Tsismis, red-tagging, palusot sa karahasan

March 15, 2022

Ginagamit na namang palusot ang red-tagging at pang-iintriga laban sa kaliwa at oposisyon para ikatwiran ang pandarahas sa mamamayang lumalaban.

Sunod-sunod ang mga kaso ng pandarahas sa mga kampanyador at volunteer ng Makabayan Bloc at ng tambalang Robredo-Pangilinan matapos ang red-tagging at pagpapakalat ng tsismis ng administrasyong Duterte, at mga alyado nitong politiko.

 Matapos dagsain ng libu-libo ang mga rali at pagtitipon ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo, tila nagkoro sina Pangulong Rodrigo Duterte, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at Senador Ping Lacson sa pagpapalutang ng sabwatan daw ang Communist Party of the Philippines (CPP) at oposisyon para guluhin ang halalan at magtayo ng gobyernong koalisyon.

 Pinabulaanan kapwa ng CPP at kampo ni Robredo ang mga naturang intriga.

“Para klaro: kasinungalingan ito” ani Robredo.

“Once and for all: Kaliwa, kanan, taas, baba, lahat handa tayong pakinggan — basta tapat, mapayapa, at handang magtrabaho para iangat ang buhay ng Pilipino,” dagdag niya.

Ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, walang nabuo na anumang kasunduan ang CPP at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa anumang pampulitikang partido na tumatakbo sa halalang 2022. Hindi pa rin nito iniisip na magbuo ng gobyernong koalisyon sa ngayon.

“Nagpahayag lang sa publiko ang NDFP, at iba’t ibang peace advocates, ng pag-asang susuportahan ng mamamayan ang isang kandidatong magpapatuloy sa uspang pangkapayapaan para talakayin ang mga sosyo-ekonomiko at politikal na ugat ng kasalukuyang digmaang sibil,” ani Valbuena.

Pandadahas

Umaga ng Marso 13, pinagbabaril sa loob ng kanyang tahanan ang 65-taong gulang na si Larry Villegas, coordinator ng Bayan Muna Partylist sa General Santos City. Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang biktima na agad namang naisugod sa ospital.

Ayon sa Makabayan Socsksargen, bago ang pamamaril ay ilang ulit nang nakatanggap ng pagbabanta sa buhay si Villegas mula sa mga ahente ng military intelligence sa Region 12. Isa rin siya sa pangunahing puntirya ng red-tagging ng NTF-Elcac.

Umaga naman ng Marso 10, dinukot ng mga tauhan ng Philippine National Police Regional Office 4A ang kabataang magsasaka at staff ng Anakpawis Partylist-Southern Tagalog na si Jonathan Mercado sa kanilang bahay sa Silang, Cavite.

Protesta ng Anakpawis sa Moriones, Tondo. Cindy Aquino

Sa parehong araw, sinalakay rin ng PNP ang mga bahay ng mga kasapi ng Anakpawis sa Sitio Silangan at Talaba sa Bacoor, Cavite. Pinaputukan ng baril at sinuntok si Joel Salabanya, bise presidente ng Anakpawis-Cavite. Sugatan din sa pagsalakay sina Charlie Aquino, Richard Felipe at Johmelda Lucernas.

 Harasment at red-tagging naman ang dinanas ng mga magbubukid sa Sta. Maria, Isabela mula sa 502nd Infantry Brigade ng Philippine Army noong Marso 9. Puwersahan silang pinatiwalag sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at pinilit na sumali sa mga organisasyong itinayo ng militar.

Ayon pa sa UMA, pinaratangan din ni Brig. Gen. Danilo Benavides ng 502nd ID si UMA National Council Member Cita Managuelod bilang operatiba ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Ang mga biktima, pawang mga kasapi at volunteer ng mga partylist ng Makabayan Bloc at aktibong nangampanya para sa magpadalo sa mga pagtitipon ng kampong Leni-Kiko sa kanilang lugar.

“Nakakalungkot ang mga balitang hinaharas  at nirered-tag ang mga katropa natin sa Cavite at sa iba’t ibang bayan, lungsod at lalawigan kung saan lumalakas na ang ating hanay para maipanalo, magtataguyod ng gobyernong tapat,” sabi ni Senador Kiko Pangilinan. Tinawag din niyang “political harassment” ang pagdakip kay Mercado.

“Nananawagan kami sa PNP na huwag magpagamit sa mga pulitiko para supilin ang malinis at payapang pagusporta sa kampanya naming ni VP Leni,” aniya.

Ayon sa Anakpawis, ang mga serye ng karahasan laban sa kanilang mga kasapi ay pagsabotahe sa kampanya, at pakikialam ng pulis at militar, at ni Duterte sa malayang halalan.

“Malinaw na takot na takot ang mga pasistang magtagumpay ang Anakpawis at makaupo muli sa kongreso dahil alam nilang tunay ang pagtataguyod nito ng interes ng mga maralita na lupa, sahod, trabaho, paninirahan at karapatan,” ani Anakpawis National President Ariel Casilao.

Gaya ni Marcos

Kinundena ng Makabayan ang mga kasinungalingan na ito, bilang atake sa mga aktibista at karaniwang mamamayan.

“Bumabalik na naman ang NTF-Elcac sa luma at gasgas na nitong pakana na ginaya lang sa panahon ni Marcos,” sinabi nito sa isang pahayag.

Sinabi rin nitong natatakot na ang rehimeng Duterte kaya pinatitindi nito ang gasgas nang taktika ng red-tagging para harasin at takutin ang malapad at patuloy pang lulmalakas na demokratikong puwersa na gustong talunin sa tambalang Marcos-Duterte sa pamamagitan ng pagsuporta kay Robredo at Pangilinan.

Para kay Robredo, ang mga ganitong atake ay lalo lang magpapalakas sa kanyang kampanya.

“Nangyari ito sa Cavite, nangyari ito sa Bacolod. Lalo mong nilalagyan ng balakid, lalong nagtitrigger ang mga tao. Lalo lang umiinit ang puso ng volunteers na sabihin na hindi nila ito gusto at hindi ito dapat na ginagawa sa kanila,” aniya.


Featured photo: 2021 Pinoy Weekly file photo
Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.