Editoryal

Panahon na para magkaisa


Likas na sa tradisyunal na pulitika sa bansa ang pagbabalimbing ng mga pulitiko. Wala na raw permanenteng katapatan dito. Ang mayroon lang, permanenteng interes.

Hindi maipagkakaila ang timing.

Nagsimula ito noong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte. May nadaanan daw siyang eksena ng mga taong pumipila (para sa ayuda? para magpabakuna?) habang umuulan. Nakakaawa raw ang mga tao. Hindi sinabi kung anong eksaktong lugar, pero lumalabas na sa Maynila ang sinasabi niya. Noong nakaraang linggo, mas direkta si Duterte. Hindi pa rin binanggit ang lugar, pero ipagkakait daw niya ang ayuda sa isang lungsod sa Metro Manila dahil magulo ang pamamahagi nito. Nilait pa ang meyor: dati raw nagmomodelo nang naka-brief.

Malinaw na patutsada ito kay Manila Mayor Isko Moreno “Yorme” Domagoso. Hindi maipagkakaila ang timing, kasi bago ang SONA lumabas ang mga resulta ng sarbey sa mga posibleng kandidato sa pagkapresidente. Pumapangalawa rito si Yorme, papalapit na sa inaasahang pambato ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Nauna nang binira at inetsapuwera sa sarili niyang partido na PDP-Laban ang pangatlo sa sarbey, si Sen. Manny Pacquiao. Malinaw na hinahawan ng matandang Duterte ang landas patungong Malakanyang ng kanyang anak. Samantala, may mga nag-anunsiyo na ring balak tumakbo: si Sen. Panfilo Lacson, na may nakaraan bilang kandidatong humati sa boto ng oposisyon, at si dating Sen. Bongbong Marcos, na alyado ni Duterte at posibleng makipagsanib din ng puwersa sa naghaharing pangkatin.

Nababalita din ang pakikipag-usap ni Vice Pres. Leni Robredo sa iba’t ibang pampulitikang puwersa tulad ni Lacson, mga (dati?) alyado ni Duterte na sina Senate Pres. Tito Sotto at Sen. Richard Gordon. Ikinagalit daw ito ni dating senador Antonio Trillanes IV, na hindi pa nga raw makasingit ng miting sa VP. Pikon namang sinagot ng kampo ni Robredo ang bira ni Trillanes. Nakikipag-usap lang daw siya, hindi pakikipagkasundo.

Halatang hindi nagkakaisa ang oposisyon. Maliban sa mga panggulo, tila hindi mapamunuan ni Robredo ang iba’t ibang puwersa ng tradisyunal na oposisyon, lalo pa’t mababa siya sa sarbey. Tila may mga bumubulong naman sa kampo ni Robredo laban kay Yorme dahil hindi naman talaga daw siya tumindig laban sa rehimeng Duterte. At siyempre, ayaw din nitong makipagkaisa kay Pacquiao.

Likas na sa tradisyunal na pulitika sa bansa ang pagbabalimbing ng mga pulitiko. Wala na raw permanenteng katapatan dito. Ang mayroon lang, permanenteng interes. Walang totoong partido pulitikal sa bansa, kasi papalit-palit ang mga pulitiko depende sa kung sino ang nakaupo. Natural na kapag nakaramdam ang mga dating maka-Duterte na malapit nang magwakas ang rehimeng ito, lilipat ito sa kabila, sa oposisyon. Siyempre, bulok na pulitika ito.

Dapat itong mabago, at pangkalahatang pagbabago sa sistema ng pulitika ang magdadala rito. Pero sa kagyat, ano ang adyenda ng masa? Unahin na dapat ang pagwawakas sa kasalukuyang rehimen. Nangangahulugan ito ng pakikipagkaisa sa, at pagkakaisa ng, lahat ng nasa oposisyon. Nasa posisyon si Robredo na pamunuan ito. Hindi dapat isara ang oposisyon kina Yorme at Pacquiao. Kailangang patunayan nina Lacson, Sotto at Gordon na talagang tinalikuran na nila ang bulok at brutal na rehimen. Samantala, nariyan pa rin ang progresibong oposisyon at ang 1Sambayan, handang makipagkaisa at buuin ang pinakamalawak na hanay ng mga mamamayang titindig laban sa kasalukuyang rehimen.

Kailangang gawin ito habang may oras pa.