Kababaihan vs militar ng US


Halos araw-araw ang protesta sa US Embassy. Ipinanawagan ng mga militante ang pagbasura sa RP-US Visiting Forces Agreement. Nangunguna sa mga protesta ang kababaihang magdiriwang ng kanilang araw sa Marso 8.

SA BANGKETA, isang yunit ng pulisya ang nakatalaga. Pagtawid ng kalsada, ibang yunit na. Sa lugar na ito, nakadeploy ang isang iskuwad ng SWAT. May palaging umaali-aligid na bruskong mga Amerikano, nakadamit sibilyan, nagraradyo-radyo. Ang naturang yunit sa bangketa at kalsada, halos buong panahong gawain ang bantayan ang isang gusali sa Roxas Boulevard sa Manila – ang embahada ng tinaguriang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.

Noong Marso 2, nagimbal sila. Isang grupo ng kababaihan ang biglang pumplanka sa bangketa. Kaharap ang embahada, ang mga ahenteng Amerikano, naka-truncheon na mga pulis at ang iskuwad ng armadong SWAT, nagladlad sila ng mga karatula: “Ibasura ang VFA!” “US troops, out now!” “US government: coddler of rapist soldiers.”

Kasama ang grupo ng mga empleyado ng gobyerno, pinagtulakan ang kababaihan – mga nanay at kabataan sa ilalim ng Gabriela – ng mga pulis, hanggang maipit sila sa grill ng bangketa. Pero patuloy ang pagsigaw ng mga panawagan. Patuloy ang pagkondena sa “gobyernong nagkakanlong sa mga mapagsamantala.”

Paghahanda sa laban

Ang naturang mga panawagan ang bitbit ng Gabriela sa pagdiriwang nila ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Marso 8. Tulad ng nakaraang mga taon, nakatakdang magprotesta ang grupo sa araw na iyon.

Hindi bago sa Gabriela ang pagutol laban sa presensiya ng tropang militar ng US sa bansa. Sa pagkatatag pa lamang nito sa panahong uimiinit ang paglaban sa diktadurang Marcos noong Marso 1984, isa na sa pinakaunang pinanindigan ng Gabriela ang paglaban sa mga baseng militar ng US. May mahabang rekord ang militar ng US ng pandarahas sa kababaihan sa iba’t ibang lugar sa mundo na namamalagi ito. Kasama na sa mga lugar na ito ang Subic, Zambales at Clark, Pampanga.

Hindi na bago ang protesta, tila may pagkakaiba ang taong ito para sa Gabriela. Sa unang pagkakataon matapos maibasura ang RP-US Military Bases Agreement noong 1991 at mapalitan ito ng VFA noong 1998, napakalakas ang pagkuwestiyon sa publiko ng presensiya ng militar ng US. Bagamat matagal nang inirerehistro ng militanteng mga grupo ang hangad na pabagsakin ang “imperyalismong US,” ngayon pa lamang malakas na nagrehistro ng pagtutol ang ilang hukom ng Korte Suprema laban sa VFA.

Sumunod na nagpahayag sina Sen. Joker Arroyo, Miriam Santiago, Francis Pangilinan, Jamby Madrigal at iba pang senador. Inilantad pa ng nauna ang “sikretong” kasunduan sa pagitan ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo at US Ambassador Kristie Kenney na nagsasabing maaaring ikulong sa “napagkasunduang lugar” tulad ng embahada ng US ang nahatulang manggagahasa na si Lance Cpl. Daniel Smith sa halip na sa kulungan ng Pilipinas tulad ng Bilibid.

Samantala, nalantad din sa publiko ang karahasang dulot ng presensiya ng militar ng US sa porma ng ehersisyong militar na Balikatan. Noong Pebrero 18, binomba ng 901th Infantry Battalion ng Philippine Army ang dalawang bahay ng sibilyan sa Brgy. Balanac, Ligao, Albay. Isang apat na buwang sanggol ang nasawi at siyam na iba pang bata at sibilyan ang malubhang nasugatan. Binansagan ang naturang operasyon na “bahagi ng clearing operations” para sa Balikatan.

Halos timing naman sa mga debate ukol sa VFA ang pagbasura ng US court martial sa kasong panggagahasa sa isang Pinay sa Okinawa, Japan ng isa na namang sundalong Kano na nagngangalang Sgt. Ronald Hopstock.

Aaraw-arawin

Ngayon hanggang Marso 8, halos aaraw-arawin ng Gabriela at iba pang militanteng grupo ang pagprotesta sa embahada ng US. Sa bawat pagkakataon, kapag nakakatapak lampas sa bangketa sa kabilang bahagi ng tapat ng embahada, dagliang idinidispers ng pulisya ang mga demonstrador. Pero hindi papipigil siyempre ang Gabriela.

“Dagdag ang VFA sa napakaraming kasunduan at patakaran sa ekonimiya ng bansa na pumapabor sa inters ng Amerika. Lalo pang naging bulnerable ang bansa sa tama ng krisis at sa matinding pagsasamantala ng mga higanteng dayuhang monopolyong korporasyon dahil sa mga patakarang deregulasyon, liberalisasyon at probatisasyon na ipinapatupad ng mga naunang administrasyon at pinalala ng sagad-sagaring tuta na si Gloria Macapagal-Arroyo,” pahayag ng Gabriela.

Sa Marso 8 rin pasisimulan ng grupo ang buong taong pagdiriwang nito ng ika-25 anibersaryo. Dinaanan na ng Gabriela ang limang presidente sa pagtaguyod nito sa interes ng kababaihan, mula sa demokratikong mga karapatan ng sektor na ito hanggang sa pampulitikang mga isyung may direktang epekto sa kababaihan laluna sa mga maralita.

Wala nang bubuti pa na ipagdiwang ang selebrasyon nila, ayon sa Gabriela, kundi ang pagrehistro ng pagtutol sa isa sa mga polisiyang nagpapanatili sa tagibang na relasyon ng Pilipinas sa US.