1Sambayan(an) laban kay Duterte

March 19, 2021

Nagsanib-puwersa ang makabayan at demokratikong mga grupo at personalidad para sa isang layunin, biguin ang pambato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Nagsama-sama ang mga makabayan at demokratikong pwersa para buuin ang koalisyong 1Sambayan na tatayo bilang nag-iisang oposisyon laban sa mga pambato ng administrasyong Duterte sa halalang 2022.

Naniniwala ang koalisyon na pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng nagkakaisa at malakas na oposisyon magagawang manalo laban sa mga otoritayang pwersa ni Duterte.

“Paulit-ulit namin itong pinagdiskusyunan, at ito ang napagkasunduan ng lahat: Na hangga’t hindi tayo nagkakaisa, hindi tayo mananalo sa 2022,” ani dating Chief Justice Antonio Carpio na isa rin sa mga lead convenor ng 1Sambayan.

Bukod kay Carpio, pinangungunahan din ang koalisyon ng iba pang kritiko ng administrasyon kabilang sina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at Brother Armin Luistro.

Kasama rin bilang convenors sina retiradong Navy Rear Admiral Rommel Jude Ong, dating Negros Occidental Gob. Lito Coscolluela, dating Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza, pangulo ng Partido Manggagawa na si Renato Magtubo, ang abogadong si Howie Calleja at Rickie Xavier.

“Nandito ang marami sa amin dahil nagkakasindo kami na gusto naming magkaroon ng iisang oposisyon para lubos na magapi ang mga pwersa ng tiraniya na naghari sa bansa natin sa loob ng limang taon,” ani Colmenares.

Sa kasalukuyan, ang 1Sambayan ang tumitindig na pinakamalapad na pampulitikang koalisyon na hayagang kontra-Duterte. Kinapapalooban ito ng iba’t-ibang sektor, organisasyon at partido na nagkakaisa sa kagustuhang wakasan na ang tiranikong paghahari ng administrasyon. Aasahan na lalo pang lalawak ang koalisyon habang lumalapit ang eleksiyong 2022.

Itakwil si Duterte

Hangad ng 1Sambayan na pamunuan ang isang kilusan na “maghahatid ng mabuting pamumuno sa sambayanang Pilipino” laban sa impunity, korupsyon, at palpak na pagtugon sa pandemya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Para kay Carpio, palpak ang gobyernong Duterte at hindi na umano dapat pang danasin ng mga Pilipino ang susunod na anim na taon sa ilalim ng kanyang tagapgmana.

“Dapat itakwil ng sambayanang Pilipino ang sinumang kilala sa diktadura at awtoritaryanismo… lahat ng responsible o kumukunsinti sa extrajudicial killings at ang pag-iisip ay pumatay, pumatay, pumatay … lahat ng mga lumalabag sa karapatang pantao… lahat ng nandambong sa gobyerno,” aniya.

Dagdag pa ng dating punong mahistrado, dapat ding itakwil ng mga Pilipino ang lahat ng mga ayaw depensahan at ipagtanggol ang pambansang teritoryo at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Sila ang pumipigil ng kaunlaran ng bansa. Sila ang responsible sa pagdurusa at paghihirap ng mamamayang Pilipino. Sila ang nagnakaw ng ating pambansang puri at dignidad,” giit niya.

Nanindigan ang 1Sambayan na bilang isang koalisyon ng mga demokratikong pwersa ay hindi ito kailanman mageendorso ng mga kumukunsinti sa tiraniya ni Duterte gaya ng anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte.

Pagkakaisa

Malinaw at simple lang ang kanilang estratehiya: pagkakaisa. Layon ng 1Sambayan na makapagluklok ng maaasahan at mapagkakatiwalaang administrasyon sa paparating na halalan 2022 sa pamamagitan ng pagbuo ng nagkakaisa at demokratikong hanay ng mga kandidato para sa pagkapresidente, bise-presidente at 12 senador.

“Sa ilalim ng iisang hanay na may iisang standard bearer, magiging malinaw na mayorya sa halalan ang mga Pilipinong nagmamahal sa demokrasya at lumalaban sa authoritarian na paghahari,” pahayag ng koalisyon.

Susi ang pagkakaisa para sa tagumpay ng layunin ng koalisyon. Batid nitong kailangang iwasan ang nangyari noong 2016 na nanalo ang isang presidente sa paramihan at hindi sa mayorya ng mga boto.

Ang pagiging watak-watak at kawalan ng iisang oposisyon ang isa sa mga nakikitang dahilan sa pamamayagpag ng mga pambato ng administrasyon sa senado at kongreso noong eleksyong 2019.

“Kailangan naming magkaisa dahil kung ang mga demokratikong pwersa ay magkakaroon ng isa o higit pang kandidato sa pagkapresidente, maaring manalo ang mga pwersang anti-demokratiko. Napakahalaga na magkaroon lamang ng iisang kandidato para kami ay manalo,” giit ni Carpio.

Kandidato

Hindi gaya ng mga tradisyunal na pampulitikang partido na pumipili lang ang iilang pinuno ng partido kung sino ang pattakbuhing kandidato batay sa popularidad, pinansyal na kapasidad, impluwensya sa partido at kakayanang manalo, mas demokratiko ang pagpili ng kandidato ng 1Sambayan.

Ilulunsad ng koalisyon ang isang online survey para alamin kung sino ang pinakanapupusuan ng mayorya ng mamamayan. Mula dito ay pipili sila ng kandidatong may integridad, maasahan, makabayan, at may tinatanaw para sa bayan.

Kailangan din umanong pumasa ang mga kandidato sa inilatag nilang pamantayan kabilang ang: malinis na track record (walang kinasangkutang kaso ng korupsyon); may wastong tindig sa mga isyu gaya ng pagtutol sa extrajudicial killings, sa pagpapakatuta sa dayuhang kapangyarihan, sa paglabag sa paghihiwalay ng kapangyarihan at iba pang prinsipyong laman ng konstitusyon; may solido at malamang plataporma sa pagtugon sa mga problemang bansa at plano para sa pagpapatupad nito; at may kakayanan at kahandaang manalo.

Ilan sa mga nakikitang kandidatong bubuo sa tiket ng koalisyon sina Vice Pres. Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, dating Sen. Antonio Trillanes, at mga senador na sina Nancy Binay at Grace Poe.

Bukas din ang koalisyon na tumanggap ng mga mungkahi at nominasyon mula sa publiko.

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.