Tangkang ‘puwersahang’ pagpasa ng HR 1109 kinonenda ng senador

KINONDENA ni Sen. Francis Pangilinan ang tinatangkang “puwersahang pagpasa” ng House Resolution 1109 para sa pagbubuo ng Constituent Assembly na kabilang lamang ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. “Walang badyet, walang panahon, walang kakayahan ang Comelec sa referendum na binabalak nila. Kung bakit nila pinipilit ang Charter Change ay nakakapagtaka at nakakabahala. Sino […]

KINONDENA ni Sen. Francis Pangilinan ang tinatangkang “puwersahang pagpasa” ng House Resolution 1109 para sa pagbubuo ng Constituent Assembly na kabilang lamang ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Walang badyet, walang panahon, walang kakayahan ang Comelec sa referendum na binabalak nila. Kung bakit nila pinipilit ang Charter Change ay nakakapagtaka at nakakabahala. Sino ang nasa likod ng puwersahang pagpasa nito? Bakit nila pinipilit ang bagay na isinusuka ng taumbayan?” sabi ni Pangilinan sa isang press statement.

Kapag ipinasa ang HR 1109, balak ng Kamara na buuin ang Constituent Assembly sa muling pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 27, matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo.

Sinabi ng senador na nag-aaksaya ng panahon at rekurso ang mga kongresista dahil mangangahulugan ang HR 1109 ng “abolisyon ng Senado” na hindi pa nangyayari sa kasaysayan.

Gayundin, idineklara na rin umano ng Commission on Elections, na nakatutok sa paghahanda sa 2010 halalan, na hindi nito kakayaning magdaos ng referendum para sa Cha-Cha.

Walang nakalaang pondo para sa Cha-Cha kaya’t imposible itong maisagawa kahit pa sabihing pumayag ang Korte Suprema sa Constituent Assembly nang walang partisipasyon ng Senado, dagdag pa ng senador.

Si Pangilinan ang awtor ng isang resolusyon, inaprubahan ng lahat ng senador, na nagpapahayag na labag sa Konstitusyon ang anumang tangka na amyendahan ng Kamara ang Konstitusyon nang hindi bumoboto bilang hiwalay na kapulungan ang Senado.

Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na “exercise in futility” ang HR 1109.

“Huwag niyo nang pag-abalahan,” sabi ni Enrile sa mga kongresista ng mayorya na habang sinusulat ang balitang ito ay pinagdedebatihan pa sa plenaryo ang HR 1109.