Palparan pinadidiskuwalipika sa Kamara


IPAPADISKUWALIPIKA ng progresibong mga mambabatas si retiradong Hen. Jovito Palparan sa pag-upo sa Kamara bilang kinatawan ng Bantay party-list. “Hindi karapat-dapat ng kuwesto sa Kongreso o anumang tanggapan ng gobyerno ang berdugo ni Gloria Macapagal Arroyo. Notoryus na tagalabag sa karapatang pantao si Palparan at susi sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga miyembro ng mardyinalisado […]

IPAPADISKUWALIPIKA ng progresibong mga mambabatas si retiradong Hen. Jovito Palparan sa pag-upo sa Kamara bilang kinatawan ng Bantay party-list.

“Hindi karapat-dapat ng kuwesto sa Kongreso o anumang tanggapan ng gobyerno ang berdugo ni Gloria Macapagal Arroyo. Notoryus na tagalabag sa karapatang pantao si Palparan at susi sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga miyembro ng mardyinalisado at underrepresented na mga sektor sa lipunan,” paliwanag ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Nakatakdang makaupo sa puwesto si Palparan sa Kongreso bilang kinatawan ng Bantay matapos magdesisyon ang Korte Suprema na dapat umupo ang karagdagang 32 kinatawan na tumakbo sa ilalim ng eleksiyong party-list noong 2007.

Kabilang din sa mga uupo ang tatlong kinatawan ng progresibong mga party-list na sina Neri Colmenares ng Bayan Muna, Joel Maglungsod ng Anakpawis at Raymond Palatino ng Kabataan.

Sinabi pa ni Ocampo na labag sa esensiya ng representasyon sa sistemang party-list ang pag-upo ni Palparan sa Kamara. Wala umanong kinakatawang underrepresented at marginalized na sektor sa bansa.

Hinamon pa ng militanteng kongresista ang Department of Justice na itaguyod ang desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 7, 2008 na nagpapatibay sa desisyon ng Court of Appeals na nagsasabing may kinalaman si Palparan sa pagdukot sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo, at kina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño at Manuel Merino.

“Dapat arestuhin si Palparan. Hindi siya dapat bigyan ng puwesto sa Kamara o natatalaga sa anumang puwesto sa gobyerno,” sabi pa ni Ocampo.

Itinalaga ni Arroyo si Palparan bilang direktor ng Freeport Services Corp. (FSC) sa ilalim ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA). Pero maaari niyang piliing maging kongresista matapos ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Party List Rule.

Nadisgusto naman si Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, sa nakatakdang pag-upo ni Palparan sa Kamara sa mismong ikalimang taong anibersaryo ng pagpaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy sa Naujan, Mindoro Oriental.

Nababahala umano ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na maaaring gamitin ni Palparan ang magiging puwesto sa Kamara para lalong lipulin ang sibilyang mga aktibista sa ngalan ng giyera kontra insurhensiya.

Sinabi pa ni Enriquez na tila nababaluktot umano ang esensiya ng batas sa party-list. “Ano bang marginalized sector ang kinakatawan nya? Mga  kriminal?” pagtatapos ni Enriquez.

Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na kinampanya ni Arroyo at ng militar ang party-list ni Palparan at iba pang “pekeng” partidong pinatakbo para pahinain ang tsansa ng progresibong mga partido sa halalan noong 2007.

“Pinagmamayabang ni Palparan ang pag-upo niya sa Kongreso at pananakot sa publiko. Utang niya ang posisyong ito sa suportang binigay ng Malakanyang at ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa kanyang pagtakbo sa Kamara noong 2007,” paliwanag ni Reyes.