Militanteng kongresista nanawagan ng malawakang protesta laban sa ‘tiraniya ng mayorya’ sa Kamara

Binatikos ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang mga hakbang ng mayoryang maka-administrasyon sa Kamara para madaliin ang pagpasa ng House Resolution 1109 na magbubuo ng isang Constituent Assembly (Con-ass) para repasuhin ang Saligang Batas. Kaugnay nito, nanawagan si Mariano ng malawakang protesta laban sa pinakabagong hakbang ng mga alyado ng Malakanyang para maipasok ang mga […]

Binatikos ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang mga hakbang ng mayoryang maka-administrasyon sa Kamara para madaliin ang pagpasa ng House Resolution 1109 na magbubuo ng isang Constituent Assembly (Con-ass) para repasuhin ang Saligang Batas.

Kaugnay nito, nanawagan si Mariano ng malawakang protesta laban sa pinakabagong hakbang ng mga alyado ng Malakanyang para maipasok ang mga pagbabago sa Konstitusyon.

Posibleng kabilang dito ang pagdeklara ng “walang eleksiyon” sa 2010 o pagpapalawig ng termino ni Pang. Arroyo.

“Muli’t muli, ginagamit ng mga alyado ni Arroyo ang tiraniya ng mayorya sa Kamara para makasariling ilusot ang Charter Change sa layuning manatili (si Arroyo) sa poder habambuhay,” sabi ni Mariano.

Sinabi ni Espiker Prospero Nograles Jr. na kabilang sa kasunduan ng mga kongresistang pabor sa Con-ass ang ipatuloy ang eleksiyon sa 2010. Pero sa kabila nito, naniniwala ang mga miyembro ng oposisyon sa Kamara na madali lang na ilusot ng mga alyado ng Pangulo ang deklarasyong “walang eleksiyon” sa 2010 at pagpapalawig ng termino ni Arroyo.

“Malinaw na may basbas at pagpayag ang hakbang na ito ng mayorya ni Arroyo na walang planong bumaba sa puwesto sa 2010,” paliwanag pa ni Mariano.

Samantala, sinabi ni Senate Pres. Juan Ponce Enrile na “exercise in futility” ang pagpasa ng Kamara sa Con-ass dahil kailangan ng pag-apruba ng Senado para maipatupad ito. Hindi umano sang-ayon ang mayorya ng mga senador sa panukalang Con-ass.

“Lantarang pagmamaniobra at taktika ang hakbang na Con-ass ni Arroyo na maaaring dumulo sa hayagang pagsabog ng kumukulo nang panlipunang bulkan bago pa ang 2010,” sabi pa ni Mariano.