Migrante

Zero Remittance Day at political maturity ng mga OFW


Idineklara na ng mga migranteng Pilipino ang darating na Disyembre 18, International Migrants Day, bilang Zero Remittance Day (ZRD). Ang ZRD ay isang araw ng hindi pagpapadala ng remitans, isang porma ng protesta na kaiba sa mga Overseas Filipino Worker. Gaano nga ba ka-epektibo ang ZRD bilang porma ng protesta?

Idineklara ng mga lider-OFW sa iba’t ibang bansa ang Disyembre 18, International Migrants Day, bilang Zero Remittance Day (Contributed Photo)

Idineklara na ng mga migranteng Pilipino ang darating na Disyembre 18, International Migrants Day, bilang Zero Remittance Day (ZRD). Ang ZRD ay isang araw ng hindi pagpapadala ng remitans, isang porma ng protesta na kaiba sa mga Overseas Filipino Worker (OFW). Una itong isinagawa noong 2008 sa pangunguna ng Migrante International, isang pandaigdigang alyansa ng mga OFW, upang iparating ang mga hinaing na hindi umano pinakikinggan ng gobyernong Arroyo.

Sa ilalim ng gobyernong Aquino, ZRD muli ang ikinakasa ng mga OFW. Gaano nga ba ka-epektibo ang ZRD bilang porma ng protesta? At ano ang sinasabi nito hinggil sa ating mga OFW?

Ngayong taon, inihayag ng Migrante na hindi bababa sa 20 bansa ang lalahok sa ZRD. Sa Disyembre 18, hindi magpapadala ng remitans ang mga OFW sa Australia, Hong Kong, Japan, South Korea, Macau, New Zealand, Taiwan, Saudi Arabia, Qatar, Libya, United Arab Emirates, Austria, Belgium, Denmark, Italy, Netherlands, Switzerland, United Kingdom, Canada, at United States.

“Sa kapangyarihan ng hindi pagpapadala ng aming remitans sa loob ng isang araw, nananawagan kami kay Pangulong Aquino na aksiyunan at ibigay ang sumusunod,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Una, ang mas mataas na subsidyo ng gobyerno sa mga direktang serbisyo para sa mga OFW, sa gitna ng budget cut sa Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, at iba pang ahensiya.

Ikalawa, ang full audit at imbestigasyon ng pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at pagbasura sa OWWA Omnibus Policies.

Ikatlo, ang pag-alis sa mandatory na kontribusyon at buwis sa Pag-Ibig, Social Security System (SSS), at insurance mula sa mga OFW.

Ikaapat, ang pagbigay ng legal assistance sa mga OFW na nasa death row at piitan, at pagpapauwi ng mga OFW na stranded ngayong Kapaskuhan.

Ikalima, isang tunay at sustenableng reintegration program para sa nagbalik sa mga OFW, na nakabatay hindi sa mga pautang, kundi sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa.

Tinig na di naririnig

Para sa mga lider-migrante mula sa iba’t ibang bansa, lalong lumala ang kanilang kalagayan. Kaya umano, marapat at matuwid lamang ang pagkasa ng ZRD, na inaasahang makakaapekto sa daan milyong dolyar na kinikita ng gobyerno at malalaking bangko sa loob ng isang araw.

May mahigit 10 milyong OFW sa buong mundo, na nagpapadala ng remitans na tinatayang nagkakahalaga ng $1-Bilyon kada buwan.

“Nais naming maipakita ang aming lakas. Isa itong protesta na simbolo ng mahalagang papel na ginagampanan ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa,” ayon kay Mara Ibarra, pangkalahatang kalihim ng National Alliance for Filipino Concerns (Nafcon), isang alyansa ng mga grupong OFW sa US.

Sinabi ni Ibarra na pinalala ng krisis pang-ekonomiya sa US ang kalagayan ng tinatayang apat na milyong Pilipino, ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga OFW sa iisang bansa. “Dahil sa kawalan ng trabaho, nagtitiis na lamang sila. Kahit na maging biktima sila ng human trafficking o hindi sahuran nang tama,” aniya. Lalahok sa ZRD ang mga OFW sa pinakamamalaking siyudad sa US.

Samantala, bagaman hindi kasing-laki nang sa US, malaki rin ang epekto kung titigil sa pagpapadala ng remitans ang may halos 150,000 na OFW sa Hong Kong. Ayon kay Dolores Balladares, tagapangulo ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-HK), lalahok sa ZRD ang 100 organisasyon sa ilalim ng kanilang alyansa.

Paliwanag niya, “Wala kasing aksiyon ang gobyernong Aquino sa matagal na naming mga hiling. Gaya na lamang ng mandatory insurance na hindi namin kailangan, dahil may insurance na rin kaming binabayaran. Pasanin lamang ito. Inilapit na namin ito sa lahat ng opisyal ng gobyerno rito, pero di kami pinakikinggan.”

Umaasa siya, at iba pang OFW, na sa pamamagitan ng ZRD ay mapapakinggan sila. “Kadalasan kasi, nagiging visible o napag-uusapan lamang ang isyu ng mga OFW kapag may bibitayin na. ‘Yung iba pa naming concerns, madalas na ine-etsa puwera,” ani Balladares.

Inirereklamo rin ng mga OFW sa Middle East ang mandatory na  kontribusyon sa SSS at Pag-Ibig. Ang iba’y hindi na rin nagre-remit ng kanilang kontribusyon bilang porma ng protesta, ayon kay John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME, na isang taon nang hindi nagre-remit sa SSS. “Dapat kasi hindi mandatory, kundi nakadepende sa gusto at pangangailangan ng bawat pamilya. Ang mentalidad kasi ng gobyerno, gawin kaming gatasan. ‘Eh karamihan naman sa mga OFW sa Middle East, nasa US$500 hanggang 600 lamang ang kinikita,” aniya.

Dahil sa pagkilos ng mga migrante, may nakamit na rin silang mga bahagyang tagumpay. Ang  kontribusyon sa Pag-Ibig na dapat ay P600, nailaban nilang gawin na lamang P100. At “pinag-aaralan” pa lamang Bureau of Internal Revenue na buwisan ang kontribusyon sa SSS, maingay na ang kanilang pagtutol.

Kuwento naman kay Gil Lebria, isang lider-migrante na na-deport mula sa Kuwait dahil sa political harassment at na-repatriate naman mula sa Libya dahil sa giyera, mahirap magbalik sa Pilipinas para maghanapbuhay dahil sa kawalan ng tunay at sustenableng reintegration program.

Tanging inaalok ng OWWA ay mga pautang na hanggang P15,000 lamang kada OFW. Para sa marami, hindi ito sapat para makapagtayo ng maliit na negosyo. Marami ring rekisitos na hinihingi ang OWWA, gaya ng titulo ng lupa o rehistro ng sasakayan bilang guarantee. “Eh karamihan nga ng mga OFW, wala namang sariling lupa o sasakyan,” aniya.

Tuluy-tuloy din umano ang pang-aabuso sa mga OFW, gaya na lamang ng walong Pilipina mula sa Kuwait na nakasabay niya sa eroplano pauwi ng bansa. Umano’y biktima ang kababaihan ng panggagahasa, ngunit sila pa ang kinasuhan ng absconding (pag-aabandona) ng kanilang mga amo. “Gaya nang sa marami pang mga kaso, walang nagawa ang gobyerno para tulungan sila,” malungkot na kuwento ni Lebria.

Sukatan ng tagumpay

Ginanap noong Oktubre 29, 2008 ang unang ZRD sa okasyon ng pulong ng GFMD sa Pilipinas (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Isinagawa ng Migrante ang unang ZRD noong Oktubre 29, 2008, sa okasyon ng pulong ng Global Forum on Migration and Development (GFMD) sa Maynila. Tinawag ito ng Migrante na “simbolikong protesta” laban sa modern-day slavery at sa pagbabandila ng GFMD sa migrasyon bilang sandata ng pag-unlad. Ayon sa grupo noon, “Dahil sa patakarang labor export, itinuturing na kalakal at gatasan ng iba’t ibang bansa ang mga OFW, samantalang walang proteksiyon at pagrespeto sa kanilang mga karapatang-tao.”

Noon, binalaan ng Malakanyang ang Migrante laban sa umano’y “economic sabotage” na dulot ng ZRD. Makaraan naman ang ZRD, minaliit ng Department of Finance at malalaking bangko ang epekto nito, at binansagang “bigo.” Tila di alintana ng gobyerno ang punto ng protesta–na tugon sa mga hinaing, at hindi pagtuligsa, ang hinihingi at kailangan ng mga manggagawang migrante.

Ayon kay Monterona, malinaw na nagkaroon ng epekto ang unang ZRD. Halimbawa na lamang sa Qatar, inulat umano ng lokal na pahayagang Qatar Peninsula na walang nakapag-remit noong araw na iyon sa mga bangko, ayon mismo sa isang opisyal ng Western Union, isa sa pinakamalaking daluyan ng remitans.

Inilunsad naman ang ikalawang ZRD noong Hulyo 26, 2009, bilang protesta ng mga OFW sa hakbang ni dating pangulong Arroyo na baguhin ang 1987 Konstitusyon para makapanatili sa puwesto. Idineklara rin itong tagumpay ng Migrante.

Sa ngayon, walang malinaw na estadistika na kayang magsukat ng tiyak na epekto ng ZRD sa daloy ng remitans sa bansa. Ayon kay Monterona, “Dahil isang araw lamang ito, posibleng walang makikitang epekto sa daloy ng remitans para sa isang buong buwan. Kaya’t hindi totoo na ang ZRD ay isang porma ng economic sabotage. Pero hindi rin pwedeng maging tuntungan ito para masabing bigo o walang epekto ang protesta. Aminin man nila o hindi, may impact ito sa gobyerno at sa malalaking bangko.”

Higit pa rito, ayon sa lider-migrante, ipinapakita ng protesta ang tumataas na antas ng pampulitikang kamulatan ng mga OFW. “Ang isang araw na di pagpapadala ng remitans ay isang aksiyong pampulitika ng mga migranteng Pilipino. At dahil sa kanilang masiglang pagtugon, makikita na nagkakaroon na nga sila ng political maturity. Sa pagtindi ng atake sa mga OFW at kawalang-aksiyon ng gobyernong Aquino, posibleng maging mas madalas pa ang mga ZRD,sabi ni Monterona.

Kung mangyayari iyon, tiyak na aaray ang gobyerno. Tiyak din kaya itong kikilos, sa wakas, para sa kapakanan ng mga OFW?