Nanay Masang: Modernong Tandang Sora
Isinasalarawan ng buhay ng isang magiting na lider-kababaihan sa Cavite kung bakit tutol ang mga magsasaka sa Comprehensive Agrarian Reform Program at sa Charter Change.

Ano ang ginagawa ng isang lola sa kampo-protesta laban sa Charter Change?
Masayahin, ngunit may malalim na gatla, ang mukha ng 86-anyos na si Damasa de Castro. Noong Abril 21, bumiyahe siya mula sa Cavite patungong Batasan Complex sa Quezon City para tanggapin ang isang natatanging parangal.
Kapirasong papel lamang itong inihanda ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Pero ipinagmamalaki ni Nanay Masang ang Gawad Kababaihang Magbubukid ng Siglo, na iniabot sa kanya ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa isang simpleng seremonya sa loob ng Kamara.
Tila kuwentong-bayan na pala ang kagitingan ni Nanay Masang bilang lider-kababaihan sa Cavite.
Binigo ng CARP
Ang 372-ektarya na kinabibilangan ng sakahan nina Nanay Masang ang isa sa kakaunting lupain sa buong Cavite na tinatamnan pa rin ng mga magsasaka, ayon sa mga tagaroon.
Kalakhan ng probinsya, palibhasa’y malapit sa Kamaynilaan, tila sinakop na ng mga pabrika, pribadong subdibisyon, at komersyo. Pero hindi ang mga lupain sa Brgy. Langkaan I at Pala-Pala sa Dasmarinas, at Brgy. Adlas sa Silang. Dito, nakapagtatanim pa rin ang mga magsasaka ng palay, mais, gulay, at prutas.
Inokupahan nila ang lupa noong dekada ’90 nang mabigo ang gobyerno na ibigay ito sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Bagaman naroroon na sa lugar ang mga ninuno ni Nanay Masang bago pa man ang panahon ng mga kolonyalistang Amerikano, hindi niya natikman ang kaginhawaan ng pagkakaroon ng sariling lupa. Lumaki siyang nanggagapas ng tubo, sa sahod na P5 kada araw.
Pagmamay-ari ang lupa ng mayamang angkan ni Emerito Ramos. Nang maisabatas ang CARP noong 1988, nag-aplay ang mga magsasaka na mailipat ito sa kanila. Isinailalim naman ito ng gobyernong Aquino sa compulsory land acquisition.
Gayunpaman, hindi ibinigay ng Department of Agrarain Reform ang kanilang mga Certificate of Land Ownership Award. Nakahanap ng lusot ang may-ari—aniya’y bago pa man ang CARP, naaprubahan na ng lokal na gobyerno ang pagpapalit ng lupa sa gamit-industriyal at komersiyal.
Giit naman ng mga magsasaka, walang mga dokumentong naisumite ang may-ari bilang patunay na may kakayahan itong idebelop ang lugar; at para sa lupaing agrikultural pa rin ang ibinabayad nitong buwis.
Kakaibang tapang
Si Nanay Masang na rin ang nanghikayat na huwag silang magpatali sa di-pagkakaloob ng CLOA. Unti-unti, sinimulan nilang okupahan ang tubuhan. Ang pagsasaka na dati’y sa gilid ng bangin lamang pinapayagan, naging sa ekta-ektarya. Naging “bayanihan” o sama-sama ang pagsasaka. Para maprotektahan ang mga pananim, nagtayo sila ng barikada.
Hindi ito basta-bastang hinayaan ng may-ari ng lupa. Noong 1993, tatlong traktora, kasama ng armadong goons, ang ipinasok ng may-ari para wasakin ang kanilang mga pananim. Pero nakabangga nila si Nanay Masang at iba pang kababaihang magsasaka na matapang na nakipaglaban.
Kuwento ni Rita Perez Bobadilla, 58-anyos na anak ni Nanay Masang, “Pinagtali-tali namin ang aming mga sarili, kasama ang aming mga anak, para magbuo ng barikada. Sabi ni Nanay sa mga goons, ’Kung di kayo natatakot, sige, sagasaan ninyo kami!’”
Nang magpumilit ang isang traktora, magilas na tumalon sa loob nito si Nanay Masang. Itinutok niya ang bitbit na karit sa leeg ng drayber. Binalatik din ng mga magsasaka ang mga goon at traktora, hanggang sa sila’y mapaalis.
Kakaibang tapang at pamumuno ang ipinamalas ni Nanay Masang sa insidenteng iyon, at sa mga susunod pa.
Minsan, nadatnan niya sa kalsada ang anak ng may-aring si Ramos. Pinababa niya ito mula sa kanyang magarang sasakyan at kinompronta. “Ikaw, laki ka sa Amerika. Kung magsusulat ka dito sa puno ng mangga hindi ko yon kaya basahin. Pero itong lupang tinatayuan ko, kami ang nagtatanim. Kung kukunin mo ito, maraming bata ang magugutom,” aniya.
Hatak sa kababaihan
Noong 1998, muling tinangkang palayasin ang mga magsasaka. Tatlong trak ng mga pulis ng Cavite, sa pangunguna ni Maj. Edward Carranza, ang sumalakay sa kanilang sakahan. Armado ang mga ito at nakabalanggot na itim ang mukha. Animo’y nasa giyera, naghukay pa sila ng mga balon na pagtataguan, samantalang walang kalaban-laban ang mga magsasaka.
Pinaghahatak ng mga pulis ang mga haligi ng kubo ng mga magsasaka. Kapit-bisig silang pinigilan ng mga kababaihan. ”May hinimatay, may umiiyak. Pero kahit ganoon, patuloy pa rin kaming lumaban,” kuwento ni Bodabilla.
Sigaw umano ni Maj. Carranza sa kanyang mga tauhan, ”Parang matatanda lang na babae hindi ninyo kaya?” Sabay dinampot si Nanay Masang, na una sa linya ng depensa. Inihagis niya sa lupa ang matanda.
Sa huli, matagumpay muling napalayas ang mga sumalakay. Hinabla ng pamilya de Castro ang pulis-kumander na muntik makaparalisa kay Nanay Masang. Hindi ito umusad, gaya na rin ng inaasahan.
Malakas ang hatak ni Nanay Masang sa mga kapwa kababaihan, ayon kay Bobadilla. Madalas silang sabihan, “Hahayaan ba natin na makuha ang lupang ating sinasaka? Bilang babae hindi lang tayo dapat sa loob ng bahay. Walang mangyayari kung aasa lang tayo sa lalaki…dapat tayo manguna sa pagkilos.”
Nagpapakilos din si Nanay Masang sa labas ng sakahan. Lumalakbay sila ng malayo para makiisa sa mga piket at rali—kadalasa’y sa harap ng Department of Agrarian Reform at Malakanyang—para ilantad at labanan ang CARP at isulong at tunay na repormang agraryo.
Bagong banta
Limang taon na ang nakakaraan simula nang tumigil si Nanay Masang sa pagsasaka. Panahon na lamang ang nagpahina sa katawang walong dekadang binilad at binatak para mapayaman ang lupa at mapakain ang pamilya. Matagal nang balo, inaalagaan siya ngayon ng pitong anak at mga apo. Marami sa kanila’y nagpapatuloy sa sinimulan ng ina.
Panibagong banta ang kinakaharap ng mahigit 300 pamilyang magsasaka sa Brgy. Langkaan I. Ibinebenta ng may-aring Ramos ang lupain sa Dragon Group of Companies, kompanya ng dating kongresista ng pangalawang distrito ng Cavite na si Rene Dragon. Balak itong gawing subdibisyon at commercial area.
Kaya naman muling nagpapalakas ang organisasyong itinayo ni Nanay Masang mahigit isang dekada na ang nakakaraan. Kontra sila sa House Resolution 737 ni House Speaker Prospero Nograles, na naglalayong baguhin ang Konstitusyon para payagan ang dayuhang pagmamay-ari ng lupa. Anila, paiigtingin lamang nito ang pangangamkam sa mga lupaing gaya ng sa kanila.
“Tinututulan namin yan. Di natin papayagan ang mga dayuhan na magtayo ng kanilang pabrika sa ating mga sakahan. Kung wala tayong mga magsasaka, walang makakain ang mga taga-lungsod,” sabi ni Bobadilla.
Inspirasyon pa rin

Hindi man kayanin ni Nanay Masang na makipagsabayan sa laban, nananatiling inspirasyon ang kanyang tahimik na presensiya at matatamis na ngiti. Pagsasalarawan ni Rep. Mariano, isa siyang ”modernong Tandang Sora” na nakikibaka kasama ng mga inaapi, sa kabila ng kanyang katandaan.
Minsan, tumatalas ang kanyang nanlalabong memorya. “Noo’y hindi niyo ako makikita na walang sombrero gawa ng laging mainit. Hindi niyo ako makikita nang walang nakapalibot na tao,” bigla niyang bulong sa manunulat na ito, ang magiting na nakaraa’y tila sinasariwa.
Maaaring kapirasong papel lamang ang tanda ng kanyang pagkabayani, pero para kay Nanay Masang, sapat na itong patunay na marami ang hindi nakakalimot.