Magsasaka sa Hacienda Luisita, muling pinalalayas ng pamilya Cojuangco


Tumungo sa camp-out sa harap ng House of Representatives sa Batasan Complex, Quezon City ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa Tarlac City para iprotesta ang panibagong banta ng pamilya Cojuangco na paalisin sila mula sa mga lupang sinasaka. Sa isang bagong memorandum, sinabi ni Hernan Gregorio Jr., Assistant Estate Manager ng HLI, […]

Tumungo sa camp-out sa harap ng House of Representatives sa Batasan Complex, Quezon City ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa Tarlac City para iprotesta ang panibagong banta ng pamilya Cojuangco na paalisin sila mula sa mga lupang sinasaka.

Sa isang bagong memorandum, sinabi ni Hernan Gregorio Jr., Assistant Estate Manager ng HLI, na mayroon na lamang ang mga magsasaka hanggang Oktubre 30, 2009 para lisanin ang 2,000 ektaryang lupaing inookupahan.
Bahagi ang lupaing ito ng 6,000 ektaryang asyenda kung saan namatay ang pitong manggagawang-bukid sa isang masaker noong 2005.

“Matapos kanselahin ng Department of Agrarian Reform ang Stock Distribution Option sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang mga magsasaka na ang tunay na nagmamay-ari ng lupa,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Kinansela ng Presidential Agrarian Reform Council ang iskemang SDO noong 2005, isang taon matapos ang welga at masaker sa HLI, at iniutos na ibalik ang lupain sa mga benepisyaryong magsasaka.

Ngunit inireklamo ni Rene Galang, presidente ng United Luisita Workers’ Union (ULWU), na isang araw matapos aprubahan ng Kongreso ang Joint Resolution No. 1 noong Disyembre 17, 2008, agad natanggap ng mga magsasaka ang “memorandum of death” mula sa mga Cojuangco. Ang Joint Resolution No. 1 ay panukala para sa ekstensiyon ng CARP.

Nakasaad sa naturang memorandum na ito ay isang “Formal Notice for you to discontinue and desist from using, cultivating, planting or possessing said parcel/s of land on or before October 30, 2009.”

Iginiit ni Galang na nasa kanila ang karapatan at dahilan para sakahin at paunlarin ang asyenda. “Hindi na pagmamay-ari ng pamilya Cojuanco ang HLI,” aniya.

Kasalukuyang nakakampo sa harap ng HOR ang mga kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas para igiit ang pagbabasura sa CARP at pagsasabatas ng House Bill 3059 o Genuine Agrarian Reform Bill.