Husgahan Natin

Duterte bilang pangalawang pangulo?

July 21, 2021

Hangad ng Konstitusyon na limitahan ang termino ng isang nanunungkulang Pangulo sa loob ng anim na taon.

Sa isang pagpupulong ng PDP-Laban na ginanap noong unang linggo nitong Hulyo 2021, tinalakay na muli ng Pang. Rodrigo Duterte ang maaari niyang pagtakbo bilang Bise-Presidente sa darating na halalan sa 2022.

Isang resolution kasi na nagtutulak kay Pangulong Duterte na tumakbo bilang Pangalawang Pangulo sa darating na halalan ang inilabas ni Energy Secretary at PDP-Laban Vice-Chairman Alfonso Cusi sa pulong na iyon.

Bilang sagot, binanggit ng Pangulo na tumimo sa kanya ang pinakitang sentimyento ng kanyang mga kapartido na gusto siyang tumakbo bilang Pangalawang Pangulo sa darating na halalan.

Sinabi niya na seryoso na niyang pinag-iisipan ang pagtakbo bilang Bise-Presidente sa nasabing eleksyon. 

Nabanggit niya noong nakaraang buwan na ang pagka Bise-Presidente ay magandang pag-isipan dahil marami pa siyang hindi natapos na gawain, tulad halimbawa ng giyera kontra droga.

Ngunit maaari ding magsilbing kalasag para sa kanya ang pagiging Pangalawang Pangulo, kaugnay ng mga kasong isinampa sa kanya ng kanyang mga kritiko sa mga korte sa loob at labas ng ating bansa tulad ng International Criminal Court.

Ngunit inamin din niya na balewala ang kanyang pagiging Bise Presidente kung ang magiging Presidente ay hindi niya kaibigan.

Maala-ala natin na ang anak niyang si Sarah Duterte na kasalukuyang Mayor ng Davao City ay isa sa mga tinitingnang maging kandidato sa pagka- Pangulo dahil sa nakuha nitong mataas na rangko sa mga opinion polls na ginanap noong nakaraan.

Ngunit ayon kay Sarah, malabong mangyari ito.

Wala sa nasabing meeting si Sen. Manny Pacquiao, sapagkat siya ay nasa ibang bansa bilang paghahanda sa kanyang nalalapit na championship fight sa boksing. Maraming naniniwala na maaring tumakbo si Manny Pacquiao sa pagka-Pangulo sa halalan sa 2022.

Maala-ala na nitong nakaraan ay nagkaroon ng palitan ng maanghang na salita si Pang. Duterte at Sen. Pacquiao. Sinabi kasi ni Sen. Pacquiao na naging doble ang korapsyon sa ilalim ng administrasyong Duterte kung ihambing ito sa mga nakaraang administrasyon.

Ikinagalit ito ng Pangulo at sinabing patunayan ito dapat ni Sen. Pacquiao at tinakot pang kakampanya siya sa 2022 eleksyon laban sa senador kapag hindi napatunayan nito ang kanyang mga alegasyon.

Umabot na pati sa PDP-Laban ang hidwaang ito, at nagbunga ng pagkatanggal kay Vice -Chairman Alfonso Cusi bilang kasapi ng Partido dahil umano sa kanyang panghihikayat na lagdaan ng mga kasapi ang nasabing resolusyon na pumapabor sa pagtakbo bilang Bise-Presidente ni Pang. Duterte. Nagkataong ang pangulo ng PDP- Laban ay si Sen. Pacquiao.

Ngunit bumalik tayo sa mas mahalagang tanong: Maari ba talagang tumakbo si Pang. Duterte bilang Pangalawang Pangulo sa susunod na mga halalan?

Kung titingnan natin ang Artikulo VII , Seksiyon 3 ng ating 1987 Saligang Batas, ito ang sinasabi: “Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na amin na taon.” Sinasabi rin nito na “Ang Pangulo ay hindi maging karapat-dapat sa ano mang muling pagkahalal.”

Ayon kay Domingo Cayosa, tagapangulo ng Integrated Bar of the Philippines, dahil sa ang pinagbabawal lang ng ating Saligang Batas ay ang muling pagkahalal ng isang Pangulo sa dati niyang puwesto, maaari siyang tumakbo sa iba pang posisyon maliban lamang sa pagka-Pangulo.

Ganito rin ang paniniwala ni Retired Supreme Court Justice Vicente Mendoza. Ang pinagbabawal lang ng ating Saligang Batas ay ang muling pagtakbo bilang Pangulo ng isang dating Pangulo, sabi ni Justice Mendoza. Hindi nito pinagbabawal ang kanyang pagtakbo sa pagka-Pangalawang Pangulo.

Malinaw na maaring tumakbo sa pagka-Bise-Presidente si Pangulong Duterte. 

Pero iba ang paniniwala rito ni 1987 Constitutional Commission Delegate at dating Comelec Chairman Christian Monsod.

Ayon kay Monsod, ang pagtakbo ng isang Presidente sa pagkabise-Presidente ay maaring hindi hayagang lumalabag sa Saligang Batas ngunit sa malalim na pagtingin, ito ay lumalabag sa hangarin nito.

Hangad ng Konstitusyon na limitahan ang termino ng isang nanunungkulang Pangulo sa loob ng anim na taon. Ngayon, kapag hinayaan nating tumakbo bilang Pangalawang Pangulo ang isang nakaupong Pangulo sa hangaring hahalili siya sa pagre-resign ng bagong Pangulo, nilalabag natin ang limitasyon sa haba ng panunungkulan na sinasabi ng ating Saligang Batas, paliwanag ni Chairman Monsod.

Ganito rin ang paniniwala ng Dean ng College of Law ng Far Eastern University na si Mel Sta. Maria. 

Ang sinasabi ng Saligang Batas na hindi na maaring magpare-elect ang Presidente ay tumutukoy hindi lamang sa pagka Presidente kungdi pati na rin sa pagka Bise – Presidente, pahayag ni Dean Sta. Maria.

Sabi naman ni dating Senador Rene Saguisag, ang isang bagay na direktang pinagbabawal sa ilalim ng batas ay na hindi maaring labagin ng hindi tuwiran. 

Kaya kung pinagbabawal ng batas ang muling pagtakbo sa pagka- Pangulo ng isang dati nang Pangulo, pinagbabawal din ang pagtakbo ng isang dating Pangulo sa pagka – Pangalawang Pangulo. 

Ayon naman kay Atty. Romulo Macalintal, isang kilalang election lawyer ang pagtakbo ni Pang. Duterte bilang Bise- Presidente ay maaring “legally correct” ngunit ito ay nagpapakita ng “political weakness” ng PDP- Laban.

Walang pagbabawal kay Pres. Duterte ayon sa ating Saligang Batas na tumakbo bilang Bise-Presidente, wika ni Atty. Pimentel . Ngunit ang pagtakbo ni Pang. Duterte bilang Bise-Presidente sa ilalim ng PDP Laban ay magpapakita lamang ng kahinaan ng PDP-Laban sapagkat lalabas na wala itong na-develop na kandidato sa posisyong ito maliban lamang kay Pang. Duterte.

Sa panig ninyo mga mambabasa, dapat bang tumakbo sa pagka Pangalawang Pangulo si Pang. Duterte?

Kayo na ang humusga, mga kasama.   

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.