2010 presidentiables: Kapos sa pamantayang bayan
May pag-asa pa ba ang mga mamamayan sa susunod na halalan? Ano ang criteria ng mga mamamayan para makapamili ng kandidatong karapatdapat ng ating boto? May inilatag na mga panuntunan ang grupong Pagbabago! at Ibon Foundation.

Tumatakbo ang kasalukuyang pangulo sa isang mas mababang posisyon. Isang dating pangulo na pinatalsik sa puwesto ang nagsusumikap makabalik ng Malakanyang. Nangunguna sa mga kumakandidatong pangulo ang isang natatangi lamang dahil sa bitbit na pangalan ng kanyang magulang.
Mga indikasyon ito, ayon sa independiyenteng think-tank na Ibon Foundation at Pagababago! (People’s Movement for Change), ng lalim ng pagkabulok ng sistemang pampulitika sa bansa.
Gayumpaman, may nakikita silang posibilidad ng pag-asa para sa darating na halalan. Ito ay kung mapag-uusapan at mamumulat ang mga mamamayan sa umano’y tunay na pamantayan ng pagiging isang lider .
“Kailangan ang mga pamantayang ito para maibalik ang makabuluhang debate sa panahon ng halalan,” ayon kay Rosario Bella Guzman, executive editor ng Ibon Foundation. “Mainam ang mga pamantayang ito hindi lamang dahil pipiliin natin ang ‘lesser evil.’ Kundi, ipinapakita ng mga ito kung saan tayo posibleng dalhin ng mga kandidato kapag sila ay nanalo.”
Bago’t luma sa halalan
Bagaman maraming bago sa halalan sa Mayo—pangunahin ang pangamba ng failure of elections at pagmamaniobra ni Arroyo na manatili sa puwesto—nananatili ang luma nitong karakter na paligsahan ng “pera, impluwensiya, at lakas (o guns, goons, and gold),” ayon kay Dr. Rolando Tolentino, dekano ng College of Mass Communications – Unibersidad ng Pilipinas at co-chairperson ng Pagbabago! sa isang porum noong Marso 25 para ilahad ang People’s Criteria o “Pamantayang Bayan” para sa pagpili ng mga kandidato.
Binaybay ni Tolentino ang deklaradong yaman ng kumakandidatong mga pangulo (nangunguna ang P1.05-Bilyon ni Manny Villar ng Nacionalista Party; pumapangalawa ang P232-Milyon ni Gilbert Teodoro ng Lakas-Kampi). Kinumpara niya ito sa sinusuweldo ng isang pangulo, na aabot lamang sa P82,400 kada buwan o halos P3-M sa buong termino sa Malakanyang.
Kaya’t malinaw ang personal na interes sa kapangyarihan na hinahabol ng mga kumakandidato, ani Tolentino. Pinakalitaw umano ang interes ni Arroyo na tumatakbong kongresista ng Pampanga, at walo pa niyang gabinete na tumatakbo sa iba’t ibang lokal na posisyon (wala pa rito ang mga alyado ni Arroyo na sumailalim sa mga party-list).
“Nagaganap ang puwestuhang ito sa gitna ng malubhang kahirapan ng mga mamamayan,” sabi pa ni Tolentino. Ayon sa Ibon Foundation, nasa 70 porsiyento ng mga Pilipino ang naghihirap o nabubuhay lamang sa P86 pababa kada isang araw. Sa kabila ito ng ipinagmamalaki ni Arroyo na pinakamataas na antas ng paglago ng Gross Domestic Product o GDP (nasa 4.5 porsiyento) kumpara sa nagdaang mga administrasyon.
Ipinapakita nito na marahil, hindi ang kakayahang pataasin ang GDP ang kailangan ng mga mamamayan. Binuo ng Ibon Foundation at Pagbabago! ang People’s Criteria batay sa 12 katangian sa tingin nila’y dapat taglay ng isang lider para makapagpatupad ng makubuluhang pagbabago sa lipunan.