Kababaihang obrero, nagprotesta vs ‘Contractual King’ ng SM

October 13, 2017

Isang protesta kontra sa ‘Contractual King’ ang isinagawa ng kababaihang manggagawa sa buong bansa.

Bagamat nasa listahan ng pinakamayayamang tao sa buong mundo si Henry Sy, kinukuripot umano ng negosyanteng may-ari ng SM Investments Corp. ang mga empleyado nito.

Nagkilos-protesta ang kababaihan sa ilalim ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan at Gabriela sa harap ng iba’t ibang sangay ng SM dahil sa laganap na kontraktuwalisasyon. Ayon sa kanila, mahigit sa 50,000 empleyado ng pinakamalaking mall, retail, at banking group sa bansa ang nanatiling kontraktuwal.

Dahil dito, tinaguriang “Contractual King” ng grupo ang bilyonaryong negosyante.

“Sa sobrang daming yaman na kinamal ng pamilyang Sy at ng kanyang stockholders, panahon na para ibalik nila ang napakalaking tubo na nilikha ng salesladies, baggers, utility, at iba pang trabahador,” ani Avic Gerodias ng KMK.

Pagtanggi ng SM, wala silang mga empleyadong kontraktuwal. “Seasonal employees” ang tinatanggap nila sa panahong marami ang namimili tulad ng Pasko, bagong taon, o magpapasukan.

Pero ayon kay Fr. Rex Reyes ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP), bagamat iba ang terminolohiya na ginagamit ng SM, malinaw na kapareho lamang ito ng anti-manggagawang kontraktuwalisasyon.

“Kontraktuwalisasyon pa din iyon dahil iniiwasan nito ang pagbibigay ng tama at nararapat na benepisyo sa kanilang mga empleyado,” ani Reyes.

Ang mga seasonal employees, tulad ng mga kontraktuwal na manggagawa, ay natatanggal sa trabaho pagkatapos ng kanilang ika-limang buwan dahil kung umabot sila ng anim na buwan sa serbisyo ay mapipilitan ang SM na iregularisa sila.

Dahil karamihan ng mga empleyado sa SM ay mga kababaihan, hinahamon ng Gabriela at KMK si Duterte at ang Department of Labor and Employment (DOLE) na panindigan ang naunan nitong sinabing ipatitigil ang kontraktuwalisasyon.

“Wakasan na ang hiring-firing, ang magastos na application process na pinipiga sa bulsa din ng manggagawa,” ani Gerodias.

Nais umano nilang papanagutin ang SM sa mga ginawa nitong pang-aabuso sa mahigit 50,000 nitong empleyadong kontraktuwal na hindi nakakatanggap ng sapat na benepisyo at walang kasiguruhan sa trabaho.

Kasabay ng protesta na naganap sa SM City North Edsa, nagsagawa rin ng pagkilos ang mga empleyado ng SM sa  Clark, Calamba, Bacolod, Delgado, Bicutan, Tunasan, at Maynila.


Marjo Malubay

Marjo Malubay

Marjo Malubay is one of our younger Pinoy Weekly reporters. A former staffer of The Catalyst, Polytechnic University of the Philippines' campus paper, Marjo currently studies journalism at the same university.