Istorya ng Linggo

Pamana ni Cory Aquino


Malay sa kahinaan ngunit tapat sa pangako ng paglaban, naging simbolo si Cory Aquino ng lumalabang sambayanang Pilipino.

Cory: Nagpoprotesta sa kalsada matapos maging pangulo. (KJ Rosales / PW File Photo, 2006)
Cory: Nagpoprotesta sa kalsada matapos maging pangulo. (KJ Rosales / PW File Photo, 2006)

Sa pagbaha ng papuri at parangal kay Corazon Cojuangco “Cory” Aquino, napapanahong suriin ang legacy o pamana ng yumaong dating pangulo sa pulitika at pamamalakad ng gobyerno sa bansa.

Matapos mamatay sa komplikasyon sa sakit na colon cancer noong Agosto 1, tila abot langit na ang pagpugay sa itinuturing na icon ng demokrasya sa bansa. Karamiha’y personal na mga papuri—si Cory bilang mabait, mapagkumbaba, at relihiyosong lider. Nababanggit din ang rekord niya bilang Punong Ehekutibo, ang panunungkulang walang bahid ng korupsiyon, pandaraya o pagsisinungaling. Nanggaling ang mga papuri mula sa mga nakasama niya sa kanyang administrasyon, at maging sa mga nakasama niya sa sumunod na mga pakikibaka ni Aquino matapos ang kanyang termino noong 1992.

Siyempre, pinarangalan din si Aquino ng libu-libong mamamayan na pumila para sulyapan ang labi niya sa De La Salle Greenhills at Manila Cathedral, at naghintay sa daraanan ng kanyang ataul sa Makati at Maynila mula Greenhills patungong Cathedral.

Maging ang mga progresibo’y nakiisa sa pagdadalamhati. Tinukoy ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagtindig ni Aquino sa panig ng mga mamamayan sa “laban kontra sa tiraniya.” Para naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU), “Namatay siyang alyado ng sambayanang Pilipino laban sa pagkitil sa mga kalayaang sibil at pagtulak sa adyendo ng Charter Change ni (Pang.) Arroyo.”

Si Jose Maria Sison at Cory, matapos mapalaya ang una noong 1986.
Si Jose Maria Sison at Cory, matapos mapalaya ang una noong 1986.

Ngunit pinakamakinang ang papuri ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Tinawag ang yumaong pangulo ng mga negosyador ng rebolusyonaryong kilusang naglulunsad ng armadong paglaban ngayon at kahit noong nanunungkulan si Aquino na “outstanding and inspiring figure” laban sa diktadurang Marcos. Kinilala rin ng NDFP ang pangunguna ni Aquino sa pagpapasimula sa usapang pangkapayapaan, pati na ang pagpapalaya sa daan-daang detinidong pulitikal ng nakaraang diktadura.

Lahat ng ito, maituturing na karapat-dapat.

Simbolo ng paglaban

Higit sa ano pa mang dahilan, karapat-dapat ang mga parangal dahil masasabing simbolo si Aquino ng paglaban. Higit sa aktuwal niyang nagawa bilang pangulo at lider ng kilusang kontra-diktadura at ng kampanyang kontra-Arroyo, tumatak sa isipan ng sambayanan ang imahe ni Aquino dahil sa mga sirkumstansiyang pumalibot sa kanya nang maitulak siya sa pamumuno ng mga kilusang ito.

Si Aquino mismo ang unang nagsabi: Hindi niya ginusto ang maging lider. Laman ito ng eulogy ng maraming kakilala, kabilang na ang kapatid na si Peping Cojuangco, sa necrological service kay Aquino sa Cathedral noong Agosto 4. Sa panayam ng magasin na Newsbreak noong Pebrero 2001 matapos ang Edsa Dos, sinabi rin ni Aquino: “I really didn’t want to be President. Then I looked forward to the end of my presidency. People couldn’t believe that I really wanted my presidency to end. But that really liberated me. In fact, I could be myself again.

Nariyan din ang anekdota hinggil sa planner diumano ni Aquino noong presidente pa siya: Literal daw na binilang niya ang mga araw bago siya bumaba sa puwesto noong 1992.

Sa antas personal, masasabing pambihira sa isang pangulo—laluna sa isang pangulong popular at nagmula sa elite—ang sadyang ayawan ang kapangyarihan. Pero higit pa rito, indikasyon ang naturang mga kuwento ng pagtanggap mismo ni Aquino na marami siyang hindi alam sa panunungkulan at sa bansang pinamunuan niyang makahulagpos mula sa diktadura.

Setyembre 1987 isyu ng National Midweek

Kahinaan at limitasyon

Isa marahil ito sa maituturong ugat ng mismong kahinaan niya sa panunungkulan. Samu’t saring puwersa mula sa iba’t ibang bahagi ang humila kay Aquino, iniimpluwensiyahan ang isang lider na aminadong may napakagandang intensiyon ngunit maraming inaaral pa lamang sa pamamalakad ng gobyerno.

Sa artikulong “Power Play” sa progresibong magasing National Midweek noong Setyembre 30, 1987 o mahigit isang taon matapos ang pag-aalsa sa Edsa, sinabing nahati sa apat na pangkatin ang administrasyong Aquino, nasangkot sa isang power play o agawan sa impluwensiya at kapangyarihan. Kabilang dito ang militar at ang Kanan; mga mambabatas na kaanak ni Aquino o malapit sa kaanak ni Aquino; mga negosyante (binansagan diumano na “Council of Trent”); at si Aquino at mahigpit niyang tagasuporta tulad ng noo’y executive secretary na si Joker Arroyo.

Si Cory noong 1987: Pag-endorso sa mga kandidato sa pagkasenador.
Si Cory noong 1987: Pag-endorso sa mga kandidato sa pagkasenador.

Panahon ni Aquino sumikat ang katagang “Kamag-Anak, Inc.”—patukoy sa impluwensiya ng mga kaanak ng pangulo na may maaaring ginagamit ang relasyon sa pangulo para makakuha ng bentahe sa gobyerno. Kalagitnaan ng termino ni Aquino noong Hulyo 1989, iniulat ng Midweek na inamin ni Aquino ang pagpapatuloy ng matinding korupsiyon sa kanyang panunungkulan, sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon ng isang koalisyong kontra-korupsiyon: “You are gathered again because disenchantment has started to set in and you wonder if 1986 was worth it…Corruption has returned, if not in the same scale, certainly with equal shamelessness.

Agosto 1987 nang sumiklab ang isa sa pitong madudugong tangkang kudeta na pinangunahan ng noo’y Col. Gregorio Honasan. Matapos mabigo ang kudeta, sadyang sinuyo ng ilang opisyal ng administrasyong Aquino ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines. Mula sa pagbibigay ng dagdag-sahod sa mga sundalo hanggang sa pagtukoy ni Bise Presidente Salvador Laurel sa mga “tagasuporta ng mga komunista o kundima’y komunista mismo”—nagmistulang naging pinakamakapangyarihang power broker ang militar sa loob ng gobyernong Aquino.

Itinuturo rin ang ilang elemento ng militar—partikular ang maka-kanang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa o RAM—na siyang nanabotahe sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino at NDFP noong 1987. Taong ito naganap ang masaker ng mga magsasaka sa Mendiola, gayundin ang asasinasyon sa progresibong mga lider na sina Lean Alejandro ng Bayan at Rolando Olalia ng KMU.

(Sa huling yugto ng buhay ni Aquino, noong 2008 sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Aquino na ang masaker sa Mendiola ang lowest point o “pinakamababang punto” ng kanyang panunungkulan. Noong 2004 nang maganap naman ang masaker sa Hacienda Luisita, sinabi diumano ni Aquino sa ilang lider ng progresibong mga organisasyon na matagal nang hindi nakikialam ang kanyang immediate na pamilya sa asyenda ng mga Cojuangco. Katunayan, may hidwaan na umano sa loob ng mga Cojuangco at hindi na sila nakakabahagi sa Luisita.)

Kasabay ng paglakas ng rebolusyonaryong kilusan, inilunsad ng militar ang madudugong kampanyang kontra-insurhensiya na bahagi ng planong low-intensity conflict na dinisenyo ng Central Intelligence Agency ng US. Natapos man ang diktadura ni Marcos, nagpatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao, laluna ang pamamayani ng tinatawag na maka-gobyerno at kontra-komunistang vigilante groups sa mga probinsiya.

Samantala, maliban sa apat na power brokers, pumangibabaw din ang impluwensiya ng gobyernong US at mga ahensiyang pampinansiya na pinangungunahan nito tulad ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank.

Noong 1989, naglabas ang gobyernong Aquino ng Letter of Intent (LOI) sa IMF. Laman nito ang pagsunod sa mga hakbang sa ekonomiya na idinidikta ng IMF na maipatupad bago nito paunlakan ang bagong pangungutang ng gobyernong Aquino. Kabilang sa mga hakbang ang pagsingil ng bagong mga buwis sa sambayanan, unti-unting pagsasapribado ng mga korporasyon at ahensiya ng utilities na pag-aari ng gobyerno, at pagkaltas sa subsidyo ng edukasyon, kalusugan at social welfare.

Pinangunahan din ng administrasyong Aquino ang renegosasyon sana ng baseng militar ng US noong 1991. Ibinasura ng Senado noon ang pagpapatuloy ng base militar ng US, sa kabila ng matinding pagtutol ng Ehekutibo.

Burol ni Cory sa Greenhills. (Ilang-Ilang Quijano)

Lumaban hanggang sa huli

Sa gitna ng lahat ng ito ang isang pangulong pilit na itinataguyod ang pagpapakahulugan niya ng demokrasya at paglaban sa tiraniya. Nakilala niyang banta sa demokrasya ang mga tangkang kudeta, ang kaliwa’t kanang rebelyon. Pero para maipagpatuloy ang paglaban sa mga bansa, kumiling si Aquino sa suporta ng gobyernong US at militar.

Hulyo 1980 isyu ng We Forum ni Joe Burgos, naglalaman ng istorya hinggil kay Ninoy Aquino. Nasa larawan si Ninoy, ang asawang si Cory at ang panganay na anak na si Ballsy.
Hulyo 1980 isyu ng We Forum ni Joe Burgos, naglalaman ng istorya hinggil kay Ninoy Aquino. Nasa larawan si Ninoy, ang asawang si Cory at ang panganay na anak na si Ballsy.

Sa kanyang pagbaba sa puwesto noong 1992, sandaling umatras mula sa pampublikong buhay si Aquino. Pero bago matapos ang termino ni Ramos noong 1997 at umugong ang mga tangka nito na repasuhin ang Saligang Batas para makatagal pa sa poder, muling lumabas si Aquino. Kasama si Jaime Cardinal Sin, ang simbahang Katoliko, oposisyon at progresibong mga organisasyon, nanawagan ng mga kilos-protesta si Aquino. Hindi nagtagumpay ang unang Cha-Cha.

Muling bumalik sa buhay-pulitika si Aquino nang manawagan din siya ng pagbitiw ni Pang. Joseph Estrada dahil sa mga akusasyon ng pagtanggap sa suhol. Dumulo ito sa pagpapatalsik kay Estrada sa bisa ng Edsa Dos noong Enero 2001.

Sa panahon ng administrasyong Arroyo, naging aktibo noong 2005 si Aquino sa kampanya para bumaba sa poder ang kasalukuyang pangulo dahil sa akusasyon ng pandaraya sa halalang 2004. Naging aktibo rin siya sa mga aksiyon laban sa mga tangkang Cha-Cha, gayundin sa eskandalong NBN-ZTE na ibinunyag ni Engr. Rodolfo “Jun” Lozada Jr. (Tunghayan ang mga larawan dito)

Sa huling pampulitikang pahayag ni Aquino noong Hunyo 10, 2009, madiin siyang nanawagan ng patuloy na paglaban sa tiraniya. “Nang mapalayas natin ang diktador, hindi ba’t ipinangako nating hindi na tayo papayag na mawala muli ang ating kalayaan? Subalit, narito muli tayo, sa gitna ng walang-hiyang pang-aabuso ng mga makapangyarihang nagnanais na sirain ang mga pinakapayak sa ating mga batas,” pahayag ni Aquno. (Basahin ang buong pahayag dito)

Sa huling yugto ng buhay ni Aquino, muli niyang isinabuhay ang kanyang ideya ng demokrasya: ang pagkakaroon ng kalayaang sibil, malayang eleksiyon, kalayaan sa pamamahayag at mapayapang pagpapalit ng kapangyarihan.

Sa kabila ng malinaw na mga limitasyon ng kanyang panunungkulan, kinatawan ni Aquino ang ideyang ito ng demokrasya. Sa pagsuporta niya sa sinupil na asawang si Ninoy Aquino noong Batas Militar, nahasa ang katapangan ni Aquino na humarap sa tiraniya. Ayon sa mga kuwento, sinabi ni Aquino sa bangkay ng kanyang pinaslang na asawa: “Ipagpapatuloy ko ang laban mo.”

Ipinagpatuloy nga niya, at nagwagi siya. Magmula noon, naging simbolo na siya ng katapangan sa harap ng paninikil. Higit sa lahat, pinakamaningning na ambag ni Aquino sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino ang pagbigay ng mukha sa mga labang kinaharap at kinakaharap pa ng bansa ngayon.

Higit sa pamumuno sa gobyerno ng bansa, naging simbolo siya ng lumalabang sambayanan. Naging mukha si Aquino ng paglaban sa diktadura—at pagharap sa lahat ng pagsubok sa gitna ng paglabang ito.

Ito marahil ang mas matimbang na maaaring maging pamana ng isang lider ng bayan tulad ni Cory Aquino.