina ng University Student Council noon.

Maraming kwento ang mga kaibigan at kasama tuwing mapag-uusapan si Renan – noong buhay pa man at kahit matapos siyang pumanaw. Ang bawat kwento, laging may kasamang tawanan. At bawat kwento, sa kung anong paraan, laging naglilinaw sa katangian niya bilang aktibista at rebolusyunaryo.

Bakla si Renan – bagay na tiyak niyang ikakagalit na ngayon lang nabanggit sa isang parangal sa kanya. Aniya, sa Kilusan na siya nagladlad bilang bakla “dahil wala naman na talagang ibang samahan pang buong puso ang pagtanggap at pagpapahalaga sa mga maniningning at progresibong baklang kagaya ko.” Laging bahagi ng pagpapatawa niya ang “performances” – mga kwentong isinasadula niya mag-isa, mga kanta, pagrampa-rampa, mga tila madramang eksena sa pelikula – at walang kaibigan at kasama ang hindi makakaalala ng kahit isa sa mga ito.

Paboritong biro niya ang planong paglaladlad sa pamilya. Magtatalakay raw muna siya tungkol sa kalagayan ng lipunang malakolonyal at malapyudal at ang pagiging pyudal-patriyarkal nito – mapang-api sa kababaihan, mga bakla at lesbyana. Sa dulo, sasabihin niya. “Mama, Papa, ipagtatapat ko na po ang tunay kong pagkatao. (Yuyuko nang marahan.) Isa po akong, isa po akong (mahabang katahimikan, sabay marahang taas ng ulo)… pesante.” Ibig sabihi’y maduduwag din siya sa dulo at ang magagawang aminin ay ang pagiging aktibista.

May kapansanan si Renan. Bingi siya at mahigit isang libo ang grado ng salamin. Paborito niyang kwento ang minsang pagsasalita sa klase para mag-imbita sa isang rali. Nanghikayat siya ng tanong mula sa mga estudyante. May nagtanong. Nakangiti niya itong tinitingnan. Nang matapos na ang pagtatanong, katahimikan. Nang mapansin niyang hinintay siyang sumagot, sabi niya, “Pwedeng pakiulit? Bingi po kasi ako.” Tawanan. Sa halip na mainsulto, tumawa rin siya nang bahagya at pagkatapos ay ibinigay ang pinakamatalas na sagot. Palakpakan ang klase.

Bagamat nananawagan ng pag-unawa para sa mga may kapansanan, sinikap niya itong pangibabawan sa pagkilos, sa kampus man o sa kanayunan. Sabi nga sa Facebook ng isa niyang kaibigan, patungkol sa pagpapasya na mas mag-ambag sa rebolusyon, halimbawa siya ng mga kasabihang “Internal ang mapagpasya,” hindi ang mga eksternal na pumipigil. “Pangunahin ang kapasyahan, sekundaryo ang kakayahan,” lalo na pagdating sa pagsapi sa NPA. At ng mas pikon na bersyon ng mga ito, “Kung gusto may paraan; kung ayaw, maraming dahilan.”

May biru-birong sa NPA, naitalaga siyang eksperto sa bomba. Ang sabi ng mga kasamahan ang dahilan ay nakikita lang niya ang ganda ng pagsabog, at hindi ito naririnig. Ang totoo, sabi ni Renan, todo-alalay sa kanya ang mga kasama, at minsan, ang pakiramdam niya ay pabigat na siya sa mga ito. Pero dahil wagas ang pagtulong at pag-alalay, aniya, “tinyaga ko lang nang tinyaga. Kinarir ko mula pag-aaral ng lokal na wika, pagbubuhat ng mabibigat na gamit, pagpapakintab ng M-16 hanggang sa paghahanda at pagluluto ng pagkain.” Marami siyang nagawa lampas pa sa kakayahan ng mga walang kapansanan, at para sa bayan.

Sa likod ng lahat ng performances ni Renan, ang totoo’y isa siyang rebolusyunaryong intelektwal. Mahilig siya sa pagtuturo ng mga rebolusyunaryong aralin, at natutulungan siya ng kanyang matatas na Tagalog at malinaw na pananalita. Matatalas ang mga komento at mungkahi niya sa linya ng Kilusan sa iba’t ibang usapin. Madalas siyang magkomento sa mga binabasa at napapakinggan: Parang kapos ang mga argumento, parang Trotskyista ang linya, kulang sa paliwanag…

Mabilis din siyang makaisip ng mga sagot sa iba’t ibang usapin na matalas at matulain. Minsan, nagkukwento siyang nabagot na siya sa kakakwento ng isang kasama tungkol sa mga kalungkutan at pesimismo. Bigla raw niyang nasabi, “Hindi baga’t ang ating tagumpay ay ipupundar sa mga pagkakamali? Ang mahalaga’y patuloy tayong sumusubok, nagtatasa at natututo.”

Sabi ng isa niyang kaibigan sa Facebook, “Mahal ng mga tao si Renan… [K]apag nag-isip ka ng masama laban sa kanya, totoong masama kang tao.” Ang sabi naman ng isa pa, “Ibang lebel din ang pang-unawa mo. May kahinaan ang tenga mo pero lagi’t lagi kang nakikinig sa aming mga chika – seryosohan man or pang-showbiz lang. Malabo ang mga mata mo pero lagi’t laging maganda ang tingin mo sa mga bagay-bagay, lalo na sa kinabukasan ng sambayanan at sangkatauhan.”

Bago siya pumanaw, matapat siyang tinanong ng mga dumalaw na kaibigan at kasama kung ano ang gusto niya sa kanyang burol. Sabi niya, “isang simpleng pumpon ng bulaklak na karit at maso.” Natupad iyun ng mga kaibigan at kasama. Pero itong nakapublikong nakasulat na parangal, ngayon pa lang. Paumanhin, Renan, pero nananatili kang buhay sa puso ng lahat ng nakakilala sa iyo at nagpapatuloy ng pakikibakang hinangad mong isulong at ipagtagumpay.

15 Hulyo 2017

 

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.